#Women2021: Isyu sa usaping pangkalusugan ng kababaihan, tinugunan ng SPARK PH


BINIGYANG-HALAGA ng Samahan ng mga Pilipina para sa Reporma at Kaunlaran (SPARK) Philippines ang katatagang kumakatawan sa kababaihan sa kanilang patuloy na paglaban para sa kalayaan at sa akses sa maayos na sistemang pangkalusugan, sa pagsasagawa ng talakayang #Women2021 – SPARK Conversations: Women and Health, Marso 29. 

Nanguna si Anke Reiffenstruel, Ambassador ng German Embassy sa Manila, sa pagpapabatid ng lumalalang karahasan sa kabataan at kababaihan ngayong panahon ng pandemya, o mas kilala bilang “shadow pandemic.”  

“It is indeed imperative to address these pressing issues, far beyond the current pandemic since it also comprises the whole complexity of gender-related health methods, as well as sexual and reproductive rights and health issues,” ani Reiffenstruel. 

Matapos bigyang-diin ni Reiffenstruel ang kahalagahan ng pagbibigay-lunas sa mga isyung may kinalaman sa kababaihan at karahasan, sumunod naman ang isang talakayang kabilang sina Zonibel Woods, Senior Social Development Specialist ng Asian Development Bank; Laura Oexle, Deputy Head of Mission ng General Embassy Manila; Megan Young, Miss World 2013 at Carefree Brand Ambassador; at Dr. Ina Rinabon, Obstetrician-Gynecologist at miyembro ng Board of Directors sa Philippine Society for Reproductive Medicine. 

Isa sa mga tinalakay sa diskursong ito ang usapin ng sex education at health para sa kabataan. Paliwanag ni Rinabon, walang tiyak na edad kung kailan nararapat mamulat ang kabataan sa usaping ito. Aniya, “. . . as long as you think that your child is mature enough to understand, you can start sexual education as early as possible. . . I’m not really sure how much public schools have integrated sexual education in their curriculum but I think that they should be doing that now.” 

Ayon naman kay Young, napansin niya ang pagkakaroon ng mga librong pambatang nagtuturo sa kabataan ukol sa kanilang katawan. “It helps the younger generation and I would assume that the target audience for this book is around toddler age to kindergarten and it’s great because at least you have local artists that are helping parents teach their children about these things,” paglalahad niya. 

Binuksan naman ni Camile Escudero, tagapagtatag ng Lily of the Valley, ang pinalalang sitwasyong pangkalusugan ng kababaihan ngayong may pandemya. Gayunpaman, iginiit niyang bago pa man magkaroon ng pandemya, nasa 500 milyong kababaihan na ang walang maayos na akses sa mga produktong panregla. Dahil dito, laganap pa rin umano ang period poverty at cultural taboos sa maraming bansa dahil na rin sa kakulangan sa impormasyon ng mamamayan ukol sa pagpapanatili ng kalusugan ng kababaihan sa tuwing nireregla.

Sumang-ayon naman dito si Woods at iginiit na, “Managing your period should not be seen as a luxury. . . This is an essential part of women’s life.” Pagdidiin ni Young, mahalagang maging normal sa lahat ang pagbili ng mga menstrual product dahil normal sa buhay ng kababaihan ang pagkakaroon ng regla at hindi dapat ikinahihiya.

Sinuportahan naman ito ni Escudero at ipinabatid na normal ang pagreregla ng kababaihan at dapat lamang itong tratuhing normal sa pananaw ng karamihan, lalo na sa kalalakihan. Aniya, “We need to engage the men because as we normalize these conversations, they will come out from these taboo shells.”

Pinasadahan din sa talakayan ang Senate Bill No. 1687 o Menstruation Leave Act na inihain ni yumaong dating Senador Miriam Santiago noong 2004, na nakabinbin pa rin umano sa Kongreso. Ani Escudero, nakasaad sa ipinasang panukala ang isang araw na leave kada buwan para sa kababaihan kapag dinadatnan. Nakiisa naman si Young sa panukala at idinagdag na, “Some people don’t understand the effect of dysmenorrhea women go through.” 

Sa pagpapatuloy ng diskusyon, ikinuwento ni Young na nahirapan siyang panatilihin ang pangangalaga sa kaniyang kalusugan noong unang ipatupad ang community quarantine sa bansa dahil sa pangamba niyang mahawa sa sakit kapag lumabas at pumunta sa mga pamilihan. Bunsod nito, iminungkahi niyang nararapat isama ng mga lokal na pamahalaan ang feminine products, tulad ng sanitary napkin, sa mga ipinamimigay na ayuda, lalo na sa mga liblib na lugar.

Bilang pagtatapos, ipinaalala ni Ma. Aurora Geotina-Garcia na seryosohin at bigyang-halaga ang mga isyu ng kababaihan sa araw-araw at hindi lamang sa buwan ng Marso dahil edukasyon at tamang impormasyon ang unang hakbang upang magkaroon ng inklusibong bansa.

“We cannot return to the world we had before, different sectors of society must now work on recovery with a gender lens which means educating and pushing for a gender-sensitive response to feminine health issues, putting forward of women empowerment agenda in policy making, and increasing the political participation of women, and emphasizing the importance of intersectionality and inclusivity regardless of one’s political leaning,” panawagan ni Geotina-Garcia.