TINULDUKAN ng mga tagapagsalita sa talakayang Political Participation: Women and Governance ang estereotipong pagkakakilanlan ng kababaihan sa larangan ng politika, sa pangunguna ng Samahan ng mga Pilipina para sa Reporma at Kaunlaran (SPARK) Philippines, Marso 22.
Sa pambungad na pananalita sa talakayan, binigyang-pugay ni Sweden Ambassador in Manila Harald Fries ang kakayahan ng kababaihan sa pamamahala ng gobyerno dahil sa kanilang pagbibigay-importansya sa mga isyung lubos na nararanasan ng mga mamamayan, tulad ng kahirapan. Malaking bagay umano ang tungkulin ng kababaihan sa pamamahala sa panahon ng pandemya subalit aniya, “In many countries, the number of women running for political office is decreasing. This is to considerable extent due to increasing violence and harassment, online and offline, against women in politics.”
Idiniin naman ni Deputy Speaker Loren Legarda na sa pagsisimula ng United Nations Decade of Ecological Restoration, kinakailangang kilalanin ang kakayahan ng kababaihan sa pamamahala. Makatutulong umano sa pagsasagawa ng mga programang panlipunan ang natatanging kakayahan ng kababaihan sa pangangalaga sa kaniya-kaniyang tahanan.
“Women are holders of valuable knowledge [and] skills. We are a powerful driving force for climate action [and] climate ambition. We must recognize what women are doing to build the resilience of communities, support and learn from each other,” giit ni Legarda.
Hadlang sa mas inklusibong partisipasyon
Dahil sa patuloy na pagpapatupad ng gender quota sa iba’t ibang bahagi ng mundo, binigyang-diin ni Commission on Elections Commissioner Atty. Rowena Guanzon ang mga balakid na pumipigil sa kababaihan para makibahagi sa politika. Pagsisimula niya, nagkakaroon lamang ng oportunidad ang kababaihan na makilahok sa politika sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa nasimulan ng kanilang mga kamag-anak. Aniya, ang tatlong taong pamumuno sa isang termino ang nagbibigay ng pagkakataong mas dumami ang kababaihang nagiging bahagi ng politika.
Gayunpaman, naniniwala si Guanzon na ang malaking gastusin sa pangangampanya ang isa sa mga balakid na pumipigil sa kababaihan para tumakbo at magkaroon ng posisyon sa gobyerno. “We have to make elections cheaper. If we cannot make it cheaper, we have to find ways for political parties to carry the financial burden,” pagmumungkahi niya.
Dagdag niya, isang malaking balakid para sa kababaihan ang mahinang sistema sa political parties. Madalas na sinusuportahan lamang ang kandidatong kababaihan mula sa dinastiyang pamilya sapagkat may kakayahan silang gumastos para sa sariling pangangampanya. Malabo man na maipasa sa Kongreso ang gender quota, pinaniniwalaan niyang solusyon ito upang mas magkaroon ng partisipasyon ang kababaihan sa politika.
Gayunpaman, idiniin ni Christina Frasco, alkalde ng Liloan, Cebu, na hindi dapat pigilang makibahagi sa politika ang kababaihang mula sa dinastiyang pamilya. Giit niya, demokratikong bansa ang Pilipinas at may karapatan ang mamamayan nitong pumili ng mga lider. Idinagdag niya na kinakailangang magkaroon ng mas mabuting kalagayan sa trabaho ang kababaihan, lalo na ang mga nagdadalang tao at kagagaling lamang sa panganganak.
“Providing more women-friendly spaces that are conducive to things like breastfeeding or maintaining daycare is very important. . . so that mothers can also go to work and they are allowed to pursue a career notwithstanding the fact they have children,” pagdidiin ni Frasco.
Pagbibigay-priyoridad sa isyung pangkababaihan
Kaakibat ng nalalapit na eleksyon, nais ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na bigyang-atensyon ng susunod na administrasyon ang mga isyung pangkababaihan, tulad ng maagang pagbubuntis ng kabataan at mas epektibong implementasyon ng Reproductive Health Law, lalo na sa pagsusulong ng sex education. Hinimok din niya ang susunod na administrasyong isulong ang anomang uri ng Magna Carta para sa mga guro at mga barangay health worker, tamang kompensasyon para sa kababaihan, at ang pagpapatupad ng gender quota sa mga pribadong korporasyon. Nanawagan din siyang gawing pangunahing priyoridad ang mga guro sa pagpapabakuna kontra COVID-19.
Sumang-ayon dito si Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago at sinabing kinakailangang mapaigting ang pangkalusugang sistema sa bansa. Mainam umanong mapaghandaan ang susunod na economic stimulus package na maglalaman ng mga epektibong paraan upang makabangon ang ekonomiya at maprotektahan ang mga mamamayan, lalo na ang mga indibidwal na nasa laylayan.
Isinusulong din ni Frasco na mapaigting ang pagkakaroon ng pantay-pantay na akses sa edukasyon at pamamahagi ng tulong-pinansyal. Aniya, kinakailangang magkaroon ng nakapirming halaga ng mga gamot, gastusin pang-ospital, at pampalibing dahil hindi lamang ito isang malaking pasanin ng kababaihan, naaapektuhan din nito ang daloy ng buhay ng buong pamilya.
Boses ng kababaihan sa politika
Naniniwala si Frasco na mahalagang suportahan ng kababaihan ang isa’t isa at patuloy na maging handa sa mga oportunidad na makibahagi sa komunidad at politika. Giit naman ni Quimbo, dapat pahalagahan ang kakayahan ng kababaihang makapagbigay ng kontribusyon sa pagbuo ng mga polisiya at pagpapaunlad ng bansa. Aniya, “. . . Women should be heard, women should be known, and women should speak up.”
Sa halip na kinukulong ang kababaihan sa apat na sulok ng tahanan, dapat silang pakinggan at suportahan sa kanilang pakikibahagi sa pagtataguyod ng mas maunlad na bansa. Hindi lamang sila isinilang upang maging asawa o kapatid, isinilang din sila na may kakayahang maglingkod at mamuno. Kaya naman, napakahalagang patuloy na sugpuin ang mga balakid na pumipigil sa pagbibigay ng kapangyarihan sa boses at pagkilos ng kababaihan.