Bundok ng basurang PPE: Krisis pangkalikasan mula sa pandemya


Kuha ni Jon Limpo

BINAGO ng pandemya ang mundo, at kinailangang makiayon sa pagbabagong dala nito. Kabilang dito ang pagsusuot ng mga personal protective equipment (PPEs) upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Sa kaso ng Pilipinas, bahagi ng ipinatutupad na health protocols ang pagsusuot ng face mask at face shield tuwing lalabas ng tahanan.

Ayon sa American Chemist Society, umaabot sa halos 129 na bilyong disposable masks at 65 bilyong disposable gloves ang ginagamit kada buwan ngayong panahon ng pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19). Sa kabila ng pagkakaroon ng bakuna, inaasahang ilang taon pa bago maging sapat ang suplay nito para sa lahat ng mamamayan. Dahil dito, nakaamba ang panibagong krisis: ang tambak ng basurang mula sa PPEs.

Nakababahalang pagdami ng infectious waste

Sa rekomendasyon ng World Health Organization at Department of Health, kinailangan ang pagsusuot ng PPEs tulad ng face mask, face shield, surgical gloves, at gowns upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Single use o isahang gamit lang ang surgical mask na kalimitang ginagamit, habang madali namang magasgas ang karamihan sa nabibiling face shield kaya agad ding itinatapon at pinapalitan. Dahil dito, tumaas ang bilang ng infectious waste sa bansa.

Ayon sa Republic Act No. 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990, masasabing infectious waste ang mga gamit na makasasama sa komersyal, industriyal, agrikultural, o ekonomikal na sektor, na maitatapon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa pag-aaral ng Asian Development Bank, pumapalo sa karagdagang 280 toneladang infectious waste sa isang araw ang nalilikha sa Pilipinas. Ibinalita rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na umabot sa 19,000 metric tons ng infectious waste ang nakolekta sa loob ng apat na buwan mula Abril hanggang Hulyo ng nakaraang taon. Sa kanilang panayam sa Inquirer, ipinahayag ng ahensya ang kanilang pagkabahala sa mga infectious waste mula sa mga tahanan—mga facemask, food waste, at mga kontaminadong materyal dahil mahirap paghiwalayin ang mga ito. 

Nagbigay naman ng babala ang Climate Change Commission (CCC) sa publiko para sa biglaang pagtaas ng polusyon ng plastic dulot ng pandaigdigang produksyon at pagkonsumo sa mga PPE, kasama na rin ang alcohol, hand sanitizer, at mga disposable na panlinis. Posible rin umanong mapadpad ang mga ito sa karagatan at maging microplastic na maaaring mapagkamalang pagkain ng mga isda.

Panukala sa kahihinatnan ng mga gamit na PPE

Hinikayat ni Karlo Nograles, cabinet secretary at spokesperson ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), na obserbahan ang mga kasalukuyang alituntunin para sa pagkontrol ng impeksyon sa mga healthcare facility. Dagdag niya, “We urge our LGUs to continuously intensify their campaigns on proper waste management and segregation as they are responsible for solid waste management in their respective jurisdictions.” Itinakda naman ng Republic Act No. 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, ang usapin para sa tamang segregasyon at pagtapon ng mga basura upang hindi ito maging banta sa kalikasan. 

Upang maibsan ang masamang epekto ng infectious waste, bahagi rin ng programa ng pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad ng Administrative Order No. 22-2013 ng DENR, na naglalaman ng mga alituntunin sa tamang pamamahala at pagtatapon sa mga gamit na PPE mula sa mga ospital, mga barangay health center, at clinic. Nakatala rin dito na tinatratong mga hazardous waste ang mga gamit na mask mula sa mga tahanan ng Person/s Under Investigation (PUI) at Person/s Under Monitoring (PUM). Hiwalay dapat ang mga basurahan nito na kokolektahin ng mga personnel mula sa Transport, Storage, and Disposal (TSD). Kinakailangan namang dalhin sa mga Category Three o Four Sanitary Landfill ang mga basurang PPE na nakolekta.

Sitwasyon sa mga ospital

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Paeng Lopez, project coordinator ng Healthcare Without Harm – Asia, nilinaw niyang magkakaiba ang paraan ng paggamit ng mga PPE sa mga ospital noong nagsisimula pa lamang ang pandemya. Kalakip nito, magkakaiba rin ang dami ng pagkonsumo sa mga mask, overalls, gloves, at cover booths.

Mayroon din umanong proseso na sinusunod ang mga ospital para sa tamang waste management. “Tuwing lalabas sila [healthcare workers] doon sa COVID area, kailangang hubarin ‘yan [PPE] para hindi sila makahawa doon sa labas. Kaya ‘yung iba napipilitan talagang mag-stay sa mga COVID area dahil sa kakulangan ng PPEs,” saad niya. Ngunit sa kasalukuyan, unti-unti na umanong nauunawaan at nagagamay ng mga ospital ang mga karampatang pagtugon sa COVID-19, at mas mababa na kung tutuusin ang kanilang paggamit ng mga PPE kompara noong simula ng pandemya.

Dagdag ni Lopez, patuloy ang pagdami ng basura ngunit may mga reusable na PPE na inaalok sa merkado. Giit niya, “Ang pinakamahalaga rito makasiguro na bagamat reusable siya, [ay] mananatiling ligtas siya sa mga gumagamit ng PPEs na ito. Hindi sapat na natatakpan niya physically yung katawan ng tao, kailangan niya makasiguro na pinoprotektahan niya yung taong gumagamit mula doon sa virus.”

Paghikayat sa publiko

Sa panayam ng APP kay Marian Ledesma, campaigner ng Greenpeace Philippines, ipinahayag niyang nagkaroon ng karagdagang bilang ng panibagong uri ng basura ngayong pandemya. Kaugnay nito, hinihikayat ng organisasyon ang pagsusuot ng mga fabric mask na maaaring gamiting alternatibo. Nais din nito na magbigay ang pamahalaan ng siyentipikong impormasyon upang maprotektahan ang publiko lalo na pagdating sa hygienic practices at environmental friendly na mga alternatibo.

Sa panayam naman ng APP kay Danny Ngo, pangulo ng Philippine Plastics Industry Association, ibinahagi niyang sinusulong nila ang produksyon ng garment manufacturing ng PPE bilang alternatibong materyal. Ipinaliwanag din niyang mahalaga ang ginagampanan ng publiko pagdating sa problema ng pagdami ng basura mula sa mga PPE. “Let’s not blame plastic or anything. It’s the person, the attitude, and how we manage trash. Things were invented to alleviate, to make life easier, but we tend to abuse,” panawagan niya.  

Mungkahi ni Ledesma, maraming maaaring gawin ang publiko upang masolusyonan ang problemang pangkalikasan. “If they really do have to go out—for example to get essentials or needing to go somewhere—to try to use reusable mask or PPEs,” dagdag niya. Patuloy rin umano dapat ang pagsunod sa mga healthcare guidelines na inilabas ng IATF-EID, at ang pakikibalita sa mga pagbabago tungkol sa virus.

Binigyang-diin naman ni Lopez na kung mayroon mang alternatibo, dapat umanong abot kaya ng publiko ang halaga nito upang magkaroon sila ng kakayahang pumili at makilahok sa maayos na tugon sa problemang pangkalikasan. Pagtatapos niya, “Hindi nangangahulugan na may COVID-19, kailangan nating isantabi ang mga responsibilidad sa kapaligiran.”