NAKATANGGAP NA ng bakuna kontra COVID-19 ang mga healthcare worker sa Batangas Medical Center nang sinimulan ang pamamahagi nito pagkatapos dumating ng bakunang Sinovac noong Marso 8. Unang nakatanggap ng bakuna ang mga doktor, nars, at iba pang empleyado ng nasabing ospital na direktang nakasasalamuha ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Puspusan namang pinaghandaan ng lokal na pamahalaan ng Batangas City ang pagdating ng mga bakuna at patuloy na hinikayat ang mga mamamayan nito upang magpabakuna. Naghanda ng iba’t ibang programa ang lokal na pamahalaan upang matiyak na ligtas ang pamamahagi ng mga bakuna, kasabay ng pagsigurong dumaan sa masusing pag-aaral at pananaliksik ang mga bakunang dadating sa kanilang lungsod.
Paghahanda ng mga frontliner
Sa isang taong pakikipagsapalaran ng mga frontliner laban sa COVID-19, lubos nilang pinaghandaan ang pagdating ng bakuna sa bansa. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Dr. Amor Banuelos Calayan, isang frontliner mula sa Batangas Medical Center, ibinahagi niya ang mga paghahandang isinagawa nila para sa pagdating at pamamahagi ng bakuna sa kanilang ospital.
Ani Calayan, bumuo ng vaccine committee ang kanilang ospital upang tumugon sa lahat ng trabahong may kinalaman sa pagdating ng bakuna sa ospital, pagturok ng bakuna sa pasyente, at pag-obserba sa mga pasyenteng nabakunahan na. Kaugnay nito, naniniwala siyang nararapat nang ibahagi ito sa mga frontliners upang masigurong may pangontra sila sa virus na araw-araw nilang hinaharap. “Hindi man totally n[a] mae[-]eradicate ang COVID-19 at least mababawasan nam[a]n ang critical n[a] epekto nito sa mga tao.”
Sa pahayag na inilabas ng Department of Health (DOH), ipinaabot nila sa mga Pilipino na walang dapat ikatakot sa pagpapabakuna dahil kagaya lamang ito ng ibang bakunang nagdudulot ng ilang epekto sa katawan. Gayunpaman, tiniyak ng Kagawaran na hindi ito aabot sa malubhang kalagayan. Dagdag ng DOH, “The benefit of protection against severe COVID-19 is greater than the risk. Anyone who will get the vaccine will be properly evaluated and closely monitored by health professionals to further minimize any risk.”
Kaugnay nito, ibinahagi ni Calayan ang kaniyang payo sa mga nangangamba sa bakuna. Aniya, mababawasan ang epekto ng COVID-19 kapag nabakunahan na ang maraming bilang ng mamamayan. Giit pa niya, “The wisest choice is to become safe and healthy. . . To become a productive member of society and to become [a] responsible person of our country.”
Gampanin ng pamahalaan
Nakapanayam din ng APP si Marie Lualhati, opisyal sa Batangas City Public Information Office, ukol sa paghahanda ng lungsod sa pagbibigay ng bakuna sa mga Batangueño. Saad niya, Php200 milyon ang inilaan ng pamahalaan ng Batangas para sa pagbili ng bakuna at nakipag-ugnayan ito sa mga kompanyang AstraZeneca, Pfizer, at Johnson & Johnson. Sambit niya, “Ang inaasahan according to the national government ay Sinovac at AstraZeneca ang darating hopefully, siguro bago matapos ang first quarter of the month, may dumating na talaga for LGU.“
Ayon sa datos mula sa pangkalusugang tanggapan ng Batangas, nasa 126,000 mamamayan ang nakatala sa priority group na makatatanggap ng bakuna. Naglabas din ng sarbey ang lokal na pamahalaan upang malaman ang pananaw ng mamamayan sa isasagawang pagbabakuna sa lugar. Pagbabahagi ni Lualhati, “About 70% naman ang nagsabi na willing sila magpabakuna, while the rest, eh medyo may worries sila, fears, sa side effect nitong vaccine.”
Tiniyak naman ni Lualhati na pinaghandaan ng pamahalaan ang lahat ng kailangan para sa pagdating ng bakuna, katulad ng pagpapalaganap ng survey online at offline, pagbabahagi ng impormasyon ukol sa bakuna, paghahanap ng vaccination sites, at paghingi ng tulong mula sa mga eksperto. Bunsod nito, naniniwala si Lualhati na, “pwede nating sabihin na 80% ready po tayo, ang Batangas city government.”
Nanawagan din si Lualhati sa mamamayan, lalo na sa mga Batangueño, na magpabakuna upang mabawasan ang dagok na dulot ng pandemya. Aniya, laging handa ang tanggapan ng Batangas City para sa mga katanungan ukol sa pamamahagi ng bakuna.
Panibagong bukas
Higit na kinatatakutan pa rin ng karamihan ang bakuna at ang pagbabakuna. Hindi maalis ang alinlangan sa pagpapaturok sapagkat mayroong hindi magandang pananaw dito, lalo na sa Sinovac—ang bakunang kasalukuyang pinamamahagi sa bansa—dahil sa mababang efficacy rate nito. Gayunpaman, ayon kay Lualhati, “. . . Huwag po kayong matakot sa bakuna, sinasabi nga po na ang the best vaccine ay ‘yung available na vaccine.”
Sa kasalukuyan, nasa 67 ang bilang ng aktibong kaso sa Batangas City, ngunit naniniwala si Lualhati na “Hindi na tayo babalik sa new normal, but a better normal, ‘yun ang ating inaasahan at pinapangarap na after nito kung mababakunahan ang ating mga kababayan, matatapos na ito, lahat tayo ay makakahinga na.” Hakbang ang pagpapabakuna tungo sa pagbabalik ng dating nakasanayang buhay—papalapit ang mga Pilipino sa paglaya mula sa sintensya ng pandemya sa pagdating ng panahong nalagpasan na ang takot sa pagpapaturok ng bakuna.