ITINAMPOK ang mga natatanging kuwento at karanasan ng kababaihang Lesbian, Bisexual, at Transgender (LBT) sa isang malayang talakayang pinangunahan ng Samahan ng mga Pilipina para sa Reporma at Kaunlaran (SPARK) Philippines noong Marso 15, sa paglalayong bigyang-pansin ang mga hamong patuloy na kinahaharap ng kababaihang miyembro ng LBT, at ibahagi ang mga hakbang na dapat tahakin upang makabuo ng isang inklusibong lipunan.
Isinatinig na mga naratibo
Sa paunang salita ni Bita Rasoulian, Austrian Embassy Ambassador, inanyayahan niya ang bawat kababaihan na unawain ang pagkakaiba-iba at gamitin ito upang higit na maintindihan ang sitwasyong kinahaharap ng bawat isa. “As a society, we need to fully understand and embrace diversity on many levels including the multiplicity of narratives about gender identity and expression,” paghihikayat ni Rasoulian.
Sinundan naman ito ng makabuluhang mensaheng inihandog ni Congresswoman Geraldine Roman na binigyang-diing kaakibat ng karapatan ng kababaihan ang karapatan ng trans women. Dagdag niya, “The only enemy here is not trans women, but rather, the heteronormative culture that is deeply entrenched in society which is patriarchy.”
Sa pagsisimula ng talakayan, ibinahagi ni Miss Trans Global 2020 Mela Habijan na nakaramdam siya ng kaligayahan matapos niyang makilala at matanggap ang kaniyang katauhan. Sa kabila ng mga negatibong komentong natanggap, kampante siyang hindi ito nakaapekto sa kaniya dahil naniniwala siyang naging bahagi ito ng pagbuo ng daan tungo sa kaniyang pagkamit ng katapangan at katatagan.
Ikinuwento naman ni Miss Universe Philippines 4th Runner-up Billie Hakenson na madalas niyang kwestiyunin ang mga bagay na ipinagbabawal sa kaniya dahil sa hindi umano siya ganap na babae. Naniniwala si Hakenson na hindi dapat nililimitahan ang katayuan ng isang babae ayon sa kaniyang kasarian, hubog ng katawan, at kakayahang manganak. Aniya, dapat bigyang-pansin ang malaking tungkulin na ginagampanan nila bilang bahagi ng lipunan.
Naranasang hamon at ipinakitang katatagan
Sa kabila ng mga tungkuling iniatas sa kababaihan, naniniwala si Giney Villar, host ng TitaTibx podcast, na kinakailangan ng kababaihang bigyan ng sariling kahulugan ang kanilang pagkababae. Pagsasalaysay ni Villar, “As a lesbian, I think the most important thing that I realized as I was going to my lesbian hood is that, you don’t have to be a man to love another woman.”
Tinukoy rin ni Villar na maliban sa mga panghuhusga at estereotipong pananaw na natatanggap nila mula sa iba, kinakailangan ding pag-usapan ang diskriminasyong nagaganap sa loob ng grupong kinabibilangan nila. “As LBT women, we also have to fight our own internalized homophobia,” aniya.
Para kay Habijan, sa kabila ng iba’t ibang pagkakakilanlan, hindi nagkakalayo ang uri ng diskriminasyong nararanasan ng bawat kababaihan. Ipinaalala niyang bunga ng sistemang patriyarkal ang lahat ng uri ng pangmamaliit at diskriminasyong natatanggap nila. Naniniwala siyang sa pamamagitan ng mga kolektibong karanasan at espasyong pinagsasaluhan ng bawat kababaihan, manipestasyon ito upang maipakita ang kanilang pagiging pantay-pantay. “We can hold each other’s hands in any way possible. I think that is a beautiful moment in which we can remind each other that your power is my power too,” ani Habijan.
Nagkakaisang panawagan
Binigyang-diin ni Marie-Therese Claes, Head of the Institute for Gender and Diversity sa WU Vienna University of Economics, na mahalagang bigyan ng kapangyarihan ang kababaihan, lalo na sa matataas na posisyon dahil naniniwala siyang hindi magbabago ang sistema kung hindi mapakikinggan ang boses ng kababaihan. Bunsod nito, hinimok niya ang kababaihang maging aktibo, sumali sa usaping pampolitika, at tumayong huwaran upang mamulat ang kapwa kababaihan.
Nang lumalim ang talakayan, nagbahagi ng ilang payo si Habijan at si Mikee Inton-Campbell, board member ng Society of Transsexual Women of the Philippines, upang maiwasan ang diskriminasyon sa kanilang mga kapwa-transgender. Ani Habijan, mahalagang ipaalam sa mundo ang kasarian ng bawat isa. Gayunpaman, iginiit niyang, “For discovering who you are, enjoy that period in which you are questioning who you are because I myself went through that. . . These are valid questions. It’s a harsh world but one thing would protect you—your heart of courage.”
Dagdag ni Inton-Campbell, hindi lamang laban ng isang indibidwal ang peminismo dahil malaki ang gampanin ng pagkakaroon ng komunidad at pamilyang magsisilbing kaagapay ng kababaihan. Pagpapaalala niya, mahalagang matuldukan ang pagtukoy sa pagkababae mula sa isang byolohikal na pananaw dahil hindi lamang tungkol dito ang usaping pagkababae.
Naniniwala si Inton-Campbell na kasama sa usaping pagkababae ang usaping may kaugnayan sa lahi, etnisidad, at katayuan sa lipunan. Sinuportahan naman ni Hakenson ang pahayag ni Inton-Campbell at idinagdag na, “You must perfect the art of loving yourself. . . There should be no pressure into coming out.”
Sa pagkakaroon ng isang malaya at maunlad na bansa, isa sa mga hakbang tungo rito ang pagrespeto sa pagkakaiba ng mamamayan, paghiwalay sa pamantayang binuo ng lipunan, at pagkintal sa isip na babae rin ang mga transgender. “We as a people, need to create an environment where everyone is empowered, embraced, and celebrated,” pagtatapos ni Leigh Capule, isang trans advocate.