March with Women: Kolektibong pagkilos tungo sa pagsulong ng karapatang pangkababaihan


Nakababagot para sa karamihan ang pandemya sapagkat ito ang itinuturing nilang dahilan kaya hindi na sila nakalalabas, nakalalanghap ng sariwang hangin, at nakagagawa ng mga bagay na mas nakapagpapagaan sa kani-kanilang mga buhay. Hindi na madali ang pagdalo sa kaarawan ng mga matatalik na kaibigan, at tila tala na rin ang simpleng pagtapak sa pinapangarap na eskuwelahan. Mas nagkaroon din ng halaga ang dating maliliit na bagay gaya ng pagkain sa paboritong restawran.

Subalit para naman sa iba, hindi lamang nakababagot ang pandemya, kundi nakalulungkot at nakapangangamba rin, sapagkat may mas malaki pang problema silang kinahaharap: ang pang-aabusong kanilang nararanasan sa kamay ng mga taong dapat sana’y kanilang karamay. Pangatwiranan man ng ilan, walang dahilan ang maaaring makapagsawalang-bahala sa mga lumalalang kaso ng pang-aabuso sa kababaihan, lalo na sa kalagitnaan ng krisis pangkalusugan.

Pangambang dala ng pandemya

Sa panahong mas kinakailangan ng mga matang mulat na kikilala at tutugon sa paghihirap ng kababaihan, pinangunahan ng Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat) nitong Marso 25 ang ‘Realtalk: #March with Women,’ isang seminar na naglalayong palawigin ang diskusyon hinggil sa kalagayan ng kababaihan sa ilalim ng pandemya. 

Inimbitahan sa nasabing seminar sina Dra. Gia Sison, Philippine Leader para sa Livestrong Foundation at ang pambansang tagapayo ng Youth for Mental Health Coalition; Ms. Chriztina Madlangbayan, Congressional Staff ng House of the Representatives; Dra. Socorro Reyes, International Consultant ng Program Support para sa UN Women; Hon. Stella Quimbo, kasalukuyang kinatawan ng ikalawang distrito ng Maynila at Deputy Minority Leader ng ika-18 kongreso ng Pilipinas; at Ms. Naomi Fontanos, isang tagapagtaguyod ng Filipino trans rights at ang Co-founder at Executive Director ng transgender rights group na GANDA (Gender and Development Advocates).

Ipinarating sa unang bahagi ng ‘Realtalk’ na higit sa pisikal na mga sugat at pasang naidudulot ng pang-aabuso, mahalaga ring ilantad ang katotohanang malayo pa ang Pilipinas sa progresong ninanais nitong matamasa. Paliwanag ni Fontanos, “ito (violence against women) ay usapin ng pagkawala ng hustisya at pagkawala ng katarungan sa lipunan.” 

Isang pangunahing karapatang pantao ang karapatan ng kababaihang maging ligtas mula sa anomang uri ng pang-aabuso. Ngunit, sa kabila ng katotohanang ito, marami pa ring hindi nakatatamasa ng nasabing kaligtasan at patuloy pa rin ang paghihirap ng kababaihan. Ipaliwanag ni Quimbo na dahil sa nararanasang lockdown sa bansa, lalo nang hindi mabilang sa kamay ang mga kaso ng Violence Against Women and Children (VAWC). Sa katunayan, ayon sa UN Women, 40% ng mga kaso ng VAWC ang nagaganap sa sari-sariling tahanan ng mga biktima noon pa lamang walang pandemya. Ngayong nakakulong na sa kani-kanilang bahay ang karamihan, siguradong mas mataas pa sa nasabing porsyento ang maitatalang pang-aabuso. 

Maaaring maiugnay ang diskriminasyon at pang-aabusong dinaranas ng kababaihan sa konsepto ng ‘gender binary,’ na dulot na rin ng pagiging kolonisado ng bansa. Ipinararating ng nasabing konsepto na mayroon lamang dalawang kasarian: ang kalalakihan at ang kababaihan. Kaya naman, inaasahan ding nakahanay lamang sa kasariang nakatalaga sa pagsilang ang gender expression, pag-uugali, at ang sexual orientation ng mga Pilipino; inaasahan na magiging matipuno at malakas ang kalalakihan, habang mahina at malambot naman ang kababaihan. Dahil dito, nagkakaroon din ng ‘gender roles,’ na nagtatalagang nararapat lamang manatili bilang simpleng maybahay ang mga babae—nakatuon lamang dapat umano sa mga gawaing-bahay at sa responsibilidad na alagaan ang kanilang pamilya—habang nagtatrabaho naman ang mga lalaki upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan. 

Itinuturing na isang dahilan para sa kawalang-oportunidad ng kababaihan sa trabaho ang nabanggit na paniniwala. Ito rin ang isa sa mga dahilan bakit hanggang ngayon, hirap pa rin tayong tanggapin ang ating mga kapatid mula sa LGBTQ+ Community. Dahil din sa baluktot na paniniwalang ito, nalilimutan ng ilan na ituring bilang isang pagkakamali ang paggamit ng dahas ng kalalakihan upang maipakita ang kanilang kalakasan. Tunay ngang sa patriyarkal at konserbatibong lipunan, dehado ang kababaihan.

Bukod pa rito, binigyang-pansin din sa seminar ang kalagayang pang-ekonomiya ng bansa sa ilalim ng pandemya, at ang implikasyon nito sa dinaranas na diskriminasyon at paghihirap ng kababaihan sa kasalukuyan. Ayon sa naging talakayan, pinangungunahan ng kababaihan ang pamamahala sa mga Micro, Small, & Medium Enterprises (MSMEs) sa bansa. Ngunit dahil sa pandemya, nagkaroon ng tinatawag na “economic displacement,” kung saan ang nasabing sektor ang pinakaapektado. Kaya naman, mahalagang maitatak sa isipan ng bawat Pilipino na kaakibat ng usapin hinggil sa paghihirap ng MSMEs bilang isang sektor, ang paghihirap din ng kababaihan. 

Pag-martsa kasama ng kababaihan

Maliban sa mga kakamping kababaihang inimbita ng Tapat upang mapalawig ang usaping VAWC, mayroon ding mga progresibong batas na isinusulong upang magkaroon ng legal at kinikilalang parusa sa mga mapatutunayang nagkasala laban sa kababaihan at kabataan. Kasabay ng pagkilos ng mga tagapagtaguyod ng Women’s Rights tungo sa layuning maibsan ang pang-aabusong kinahaharap ng kababaihan, isinusulong din ngayon sa kongreso ang economic stimulus packages na layuning masiguro ang tuloy-tuloy na daloy ng pera sa bansa. Isinagawa ito sapagkat paliwanag ni Quimbo, “any program that reduces poverty, reduces violence against women.” 

Sa praktikal at literal na katuturan, kapag maykaya ang kababaihan, makapagpapagawa sila ng bahay na may sapat na espasyong hindi sila mapipilitang makipagsiksikan sa kanilang abusadong asawa, magkakaroon sila ng pamasahe o pampa-gas ng kanilang sasakyan upang makaalis sa nakasasakal na apat na sulok ng kanilang tahanan, at makabibili rin ng cellphone na maaaring gamitin upang tumawag ng pulis o kumausap ng kamag-anak para makahingi ng tulong. 

Dahil dito, masasabing hindi lamang nagsilbing tagapagpamulat ang ‘Realtalk: #March with Women’ hinggil sa pang-aabusong nararanasan ng kababaihan, kundi tagapaghatid din ng katotohanang hindi lamang laban ng isang tao o isang sektor sa lipunan ang problemang VAWC; konsensya ito ng bansa at nakapatong sa mga balikat ng bawat Pilipino—lalo na ng mga nasa puwesto—ang responsibilidad na kolektibong kumilos tungo sa progreso. 

Dapat ding tandaang hindi lamang ang bilang ng kababaihang nakatatamasa ng pribilehiyo at kaligtasan ang mahalaga. Makabuluhan ding pagtuunan ng pansin ang mga naiaambag ng kababaihang may mataas na posisyon, sa pagtaguyod ng karapatan ng kapwa nila babae. Mistulang isang ‘realtalk’ ang panawagan na itanong natin sa ating mga sarili kung nagagamit ba ng kababaihan sa puwesto ang kanilang kaalaman at pribilehiyo upang mapadali ang pagsulong sa Women’s Rights. Sapagkat isang malaking kawalang-galang ang pagkukunwaring progresibo, pero tikom sa pandarahas na nararanasan ng ibang tao.

Ang tunay na realtalk

Lulan ng ‘Realtak: #March with Women’ ang ilang katotohanang hindi madaling tanggapin para sa isang lipunan. Bukod sa mas dumaraming kaso ng pang-aabuso at ang implikasyon nito sa kabagalan ng sistema sa bansa, pinatotohanan din ng seminar na hindi sapat ang representasyon lamang; higit na mas mahalaga ang kongkretong pagkilos at pagsulong sa karapatang pantao ng kababaihan. 

Marahil nga’y hindi lamang ang katotohanang tumataas ang bilang ng kasong VAWC sa ilalim ng pandemya ang maituturing na ‘realtalk.’ Bagkus, isa ring ‘realtalk’ ang kahalagahang mamulat sa katotohanang mahaba pa ang laban para sa pagkakapantay-pantay sa lipunan, nang sa gayon, maging tuloy-tuloy rin ang pagkilos tungo sa progreso. Mahalagang malaman na bagamat malakas at may kakayahan ang kababaihan, hindi lamang sila ang responsable at ang nararapat na lumaban sa diskriminasyon at pang-aabusong kanilang nararanasan—na hindi man pare-pareho ng pagdurusa ang mga kasarian, nararapat na kolektibo pa rin ang pagkilos, dahil maituturing na huwad na progreso ang progresong hindi lubos na naiintindihan ng lahat ng miyembro ng lipunan.