BINIGYANG PAGKILALA ang pananaliksik ng ilang siyentipiko mula sa National Tsing Hua University (NTHU), kabilang na ang Lasalyanong alumnus na si Daryl Joe Santos, tungkol sa mga misteryosong radio signal mula sa malalayong kalawakan. Dating estudyante si Santos sa Pamantasang De La Salle at nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Physics with Specialization in Material Science noong 2019. Naging miyembro din siya ng Lasallian Scholars Society at kasalukuyang masters student ng kursong astronomy sa NTHU.
Pinangunahan naman ni Dr. Tetsuya Hashimoto, postdoctoral na mananaliksik ng NTHU at eksperto ng Fast Radio Bursts (FRB), Gamma Ray Bursts, at galaxy evolution, ang naturang pananaliksik. Binubuo rin ang kanilang grupo ng ilan pang estudyante at postdoctoral na mga mananaliksik mula sa parehong institusyon. Kabilang dito sina Tomotsugu Goto, Alvina Y. L. On, Ting-Yi Lu, Simon C.-C. Ho, Seong Jin Kim, Ting-Wen Wang, at Tiger Y.-Y Hsiao.
Hiwagang dala ng mga FRB
Sa kanilang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ni Hashimoto ang layunin ng kanilang pananaliksik. Ayon sa kaniya, layon nilang matuklasan ang pinagmulan ng mga FRB, isang uri ng misteryosong radio signal na nagmula sa malalayong kalawakan. Lumilitaw ang mga FRB nang isang libong beses sa loob ng isang araw ngunit dahil sa bilis ng paglitaw nito, mahirap tukuyin ang pinagmulan nito.
Pagpapaliwanag ni Hashimoto, napili nila ang paksang ito dahil isa itong panibagong pananaliksik sa larangan ng astronomiya. Dagdag pa niya, napili nila ang paksa ng kanilang pananaliksik sa pamamagitan ng mga diskursong isinasagawa nila sa kanilang Journal Club.
Naging motibasyon nila sa pagpapalawig ng kanilang pananaliksik ang pagtuklas sa potensyal ng mga FRB. Sa pamamagitan nito, naniniwala silang makapagbibigay ito ng mga kasagutan sa larangan ng Astronomiya at Physics. “They are expected to solve long-lasting big questions in astronomy and physics such as mysterious dark energy, the missing baryon problem, the cosmic reionization history, and testing general relativity,” ani Hashimoto.
Ikinuwento rin ni Hashimoto na pinag-aralan muna niya ang mga Gamma-Ray Bursts bago sila humantong sa pananaliksik ng mga FRB. Paglalahad niya, nahirapan siyang makilala bilang mananaliksik sa paksang ito dahil napakarami nang mga pag-aaral hinggil dito. Sa kabila nito, naniniwala siyang isa siya sa mga nangungunang mananaliksik pagdating sa FRB.
Inilahad din ni Hashimoto ang mga isinagawa nilang proseso upang maisakatuparan ang kanilang pananaliksik. Pagbabahagi niya, “We wrote a precursor paper which was necessary to convince researchers about our calculation of number density.” Tinanggap naman ang kanilang isinumiteng paunang papel na nagsilbing daan upang makapagpatuloy sila sa pagsasagawa ng masusing pananaliksik.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, natutunan ni Hashimoto ang kahalagahan ng pagtuklas ng mga panibagong bagay. Aniya, “My background is optical to near-infrared observations, which are very different from fast radio bursts. . . however, I was able to overcome this difficulty because collaborators helped to read the newest papers about fast radio bursts.” Bilang katuwang, nagpapasalamat naman si Santos sa paghihimok ng kanilang tagapayo na nagsilbing daan upang makapagbigay siya ng kontribusyon sa kanilang pananaliksik.
Bunga ng pagsisikap
Kinilala rin ng ilang prestihiyosong institusyon ang kanilang pananaliksik. Napabilang ang kanilang papel sa press release na inilabas ng Japanese Astronomy Society at itinanghal na Best Postdoc Paper ng Ministry of Science and Technology ng Taiwan.
Naniniwala si Hashimoto na malaki ang kontribusyon ng kanilang pananaliksik sa patuloy na pagtuklas sa mga misteryong pumapalibot sa mundo. Para sa kaniya, nagsisilbing daan ang pag-aaral ng astronomiya upang mapaunlad ang kalidad ng buhay ng mga tao.
Ipinaliwanag naman ni Santos na mahalaga ang pag-aaral ng astronomiya dahil nagbubunga ito ng mga kaalamang naaangkop rin sa ibang larangan. “Although FRBs do not really affect people in their daily lives, studying them and astronomy gives us an idea of where we lie in this vast universe,” ani Santos.
Pagbabalik-tanaw sa pinanggalingan
Nagpasalamat din si Santos sa natamo niyang edukasyon mula sa Pamantasan na nag-udyok sa kaniya upang ipagpatuloy ang layunin sa pag-aaral ng astronomiya. Giit niya, “Although astronomy courses are not offered for physics students currently, I believe that DLSU’s physics program is more than enough to prepare me for the realm of astronomy research, thanks to the University’s focus on research.”
Paglalahad pa niya, patuloy niyang isinasapuso ang bansag ng Pamantasan na “Lasallian achiever for God and for Country” bilang motibasyon upang maging isang tanyag na siyentipiko at astronomer sa hinaharap. Paliwanag ni Santos, “As long as I remember this, despite facing many challenges in my research, from encountering bugs in codes to having a week-long slump in producing results, I am always reminded of why I chose to pursue astronomy abroad.”
Nagbigay rin si Santos ng payo para sa mga naghahangad na magsagawa ng sarili nilang pananaliksik. Aniya, hindi madali at napakaraming tatahaking balakid sa pagsasagawa nito. Gayunpaman, natutunan umano niyang patuloy na maging determinado at matatag sa ginagawang pananaliksik.
“Taking charge despite the fear of failing, being open to suggestions, collaborations, and constructive criticism, and surrounding yourself with the right people definitely help in producing research,” pagtatapos niya.