IBINIDA ng The Playhouse Project (TPP) ang kababaihang pilantropo sa isinagawa nilang talakayang Women in Charity: More than What Meets the Eye, na nagbigay ng pagkilala sa mga panauhing tagapagsalita para sa kanilang pagkawanggawa at taos-pusong pagseserbisyo sa iba, Marso 20 at 21.
Inilunsad ang Women in Charity kaugnay ng pagdiriwang sa International Women’s Month upang bigyang-pugay ang pagbabagong isinasagawa ng kababaihan sa gitna ng kinahaharap na suliranin ngayon, lalo na sa usapin ng diskriminasyon.
Sa pamamagitan ng pagtatampok sa kanilang mga kuwento at kontribusyon para sa pagsulong ng mga komunidad sa bansa, pinalakas ng naturang programa ang masikhay na pagpapanawagan ng kababaihan para sa puwang o katayuan sa kasalukuyang lipunan.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kina Christine Hannah Porras at Maria Llara Sendico, punong tagapamahala ng talakayan, inihayag nilang “Dapat nating ipagpatuloy ipaglaban na ang mga kababaihan ay nararapat respetuhin at bigyan ng lugar sa mga matataas na katayuan. Upang magawa ito, tayo dapat ay malakas at may pagtitiwala sa sarili.”
Pagkilos para sa kapwa
Sinimulan ang talakayan sa pangunguna ni Louise Mabulo, isang kusinera at magsasaka, na nagbahagi tungkol sa proyektong “The Cacao Project” na tumutulong sa mga magsasakang maging mas handa para sa pinsalang dulot ng mga bagyo. Nais din niyang mabigyang-pansin ang pagwawasto sa baluktot na pag-iisip ng karamihan hinggil sa katayuan ng mga magsasaka, lalo na ang kaisipang “Kung hindi ka mag-aaral nang mabuti, pupulutin ka sa kangkungan.”
Sa kabila ng kaniyang kahusayan, marami pa rin siyang naranasang kaso ng diskriminasyon sa mga industriyang kinabibilangan niya, nang dahil lamang sa pagiging babae niya. Kaugnay nito, iginiit niyang, “You need to have more women who don’t care if inequality is prevalent; you need to have a lot more women who can show that they’re strong despite that.”
Ipinaalala naman ni Richelle Balbierian, tagapagtatag ng COVID-19 Backliners, na malayo ang mararating ng pakikipagkapwa, pagmamalasakit, paggamit ng teknolohiya, at pagdarasal. “Kung may virus tayo na ang pangalan ay Corona, may virus din tayo na sa tingin ko, mas mabilis mag-spread—ito yung selfless hearts,” ani Balbierian.
Sumang-ayon dito si Pangalawang Pangulo Leni Robredo at isinalaysay niya ang naging pagbabago ng kaniyang pananaw tungkol sa pag-aabot ng tulong sa kapwa. Dahil sa nakuha niyang karanasan sa sampung taong pagsisilbi sa bayan, ibinahagi ni Robredo na, “The key has always been listening to the people who we want to help.”
Pagtahak sa landas ng pagkawanggawa
Pagsasalaysay ni Aimee Hashim, tagapagtatag ng LOVELUXE, naging hamon sa kaniya ang naging karanasan sa pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip, gaya ng depression at anxiety. Bunsod nito, hinikayat ni Hashim ang mga manonood na humingi ng tulong kung kinakailangan. “Compassion actually comes from the maturity after you go through a lot of humps in your life,” wika niya.
Sinundan naman ito ni Kaye Alquiza, isa sa mga nagtatag ng ANGELS Today, na nagbahagi ukol sa kahalagahan ng pagpapatuloy sa kabila ng mga balakid sa pag-aabot ng tulong sa mga nangangailangan. May mga suliraning kaakibat ang pagkawanggawa ngunit makakaya itong lagpasan sa pangingibabaw ng kagustuhang tumulong. Giit ni Alquiza, “If you give up kapag nandiyan na yung challenge. . . hindi magmamaterialize ‘yung gusto mong mangyari. You have to find the courage.”
Ibinahagi naman ni Ayn Bernos, isang content creator at tagapagtatag ng Morena the Label, na bago siya maging inspirasyon ng iba, naging inspirasyon muna niya ang ibang tao. Kaugnay nito, ibinahagi niya rin ang paniniwalang “What we do affects others, what they do affects others—it’s a ripple effect.”
Sinuportahan naman ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago ang mga pahayag ng mga naunang tagapagsalita. Pagdidiin niya, “You have to rely on the power of the collective—the power of the multitude. Imagine what we can do and achieve when we’re together.” Binigyang-pansin niya rin ang diskriminasyong nararanasan ng kabataan sa pakikisangkot sa mga isyung panlipunan. Giit niya, “Pinapakita natin na kahit marami pa tayong puwede at dapat matutunan, hindi rin ibig sabihin na wala na tayong boses sa mga issues na nakakaapekto sa atin.”
Pagpupugay sa pagsisikap
Sa pagbabahagi nina Porras at Sendico sa APP, ipinaliwanag nila ang kahalagahan ng pagsasagawa ng mga talakayang katulad ng Women in Charity: More than What Meets the Eye. Wika nila, “Mahalaga na itampok ang programang ito ngayong ipinagdiriwang ang National Women’s month dahil ito ay isang paraan upang bigyang pagpupugay ang mga kababaihan na patuloy na lumalaban at nagsisilbing mga instrumento sa pagpapabuti ng ating lipunan.”
Dagdag ng TPP, hindi lamang nililimitahan ang pagkakawanggawa sa paraang donation drive at feeding program. Bagkus, kinikilala ang lahat ng pagsisikap sa pagtulong, maliit man o malaki, dahil sa layunin nitong mapabuti at mapaunlad ang ginagalawang lipunan.
Magpupunyagi ang layuning mapagtagumpayan ang mga suliraning panlipunan kung magkakaroon ng pantay na pagtingin sa kababaihan upang makilahok sa iba’t ibang gampanin. Malalapat lamang ang pagbabago kapag may sapat nang kamalayan upang mapagtanto na hindi naglalayong gumuhit ng linyang mapanghati ang pagkilala sa gampanin ng kababaihan—layunin nitong kamtan ang mapagbuklod na pagbabago at inklusibong progreso. Wala sa kasarian ang pagkawanggawa at pagnanais na tumulong sa kapwa. Tumitindig ang kababaihan para isulong ang pangunahing karapatan na dapat tinatamasa ng bawat isa. Bagamat maraming nakaambang balakid, taas-kamaong maninindigan ang mga Gabriela ng kasalukuyan para sabihing hindi pa tapos ang laban.