BINIGYANG-TUON sa talakayang Usapang Babae, Usapang Botante: A Forum on the Women’s Vote ang karapatan ng kababaihan na bumoto, kaugnay ng pagdiriwang ng buwan ng kababaihan. Inilunsad ang nasabing talakayan sa pagtutulungan ng St. Scholastica’s College (SSC) Manila, De La Salle University (DLSU) Center for Social Concern and Action – Lasallian Outreach and Volunteer Effort, University Student Government Office of the Vice President for External Affairs (USG-OVPEA), at Student Leadership Involvement, Formation and Empowerment, Marso 25.
Upang maipaabot sa pamayanang Lasalyano ang layunin ng talakayan, inimbitahan ng mga nasabing organisasyon sina Sr. Mary John Mananzan mula sa SSC Manila at si Dr. Ronnie Holmes mula sa DLSU upang magbahagi ng kanilang pananaw ukol sa gampanin ng kababaihan bilang mga kapanalig sa pagpapairal ng batas, karapatan, at katarungan.
Babae ka, hindi basta babae lang
Kailangan ng isang bansa ang pamumunong walang takot na hahamon sa patriyarkal na lipunan—ito ang mariing ipinaliwanag ni Sr. Mananzan sa kaniyang pagtalakay ukol sa usaping Women Transformative Leadership. Nilinaw niyang mahalagang taglay ng isang babae ang mga katangiang pagpapahalaga sa sarili, pagiging mulat sa lipunang ginagalawan, at pagsuri at pagpuna sa sariling katayuan upang tunay na maging tagapagtaguyod ng pagbabago. Aniya, “The most important thing that all of us should develop is inner freedom and inner security, because when you have inner freedom and inner security, you are sure of yourself.”
Ibinahagi naman ni Holmes ang mga datos na nagpapatunay sa kapangyarihan ng kababaihan pagdating sa politika. Mula sa pagpiglas sa dikta ng lipunan, hanggang sa paglaban para sa karapatang makaboto na halos umabot ng tatlong dekada, kasalukuyan nang natatamasa ng kababaihan ang matagal na nitong inaasam—ang makibahagi sa paghubog ng inklusibong lipunang ginagalawan. Ayon sa datos, bagamat mas marami ang populasyon ng kalalakihan sa bansa, mas mataas pa rin ang bilang ng kababaihang rehistradong botante.
Kaugnay nito, masasaksihan din sa isinagawang pagsusuri ng mga nakalap na datos ang patuloy na pagtaas ng bilang ng kababaihang naluluklok sa posisyon sa pamahalaan. Gayunpaman, hindi rito natatapos ang laban dahil umpisa pa lamang ito ng isang makabuluhang hamon sa pagkamit ng isang lipunang natutugunan ang pangangailangan ng bawat mamamayan.
Boto ng kababaihan, tagumpay ng sambayanan
Nagtapos ang talakayan sa isang open forum na nagbigay-pagkakataon sa mga manonood na magtanong sa mga tagapagsalita. Inimbitahang makilahok sa talakayan si Dr. Rebecca Marquez, propesor sa SSC Manila, upang pag-usapan ang iba’t ibang paraan para mahikayat ang kababaihan na bumoto. Bilang tugon, naniniwala si Marquez sa kahalagahan ng pag-aaral at pagkilala sa mahaba at makulay na kasaysayan ng kababaihan sa kanilang paglaban para sa kanilang mga karapatan.
Sumunod na tinalakay ang tungkulin ng kababaihan sa politika at iba pang posisyon sa pamahalaan. Ani Marquez, “Women can lead. It’s a matter of giving them a chance, we can do it, and we have been doing it.” Dagdag pa rito, ibinahagi rin niya na mayroong kakayahan ang mga babaeng mamuno, gaya na lamang ng nasasaksihan ngayong panahon ng pandemya. Binigyang-pansin din sa talakayan ang pagkakaroon ng posisyon sa politika ng ilang kababaihang tila pinagtaksilan ang kanilang kapwa babae at ginamit lamang ang kanilang pagkababae upang isulong ang kanilang mga personal na interes. Ayon kay Holmes, sakit na ng ating bansa ang pagbibigay ng labis na pagpapahalaga sa personalidad ng kandidato sa halip na bigyang-pansin ang mga platapormang kanilang isinusulong.
“There is no women’s vote, but we have a women’s agenda,” ani Marquez. Dagdag pa niya, hindi nagtatapos sa buwan ng Marso ang pagtingala sa kababaihan at kanilang mga kakayahan. Sa halip, isang paalala ang selebrasyong ito na mayroon pang mga saloobing sinisiil at mga boses na pinatatahimik.
Nagtapos ang talakayan sa isang mensaheng nagnanais ng pagkakaisa. Hindi lamang mga babae ang kasapi sa laban para sa karapatan ng kababaihan sapagkat pasan ito ng lahat ng mamamayan. Tunay na malayo na ang naabot ng kababaihan sa kanilang laban para isang pantay na lipunan, at simbolo ng pagkilala sa mga tagumpay na ito ang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan. Subalit, hindi pa tapos ang kanilang laban. Sa kabila ng kanilang mga nakamit, marami sa ating kababaihan ang tila hawak pa rin sa leeg ng mapang-aping patriyarka.
Tuloy-tuloy na selebrasyon
Sa susunod na taon, muling mabibigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na mamimili ng mga lider na magdidikta sa kursong tatahakin ng Pilipinas. Sa pagsasagawa ng talakayang ito, naitaguyod ang hangaring maipaalam sa kababaihan ang kanilang karapatang makilahok at bumoto upang isulong ang mga kaisipang ikabubuti ng kapwa babae at ng bayan.
Mahalagang maikintal sa isipan ng bawat isa na hindi kailanman nasusukat ng kasarian ng isang tao ang kakayahan niyang kumilos at mag-isip, at lalong walang karapatan ang lipunan na diktahan ang kaniyang gampanin—mula sa pagpili ng landas na tatahakin hanggang sa pagpapahayag ng mga pangangatwirang maaaring humubog sa lipunan. Sa ating pagbabalik-tanaw, matutunghayan na noon pa man, bitbit na ng kababaihan ang boses na hindi kailanman masusupil ng takot—isang boses na paulit-ulit na nanawagan ng hindi lamang pantay na karapatan, kundi pati kalayaan mula sa baluktot na pag-iisip ng lipunan.
Laban man ito ng kababaihan, hindi ito nangangahulugang pawang kababaihan lamang ang maaaring tumindig para sa kanilang mga sarili. Isa itong pagsusumamo sa bawat isa na maging kasangga at katuwang sa pagtataguyod ng pantay na karapatan sa pakikilahok sa paghubog ng lipunan. Palatandaang hindi lamang para sa karapatan ng kababaihan ang laban na ito, kundi para sa lahat ng mamamayan.