Iba’t ibang tradisyon tuwing Semana Santa, itinampok sa Keber Ko D’yan


TINALAKAY ang iba’t ibang kaugaliang Pilipino tuwing Semana Santa, sa ikalimang webinar sa seryeng Keber Ko D’yan: Talakayan ng mga Napapanahong Isyu sa pangunguna ng Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle, Marso 25.

Sa kaniyang pambungad na pananalita, ibinahagi ni Dr. Dolores Taylan, coordinator ng Graduate School ng Departamento ng Filipino, na hindi mapipigil ang matatalinong diskurso gaya ng Keber Ko D’yan kahit pa dumaranas ng mga pagsubok ang bansa. “Sa kabila ng ating pananatili sa bahay, narito tayo, magkakalayo pero magkakasamang makikinig at magtatamo ng mga dagdag na kaalaman,” dagdag pa niya.

Ipinahayag naman ni Deborrah Anastacio, propesor mula sa Departamento ng Filipino, ang kahalagahan ng pagtalakay sa iba’t ibang paksa sa pamamagitan ng Keber Ko D’yan upang mabigyang-kaalaman ang mga tao tungkol sa kaugalian ng mga kababayan nila. “Kahit wala ka pa o tayong pakialam, apektado pa rin tayo dahil nabubuhay tayo sa isang lipunan,” aniya.

Magkakaibang kaugalian sa Kuwaresma

Pinangunahan naman ni Dr. Jeffrey Lubang, isang dalubhasa sa araling kultural, ang diskusyon nang ipinaliwanag niya ang tradisyon ng anting-anting, partikular na sa Cavite. Aniya, hindi basta-basta ang pagbuo o paghahanap ng mga ito sapagkat mayroon itong iba’t ibang uri at layunin. Ibinahagi rin niyang namumukod-tangi ang Mahal na Araw sapagkat naging tradisyon na ng mga antingero na subukin ang kanilang agimat tuwing Biyernes Santo.

Tinalakay naman ni John Felix Santos, isang tanyag na kolektor ng mga poon, ang kultura ng pangongolekta at pangangalaga ng mga santo. Ipinahayag niyang komplikado ang pagbuo ng imahen at mahirap ding pangalagaan ito. Dagdag niya, mahalagang maunawaan ang tradisyong ito sapagkat nagsisilbi ang mga santo bilang “gabay. . . para sa mga hindi marunong makaintindi kung ano ang nangyari [sa kanilang buhay].”

Ibinahagi naman ni Dr. Alma Tang-Baustista, mananaliksik sa araling Filipino, ang tradisyon ng pagdarame sa Pampanga, o ang pagsasadula sa prusisyon ng Pasyon at kamatayan ni Kristo. Binanggit niyang may sari-sariling paraan sa pagsasagawa nito ang mga bayan, tulad ng Mamusan Krus, Nazareno, Mamalaspas, Kalbaryu, Magsalibatbat, Agpa, at Kristu, kahit nasa iisang lalawigan lamang ang mga ito.

Sa kabila nito, ipinahayag ni Tang-Bautista na nagkakapareho madalas ang mga dahilan sa pagsasagawa ng pagdarame. Ilan dito ang pakikiisa sa pagpapakasakit ni Hesus, pagkakaroon ng mga kahilingan, pagbabawas ng kasalanan, at paraan ng pamamanata.

Pananampalataya sa kabila ng pandemya

Sa kabilang banda, inilahad naman ni Tang-Bautista na malaki ang naging epekto ng krisis pangkalusugan sa pagdarame. Aniya, hindi pinahintulutan ang pagbubukas ng mga puni o mga pook para sa Pabasa ng Pasyon, pagbubuhat ng krus, pagpapapako sa krus, at pagpuprusisyon ng pagdarame. Gayunpaman, ibinahagi niyang nananatili sa kanilang pananampalataya ang “repleksyon ng. . . presensya ng pagkakaroon ng maigting sa debosyon, ang paniniwala sa Diyos.”

Tinalakay naman ni Jose Antonio Lorenzo Tamayo, isang camarero sa Lungsod ng Quezon, ang kultura ng mga tagapangalaga ng mga poon. Binanggit niyang ilang dekada nang isinasagawa sa parokya nila ang prusisyon ng Sta. Maria Jacobe tuwing Mahal na Araw. Nahinto man ngayong taon dahil sa pandemya, gumawa naman sila ng iba pang mga aktibidad sa Semana Santa upang mapagtibay ang debosyon nila, sa pamamagitan ng pagpupulong ng mga camarero at pagtatampok sa mga poong pinangangalagaan nila sa simbahan.

Layunin ng diskursong panlipunan

Sa pagwawakas ng talakayan, ibinahagi naman ni Dr. Ernesto Carandang, dating pangulo ng Departamento ng Filipino, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng diskurso ukol sa mahahalagang kaganapan sa Pilipinas. Inilahad niyang nagsisilbing pagkain sa diwa ng masa ang kamalayan sa mga usaping ito.

Binigyang-linaw din ni Carandang ang saysay ng mga talakayang gaya ng Keber Ko D’yan sa pagbuo ng paninindigan ng mga tao batay sa impormasyong mapupulot nila mula rito. “Mas nagiging sensitibo tayo kung may pinanghahawakan tayong mga datos. Mas napipili natin ang totoo at kapani-paniwala. . . Binibigyan natin ito ng nararapat na pagpapahalaga lalo’t batid natin na ang balitang ito, may pakialam tayo dahil sangkot tayo,” paglalahad niya.