Hubad na katotohanan sa likod ng pilosopiya at mga obra ng kababaihan


Banner mula sa Samahan ng mga Lasalyanong Pilosopo

Iba ang karanasan ng bawat kababaihan kompara sa kalalakihan sa ating mundong kinamulatan. Isang patunay na rito ang kanilang patuloy na pagpiglas mula sa kulturang machismo at lipunang patriyarkal na nananatiling lumulupig sa kanila. Pagdating sa larangan ng sining, tila naging sukatan ang katawan ng isang babae sa pagdikta ng kahalagahan nito bilang sentro ng obra. Iibahin ang anggulo at patitingkarin ang mga kurba ng katawan upang gawing seksuwal at nakahahalina; produkto ng sistemik na objektipikasyon at pagnanasa o “male gaze” sa nararapat sanang representasyon ng kababaihan sa sining. 

Sa pagtatapos ng selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan ngayong taon, inilunsad ng Samahan ng mga Lasalyanong Pilosopo (DLSU Pilosopo) ang Celebrating the Woman: In Art and Philosophy “Womankind: Female Depiction and Position in Art.” Sa talakayang ito, inilahad ni Dr. Ninotchka Mumtaj “Taz” Albano, Assistant Professor mula sa Departamento ng Pilosopiya ng Ateneo De Manila University, ang katayuan ng kababaihan sa larangan ng sining. Tinalakay rito ang iba’t ibang paraan ng paggamit ng katawan ng kababaihan bilang kasangkapan sa usapin ng seksuwalidad at kalaswaan sa nasabing larangan. Kinakatawan ito sa mga obra at paglalarawan ng kababaihan sa ating kasaysayan, at kaugnay nito ang mabigat na gampaning nakatalaga sa buhay ng isang babae na kinakailangang ipaglaban ang sariling kahalagahan at katayuan sa lipunang kinabibilangan. Sa pagtatampok sa kasaysayan ng pagtindig ng kababaihan sa mundo ng sining, ipinakita sa talakayan pawang ang mga obrang nagbibigay-kahulugan sa kung paanong dinidiktahan ang hubad na katawan — kasabay ng pagpapalaya nito mula sa hatol ng mapagnasang mga mata. 

Pagsuong ng kababaihan sa mundo ng sining at pilosopiya

Babaeng kagalang-galang, ordinaryong babae, at hubad na babae — ito ang karaniwang uri ng representasyon ng kababaihan sa mga kasalukuyang likhang obra, ayon kay Dr. Taz. Sa pamamagitan ng talakayang kaniyang pinangunahan, kinompronta niya ang isyung pilit na ipinagsasawalang-bahala at isinasantabi lamang: ang pagtingin sa mga babae bilang object of sexual desire. 

Mapapansing karaniwang ginagamit ang hubad na katawan ng kababaihan bilang kasangkapan sa erotic visual gratification na makikita sa iba’t ibang likhang obra, katulad na lamang ng The Birth of Venus ni Alexandre Cabanel at Chloe ni Jules Joseph Lefebvre. Bagamat layunin ng mga manlilikha ang makapaghatid lamang ng mga kuwento at makapaglahad ng emosyon, tila hindi mawaksi ang mga kakatwang bagay na umiikot sa isipan ng mga tagamasid, na sanhi ng pagkabuhay ng kanilang pagnanasa sa tuwing nakakakita ng kahubdan ng isang babae. Sa usaping ito pumapasok ang konseptong male gaze o ang pagtingin sa mga babae bilang larawan ng pantasya na siyang gumigising sa natutulog na libog ng tagamasid. Pagbabahagi ni A.W. Eaton, isang bihasa sa larangan ng sining at pilosopiya, “To objectify, is to treat as a mere thing something that is in fact not a thing”. 

Sa kabilang banda, hindi rin maikakailang kalalakihan ang karamihan sa mga kilalang manlilikha. Ilan sa mga tukoy na dahilan ng pagkakaroon ng kaunting bilang lamang ng mga babaeng manlilikha sa sining ang pagkakaroon ng samu’t saring responsibilidad ng kababaihan at ang hindi pagtanggap sa kanila sa art classes — na nagpatuloy din nang hanggang ilang dekada. 

Taong 1893 na nang magsimulang magkaroon ng puwang para sa mga babaeng alagad ng sining at hindi maipagkakailang kagila-gilalas ang naipamalas nila sa larangang ito. Kompara sa hubad na katawang karaniwang paksa sa obra ng mga lalaking manlilikha, kadalasang nakatuon ang obra ng kababaihan  sa mga hayop o mga isyung kinahaharap nila sa kanilang buhay at kanilang kapaligiran. Ilang halimbawa nito ang Timoclea Killing Her Rapist na likha ni Elisabetta Sirani noong 1659 at Angelica Hesitating Between Music and Painting ni Angelica Kauffman noong 1791. 

Sa paglipas ng mga taon, patuloy na namayagpag ang kababaihan sa larangan ng sining. Patunay rito si Zandile Tshabalala na isa sa mga kinilalang babaeng alagad ng sining na matapang na sinuong ang diskriminasyon laban sa kababaihan. Ginamit ni Tshabalala ang kaniyang angking kakayahan sa sining upang malayang maipahayag ang kahalagahan at kagandahan ng mga black woman sa pamamagitan ng kaniyang mga likhang obra. Ilang halimbawa nito ang kaniyang Enter Paradise 1 noong 2020 at Ode to Rousseau 1 noong 2021. Sa kaniya namang obrang February Flowers noong 2020, binigyang-diin ni Tshabalala ang pagtanggap at pagturing na normal sa mga babaeng piniling magpatubo ng balbas, bigote, at buhok sa katawan at hindi magpahaba ng buhok sa ulo. 

Maging sa mundo ng komiks, hindi maitatago ang katotohanang nakaranas din ng diskriminasyon ang kababaihan. Sa mga komiks na It Ain’t Me Babe noong 1970 at Tits and Clits noong 1972, ipinakita ng kababaihan ang kanilang katapangan sa paggapi sa mga paksang karaniwang idinidikit sa kababaihan. Sa kabila ng mga hadlang, patuloy pa rin nilang ipinamalas ang kanilang talento at nagpahayag ng saloobin sa ilang paksa, katulad na lamang ng lesbianism, pang-aabuso sa kababaihan, rape, at incest. 

Inialay naman ng DLSU Pilosopo ang huling araw ng programa sa pagpapalawak ng kamalayan ukol sa  kontribusyon ng ilang kababaihan sa larangan ng pilosopiya. Pinangunahan ito ng ilang mag-aaral na nabigyan ng  pagkakataong maihayag ang mga naiambag ng ilang babaeng pilosopo sa pamamagitan ng paglikha ng komiks. Ilan sa mga binigyang-pugay sa larangan ng pilosopiya sina Murasaki Shikibu, Heloise, Beatrice of Nazareth, Catherine of Siena, Olivia Sabuco, Marie de Gournay, at Emilie du Chatelet na tuwirang nagbigay ng saloobin at kaisipan sa mga isyu patungkol sa relihiyon, mga antas sa lipunan, at maging sa mga pananaw sa kababaihan.

Sa pagpupunyagi at pagpupursiging maipahayag ang tunay na saloobin, binasag ng kababaihan ang kanilang katahimikan at gumawa ng ingay sa pamamagitan ng pluma, pintura, at malikhaing pag-iisip upang matibag ang pader na pilit na humaharang at kumukubli sa malayang pagpapamalas ng kanilang isipan, talento, at halaga. Sa bulag na pamantayan ng mapangmatang lipunan, sining at pilosopiya ang nagsilbing sandalan ng kababaihan upang maitaguyod ang pantay na pagtingin sa bawat indibidwal. 

Pagpapalakas ng boses ng kababaihan 

Makikita ang iba’t ibang manipestasyon ng patriyarkal na representasyon at objektipikasyon ng kababaihan hindi lamang sa sining kundi pati na rin sa mga pang-araw-araw na gawain. Sa pamamagitan ng paglikha ng sining, naipahahayag ng kababaihan ang mga makabuluhang naratibo ukol sa pansariling karanasan, pananaw, at kamalayan. 

Ibinaybay ni Dr. Taz ang bawat yugto sa pagsilang ng kilusang kababaihan sa pamamagitan ng unti-unting pagbabago at pagkawala sa sapot ng diskriminasyon sa ating lipunan. Kasama na rito ang naratibong bumabasag sa kapangyarihang macho, pyudal, at patriyarkal; ito ang iilan sa mga yugtong nakakawing sa usapin ng pakikibaka at pakikipaglaban tungo sa pagkakaroon ng pantay-pantay na karapatan. 

Marahil ang patuloy na pagpipi at pangmamaliit sa kababaihan ang nagsilbing puwersa upang kumalas at pumiglas sa kulturang patriyarkal. Isang pagpupunyagi at pagpupugay sa kababaihan ang pagtindig para sa adhikaing palayain ang katawan mula sa panlalaking pagnanasa at muling akuin ang kalayaang magpahayag nang hindi dinidiktahan ng anomang pamantayan. Muli, maituturing na malaking tagumpay ang unti-unting pagkawala mula sa rehas na hadlang sa paglaya ng kababaihan, hindi lamang sa larangan ng sining, kundi pati na rin sa kanilang buhay bilang isang babae at bilang isang indibidwal.