#Women2021 – Women and Film: Relasyon ng pelikula sa estereotipong pananaw sa kababaihan, tinalakay ng SPARK PH


ITINAMPOK ng Samahan ng mga Pilipina para sa Reporma at Kaunlaran (SPARK) Philippines ang maikling pelikulang “Voices from the Sidelines” nina Lyka Gonzalez at Pau Villanueva, ukol sa buhay nina Pia Ranada, Ann at Billie Dumaliang, Mela Habijan, at Sweenee Sajili, at isinagawa ang isang talakayan tungkol sa mga isyung kinahaharap ng kababaihan sa kasalukuyan, Marso 30. 

Inimbitahan bilang mga tagapagsalita sina Michèle Boccoz, Ambassador ng French Embassy sa Pilipinas at Micronesia; Congresswoman Vilma Santos-Recto, 6th district representative ng Lipa City; Mayor Joy Belmonte, alkalde ng Quezon City; Congresswoman Geraldine Roman, 1st district representative ng Bataan; Representative Maria Lourdes Acosta-Alba, chairperson ng women and health equality sa Kongreso; at Mayor Abigail Binay, alkalde ng Makati City. 

Pinangunahan ni Boccoz ang talakayan sa paglalahad ng kahalagahan at kapangyarihan ng pelikula at sining sa pagbabahagi ng ibang pananaw sa mga napapanahong isyu. “Women and girls must be at the center [of addressing problems] in order to come up with solutions that are truly concrete, long term, and inclusive,” ani Boccoz. 

Binanggit naman ni Santos-Recto na may kakayahan ang pelikulang baguhin ang daloy ng lipunan dahil kaya nitong bigyan ng inspirasyon ang mga manonood. Pagdidiin niya sa kaniyang mensahe, “I know they [the movies that I acted in] made an impact on my fellow women. They see themselves in the characters that I portrayed and found inspiration in them.” 

Sinang-ayunan naman ito ni Belmonte sa kaniyang pagpapahayag ng laki ng gampanin ng pelikula sa pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng kasarian. Kaugnay nito, iminungkahi niya na mas mainam na magbida ng matatapang at matatatag na babaeng tauhan sa midya sa halip na mga tradisyonal na babaeng karakter. “Let us showcase characters that dream, hope, yearn and mostly, act for better, brighter, and fair, just, and free society. Let us show women that inspire and uplift other women,” giit ng alkalde. 

Kaugnay ng isinaad ni Belmonte, binigyang-diin din ni Roman ang kahalagahan ng pagkakaroon ng positibong paglalarawan ng mga karakter sa midya. Giit niya, ito na ang tamang panahon upang basagin ang mga estereotipong pag-iisip sa kasarian at baguhin ang pananaw ukol sa kababaihan at mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer+ (LGBTQ+) Community. 

Dagdag naman ni Acosta-Alba hinggil sa usapin, kailangang baguhin ng midya ang paglalarawan nito sa isang lipunang pinangungunahan ng kalalakihan dahil nagsisilbing plataporma ito na nagpapalaganap ng mga kaisipang estereotipo tungkol sa kababaihan. 

Umikot naman sa kasaysayan at kababaihan ang mensahe ni Binay. Aniya, lumalim ang estereotipong pananaw sa kababaihan sa Pilipinas dahil sa kolonisasyon. Gayunpaman, naniniwala siya na unti-unti na umanong kumukupas ito dahil masasaksihan na ang pangunguna ng kababaihan sa ilang industriya at institusyon sa Pilipinas, tulad sa mga pribadong organisasyon at mga ahensya ng gobyerno. “Compared to other countries in Southeast Asia, women in the Philippines are proud to join a greater share of  equality,” saad ni Binay. 

Boses ng kababaihan para sa malayang lipunan

Sa maikling pelikulang “Voices from the Sidelines,” ibinahagi ng limang babaeng tagapagsalita mula sa iba’t ibang larangan ang kanilang karanasan at ginagampanan bilang bahagi ng lipunan. Ayon kay Ranada, nakatulong sa kaniya ang pagiging mamamahayag at pagiging ina dahil, “Motherhood is like a crash course into humanity. There is much more understanding of humans, their stories, how to approach them, and try to understand where they are coming from.”

Ibinahagi naman ni Miss Trans Global 2020 Habijan na batid niya ang matatanggap niyang panghuhusga dahil sa kaniyang kasarian dahil marami pa rin ang may maling pananaw at mababaw na pang-unawa sa mga miyembro ng LGBTQ+ Community. Bilang isang transwoman, inilahad niyang mahalaga para sa kaniya ang pagiging totoo sa sarili. Aniya, “Truth means transparency and truth means trust.” Sa kabila ng banta ng panghuhusga at diskriminasyon, mas pinili ni Habijan na umukit ng pagkakakilanlang hindi matatapakan ninoman.

Para naman kay Sajili, isang Filipino at Muslim Medical student, ibinahagi niyang hindi naging dahilan ang magkaibang pananaw ukol sa mga Muslim sa Mindanao at sa Maynila upang magbago ang kaniyang pangarap na makapagsilbi sa mga tao. Saad niya, isang palatandaan ng pag-aaklas ang pagsusuot niya ng hijab bilang proteksyon at patunay na hindi isang uri ng opresyon ang pangingimi—”I am not my external. I am my internal.”

Ibinahagi naman nina Dumaliang, parehas na award-winning conservationist at Masungi Georeserve trustee, ang paniniwala ng ilang katutubong pangkat hinggil sa kakayahan ng kalalakihan pagdating sa pagdedesisyon. Anila, “some indigenous people see men as more competent, more capable, and who they would rather deal with when it comes to decision-making and the things that involve the community.” Gayunpaman, iginiit nila Dumaliang ang malaking papel na ginagampanan ng kababaihan sa lipunan. Nakaaalpas man ang iba, hindi ibig-sabihing parehas na ang natatamasa ng lahat. Nananatili pa rin ang laban ng kababaihan tungo sa pagbibigay at pagpapalakas ng boses ng kapwa babae at mauugat ito sa kulturang kinagisnan ng mga tao.

Sa huli, nanindigan ang mga tagapagsalita na magkakaugnay ang lahat ng bagay dahil walang nakahihigit o nakabababa sa lipunang malaya. Malaki ang gampanin ng kababaihan sa paghubog ng isang pantay at makatarungang pamamahala, at sa kamay ng nagkakaisang lipunan nakasalalay ang kinabukasan ng kasalukuyan at ng mga susunod pang henerasyon.