IBINIDA ang samu’t saring kuwento ng pagpupursigi ng kababaihan sa iba’t ibang industriya sa #SheEmpowers: Making HERstory webinar na pinangunahan ng Junior Restaurateurs and Hoteliers’ Association (JRHA), Marso 20.
Sa pagbabahagi ng kanilang karanasan, pinatunayan nina Jeannie Javelosa, Lucia Loposova, Dalareich Polot, at Stacy Garcia na malaki ang kakayahan ng kababaihan sa paggampan sa mga ehekutibong tungkulin sa lipunan.
Papel ng kultura sa pandaigdigang merkado
Sinimulan ang webinar sa pangunguna ni Javelosa, co-founder ng ECHOstore at ng Gender-Responsive Economic Actions for the Transformation (GREAT) Women, na nagpaliwanag ng iba’t ibang paraan upang mapatakbo ang isang negosyo. Sa katunayan, isa ang GREAT Women sa mga bumuo ng terminong social entrepreneurship na bago sa bokabularyo ng nakararami. Inilunsad din nina Javelosa at ng kaniyang grupo ang echostore.ph noong 2008, ang nangungunang green retail store sa mga mall sa bansa. Ayon kay Javelosa, binuo ang ECHOstore network upang maibahagi sa madla ang mga green product na gawa ng mga micro entrepreneur.
Bunsod ng pagdami ng kasosyo ng ECHOstore network, binuo nina Javelosa ang GREAT Women na naglalayong maglahad ng sistema sa mga micro entrepreneur upang magkaroon sila ng platapormang magpapalakas ng kanilang potensyal.
Paliwanag ni Javelosa, “A lot of development groups only provide financial literacy and product development but GREAT Women has a different business model, not leaving micro entrepreneurs alone.” Dagdag nito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paggamit ng kultura sa mga produkto dahil magsisilbi itong gabay sa mga mamimili sa pandaigdigang merkado.
Sarili bilang pinakadakilang tagasuporta
Sumunod naman sa hanay ng mga tagapagsalita si Loposova, direktor ng GREEN Hospitality HK. Mula sa bansang Czecho-Slovakia si Loposova at ipinanganak siya doon noong nasa ilalim pa ng pamamahalang komunista ang naturang bansa. Pagsasalaysay niya, mahilig maglakbay ang kaniyang mga magulang at pinangarap niyang mag-aral sa ibang bansa. Mula noon, naramdaman na ni Loposova ang pagkakaroon ng glass ceiling o balakid sa pagkamit ng tagumpay sa propesyon dahil nakatanggap siya ng mga batikos na nagpahina ng kaniyang loob. Gayunpaman, hindi nagpatinag si Loposova at nakapag-aral ng Tourism Management sa Espanya.
Matapos makuha ni Loposova ang master’s degree sa Tourism Management, tumira siya sa Singapore sa loob ng isang taon, at saka lumipat sa Myanmar at nanirahan doon nang apat na taon. Sa kasalukuyan, nakatira siya sa Hong Kong at nagtuturo ng mga transformational course sa mga undergraduate at nagma-master sa programang Business Administration.
Aniya, palipat-lipat siya ng bansa dahil gusto niyang maipakita at maibahagi sa iba ang tungkulin at kakayahan niya sa lipunan. Bunsod nito, tinayo niya ang GREEN Hospitality na naglalayong magbigay ng solusyon sa mga problemang pangkapaligiran na dulot ng industriyang hospitality. Gumagamit ang GREEN Hospitality ng iba’t ibang diskarte upang magkaroon ng kongkreto at pangmatagalang solusyon sa nasabing industriya. Saad niya, marami ang nagduda sa kakayahan niya, ngunit nagtiwala pa rin siya sa kanyang sarili. Binigyang-diin niya rin ang kahalagahan ng pamilya at mga kaibigang susuporta sa pansariling hangarin. Ani Loposova, “Look for someone who will inspire and empower you, may it be a man or a woman.”
Tamis at pait ng tagumpay
Ibinahagi naman ni Polot o mas kilala bilang Dal, tinaguriang Bohol’s Chocolate Princess at Chief Executive Officer ng Ginto Fine Chocolates Corporation, ang kaniyang naging karanasan sa pagtatatag ng kanilang negosyo.
Aniya, bata pa lamang nang napagtanto niya ang kagustuhang tumulong sa kapwa. Kalaunan, nagtapos at nagtrabaho si Dal bilang isang software engineer, nang nakitaan niya ng potensyal ang pagpapalawak sa negosyong pinatatakbo ng kaniyang ina. Dulot nito, naging adhikain ni Dal na gawing totoong tsokolate ang mga burol ng Bohol sa pamamagitan ng pagpapalago ng kanilang negosyong pagawaan ng tsokolate.
Pagkukuwento ni Dal, umabot na sa 3,155 puno ng cacao ang napalago ng korporasyon at natulungan ang 16 na bayan at 790 pamilya. Patuloy rin na kinikilala ang kanilang produktong Ginto Chocolate na ginagamit sa paglikha ng artisan chocolate na inaangkat sa mga karatig na bansa, tulad ng Japan, Singapore, at Russia. Bukod sa pagtulong sa mga magsasaka, layunin din ni Dal na makilala ang Pilipinas bilang isang bansang naghahandog ng iba’t ibang klase at lasa ng tsokolate. Sa mga pait na naranasan ni Dal sa buhay, iginiit niyang mahalagang maging matatag at matutong sumayaw sa gitna ng pag-ulan ng mga suliranin dahil sa paraang ito lamang makakamit ang tagumpay.
Kahalagahan ng diplomasya at pagkakaisa
Sa huling bahagi ng talakayan, itinampok ni Garcia, isang diplomat, mamamahayag, at visual artist, ang kaniyang responsibilidad bilang Third Secretary at Vice Consul ng Philippine Embassy sa London. Maliban sa pagbuo ng mga koneksyon sa mga banyagang pahayagan, pinangunahan ni Garcia ang paglikha at pagpapatupad ng iba’t ibang estratehiya para ipakilala ang kuwento ng Pilipinas sa daigdig. Sa kaniyang larangan, ibinida niya ang kultura at iba’t ibang likhang-sining ng mga Pilipino sa mga museo sa United Kingdom.
Saad ni Garcia, hindi naging madali ang kaniyang tinahak upang maabot ang kasalukuyang propesyon. Aniya, iwasang sumunod sa mga nakasanayan at subukang gawin ang anomang nararapat at wasto. Dahil dito, hinimok niya ang mga tagapakinig na manindigan at magtulungan. Nag-iwan din siya ng mga katagang, “You do not serve a person; you serve a cause.” Sa kabila ng kawalan ng pagkakapantay-pantay sa kasarian, pinatunayan ng apat na tagapagsalita mula sa hanay ng kababaihan na kayang tumindig at manindigan ng isang Maria—nakatuon sa pagpapaunlad ng kakayahan tungo sa paggampan ng tungkulin sa lipunan, hindi magpapatinag sa baluktot na pag-iisip ng lipunan.