OPISYAL NANG HINIRANG si Jericho Jude Quiro bilang bagong Chief Magistrate ng University Student Government (USG) – Judiciary matapos makamit ang pagkapanalo sa botong 31-30 laban kay Andre Miranda. Tinalakay sa joint session ng Executive Committee, Legislative Assembly (LA), at Activities Assembly ng USG ang pagtatalaga ng bagong Chief Magistrate para sa kasalukuyang akademikong taon, Marso 27.
Pagbabahagi ng mga plataporma
Bago ang naging botohan, inaprubahan ni Maegan Ragudo, pangulo ng USG, ang muling pagbubukas ng nominasyon matapos iendoso si Miranda sa nasabing posisyon sa pangunguna ni Marcus Guillermo, pangulo ng College of Business. Tatlo ang inisyal na bilang ng mga kwalipikadong tumakbo sa posisyon ng Chief Magistrate sa sangay ng Judiciary subalit iniurong ng dalawa ang kanilang nominasyon nitong nakaraang linggo.
Bagaman kabilang si Miranda sa mga nag-urong ng pangalan sa pagiging nominado, pinaunlakan pa rin niya ang paghalal sa kaniya ni Guillermo sa joint session. Ayon sa kaniya, plano lamang niyang subaybayan ang mga pangyayari sa sesyon subalit hindi niya inaasahang maisasali siya muli sa hanay ng mga nominado.
Matapos ang nominasyon, tinalakay ng dalawang nominado ang kani-kanilang mga plataporma sakaling isa sa kanila ang hirangin bilang bagong Chief Magistrate. Pinangunahan ni Quiro ang pagbabahagi ng kaniyang mga plano sa paniniwalang mapauunlad pa ang Judiciary tungo sa mas matatag na USG. Aniya, “A better USG means that accountability, efficiency, and trust is not only seen but felt.”
Pahayag ni Quiro, “The impact of the K-12 program and the COVID-19 pandemic hindered our progress and produced less applicants to the department which depleted the small manpower we possess.” Ibinahagi naman niyang unti-unting naitaguyod ang Judiciary sa pagpasok ng ID 118, 119, at 120, at sa pamamalakad ni Clifford Martinez, dating Chief Magistrate, katuwang ang Judicial Board. Gayunpaman, iginiit niyang kailangan pa ring patuloy na paunlarin ang pamamalakad sa Judiciary. “What Chief Magistrate Martinez and the Board did is the groundwork for an even better Judiciary,” saad niya.
Dahil dito, inilatag ni Quiro ang tatlong pangunahing haligi ng kaniyang development plan: koneksyon, relationship building, at internal development. Plano niyang magkaroon ng mga katuwang sa ibang sangay ng Judiciary sa labas ng Pamantasan upang makapagbahagi ng kaalaman at karanasan sa isa’t isa.
Binigyang-diin ni Quiro na makabuluhan din ang sangay ng Judiciary tulad ng ibang institusyon at titiyakin niyang protektado ang mga karapatan ng mga estudyante at ng konstitusyon. Pag-uugnay pa niya sa isa sa mga layunin ng Sustainable Development Goals, “A stronger one shall result in a more effective and efficient Judiciary, a Judiciary which ensures that a dream of lasallian peace and justice is a reality for everyone.”
Ipinahayag naman ni Miranda ang pagnanais niyang maibahagi ang lahat ng kaniyang mga natutunan sa pag-aaral ng mga batas sa Judiciary, pati na rin ang ilan sa kaniyang mga plano para sa institusyon. Wika niya, “I’ve always consulted with my fellow Magistrates pagdating sa mga plans.”
Binanggit ni Miranda na plano niyang bumuo ng komite para sa policy review upang mas mapalawak ang kamalayan ng mga miyembro ng Judiciary at masuri ang mga polisiyang kailangang baguhin at ayusin. Sakali mang mahirang bilang bagong Chief Magistrate, plano rin niyang magtatag ng moot court o simulasyon ng mga legal na proseso at gumawa ng mga annotated interpretation para sa mga batas ng Pamantasan.
Naniniwala naman si Miranda na nakatulong ang kaniyang mga kontribusyon at sakripisyo sa ikabubuti ng Judiciary. “I’m saying that I’m gonna continue doing that because I want to, because that’s what the Judiciary deserves,” pagdidiin niya.
Paghahanda sa bagong konstitusyon ng USG
Tinanong naman ni EXCEL2021 LA Representative Katkat Ignacio sina Quiro at Miranda ukol sa mga gagawin nilang paghahanda para sa pagtatatag ng Office of the Ombudsman, isa sa mga probisyong kalakip ng inaprubahang plebisito noong Make-up Elections 2021.
Ibinahagi ni Quiro na isa siya sa mga kinonsulta ng LA noong isinusulat ang probisyong ito. Aniya, pangungunahan niya ang pagbibigay ng mga rekomendasyon ukol sa Ombudsman Law na kinakailangang ipasa upang maipatupad ang probisyon. Binanggit niyang maipapakita ito sa LA pagkatapos ng Holy Week o habang midterms.
Makatutulong naman si Miranda sa proseso ng pagtatatag ng Office of the Ombudsman sapagkat nakaangkla ang batas sa due process. Mayroon din siyang personal na karanasan kaugnay sa kaso ng ombudsman na magiging kapakipakinabang upang maitakda ang pagkakaiba ng mga counsel officer ng Judiciary at miyembro ng opisina ng ombudsman. Ani Miranda, “It [Office of the Ombudsman] is vested with a huge responsibility to act as an investigative body for all of us here.”
Inusisa rin ni Renee Formoso, pangulo ng Science College Government, ang mga plano ni Quiro sa paghahanda sa mga opisyal ng USG para sa panibagong konstitusyon sakaling mapalawig ang termino ng mga kasalukuyang opisyal. Ipinahayag ni Quiro na maaari niyang tulungan sa pag-unawa ng konstitusyon ang mga opisyal subalit hindi siya maaaring magbigay ng anomang pahayag ukol sa pagpapalawig ng kanilang termino. Sinabi niyang maaaring konsultahin ng mga opisyal ang mga counsel officer para rito.
Plano sa hinaharap
Inalam din ni Ignacio ang plano nina Quiro at Miranda sakaling hindi hirangin bilang Chief Magistrate. Ayon kay Quiro, imumungkahi pa rin niya ang kaniyang mga plano sa judicial board habang itutuloy naman ni Miranda ang binabalak niyang annotated interpretation para sa mga batas at konstitusyon.
Tinanong din ni Ignacio ang mga bagay na nais ipagpatuloy at pagbutihin ng dalawang kandidato mula sa pamumuno ni Martinez. Binanggit ni Quiro ang inisiyatiba ni Martinez na madagdagan ang bilang ng miyembro ng Judiciary. Ipatutupad din niya ang two-year Judiciary Development Plan upang siguruhing may kakayahan silang hawakan ang mga ihahaing kaso sa hukuman sa hinaharap. Sinabi naman ni Miranda na nais niyang ipagpatuloy ang mabuting pakikitungo ni Martinez sa mga yunit ng USG.
Inusisa naman ni Guillermo ang mga kandidato tungkol sa prinsipyong kanilang pinaniniwalaan sa panahong may kalabuan ang sinasabi ng batas. Bagaman hindi makapagbigay ng kongkretong sagot, naniniwala si Quiro na dapat laging nasa pabor ng isang simpleng mag-aaral ang Judiciary.
Para naman kay Miranda, nakadepende ito sa konteksto. Ibinigay niyang halimbawa ang pagpanig ng korte sa inaakusahan ng isang krimen habang pinapanigan naman nito ang pamahalaan pagdating sa tax. Giit ni Miranda, “Not only are we a court of law, but we are a court of equality.”
Tinalakay naman nina Quiro at Miranda ang kanilang mga plano sa pakikipag-ugnayan ng Judiciary sa dalawang sangay ng USG, nang tanungin ito ni EXCEL2022 LA Representative Aeneas Hernandez. Ibinahagi ni Miranda na magagawa ito sa pamamagitan ng paggawa ng isang consultative committee upang magkaroon ng sapat na pakikipag-ugnayan sa Executive Board at LA para sa transisyon sa bagong konstitusyon. Subalit, binigyang-diin din ni Miranda na hindi kinakailangan ng matinding hakbang para rito. Giit niya, “As checks and balances are concerned, may kaniya-kaniya tayong mandate connected to each other already.”
Tulad ni Miranda, naniniwala rin si Quiro na magkakaiba ang mandato ng tatlong sangay ng USG. Gayunpaman, sinabi rin niyang dapat silang magtulungan at gagawin niya ito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa LA inner circle upang isakatuparan ang mga plano sa bagong konstitusyon. Aniya, “Further connection and communication. . . is key and crucial to healthy USG that works for everyone.”
Samantala, bukas naman ang dalawang kandidato sa posibilidad na maglabas ng pahayag laban sa tumataas na bilang ng mga pinapatay na abogado, huwes, at piskal sa ilalim ng administrasyong Duterte. Dagdag pa ni Quiro, kinokonsidera niya ang paglalabas ng isang joint statement kasama ang dalawa pang sangay ng USG bagaman bihira itong gawin ng Korte Suprema at Judiciary.
Binigyang-tuon naman ni Hernandez ang plano ng mga kandidato sa pagsugpo ng political partisanship sa Judiciary. Nanindigan si Miranda na napanatili nila ang integridad ng Judiciary sa pamamagitan ng pagsusumite ng isang affidavit bilang bahagi ng proseso ng rekrutment, na sinisigurong hindi naging bahagi ng isang political party o student media organization ang isang rekrut sa nakalipas na tatlong akademikong termino. “It will be [serving] as a great deterrent [on] even hints of partisanship in our department,” giit ni Miranda.
Binigyang-diin naman ni Quiro ang kahalagahan ng non-partisanship hindi lamang sa Judiciary kundi sa lahat ng yunit ng USG. Sinabi niyang mahalaga ito dahil nakaangkla rito ang tiwala at kumpiyansa ng mga mag-aaral sa USG. Ayon sa kaniya, wala siyang nakitang bahid ng partisanship sa mga kasapi ng Judiciary. Binanggit din niyang iminungkahi niya ang probisyong binanggit ni Miranda sa affidavit.
Tumanggi naman ang dalawang kandidatong sagutin ang tanong ni FOCUS2018 LA Representative Celine Vidal tungkol sa kanilang pananaw sa recall process. Sinabi nina Quiro at Miranda na wala sila sa posisyon upang diktahan ang LA subalit bukas sila sa konsultasyon. Ani Miranda, “LA has plenary power as long as it is not in contradictory to the constitution.”
Matapos ang botohan, pinasalamatan ni Quiro ang Executive Board, LA, at Activities Committee para sa pagtatalaga sa kaniya bilang bagong Chief Magistrate. Pagtatapos niya, “Your Judiciary will exceed expectations.”
Banner mula Facebook page ng Judiciary Branch, University Student Government, DLSU