Pagsibol ng mga tanglaw sa dilim: Mga batang may special needs, ibinida sa FTK 2021 Bloom


BINIGYANG-KULAY ang For the Kids (FTK) 2021 sa pangunguna ng Center for Social Concern and Action-Lasallian Outreach and Volunteer Effort (COSCA-LOVE), kasama ang iba’t ibang organisasyon sa loob at labas ng Pamantasan, upang mapasaya ang mga bata sa Special Education Centers at mabigyan sila ng kagamitang pang-eskuwela at pang-medikal. Isinagawa ang programa mula Enero 8 hanggang Marso 7, sa temang Bloom: Here Comes the Sun, na naglayon ding makapagbigay-sigla at pag-asa sa madla sa kabila ng pandemya.

Pagsasakatuparan ng FTK

Kadalasang ipinagdiriwang ang FTK sa Pamantasan tuwing sumasapit ang pista ng Santo Niño, ngunit nausog ang pagdiriwang ngayong taon at isinagawa na lamang online dahil sa pandemya. Sa kabila nito, naging produktibo ang pagsasagawa ng programa ayon kay Gian Ramos, isa sa mga tagapamahala ng proyekto.

Ipinaliwanag naman ni Jemaiah Delima, isa sa mga tagapamahala ng proyekto, na may kinalaman sa tema ang kanilang hangaring makapagbigay-sigla at pag-asa sa madla, lalo sa mga batang bumubuo ng FTK. “Sa kabila ng paghihirap at walang katikayan ngayong pandemiya. . . uusbong rin ang ang masisiglang araw tulad ng mga bulaklak. . . at [ang] maliwanag na sinag ng araw,” pagbabahagi niya.

Paggunita sa mga isinagawang programa 

Ilan sa mga programang inilunsad sa FTK ang Change Drive at Trivia Nights, Helping Other People Empathize (HOPE) webinar series, Ang Kuwentong Volunteer, Art Interpreted by the Artist, mga bidyo ng aktibidad, at online na konsiyerto.

Isinagawa ang Change Drive sa pamamagitan ng mga interaktibong publicity material upang makalikom ng pondo para sa pagbili ng mga kagamitang pang-eskuwela at pangkalusugan ng mga bata. Nagkaroon din ng trivia night na nagtampok ng mga katanungan ukol sa karanasang pang-elementarya, kulturang popular sa DLSU, at ilang detalye ukol sa FTK noong Enero 8.

Inilunsad din ng FTK ang serye ng mga webinar na may temang Helping Other People Empathize (HOPE) na isinakatuparan kada buwan mula Nobyembre hanggang Enero. Nilayon nitong makapagpalawak ng kamalayan ukol sa karanasan at kondisyon ng mga batang may kapansanan at special needs. Bukod pa rito, itinampok din ng FTK ang kuwento ng mga volunteer nito noong mga nagdaang taon.

Nangalap din ng iba’t ibang drawing ang FTK sa aktibidad na Art Interpreted by the Artist upang magamit ang mga ito bilang coloring sheets ng mga bata. Nagkaroon din ng ilang activity videos na nagsilbing pamalit sa mini-olympic games na isinasagawa sa Pamantasan tuwing idinaraos ang FTK. 

Tinalakay naman sa storytelling at values formation noong Marso 7 ang librong Ang Madyik Silya ni Titoy na isinulat ni Russell Molina. Pinagbidahan ni Titoy ang kuwento, isang batang baldado na naglalakbay gamit ang kaniyang wheelchair at imahinasyon. Binigyang-diin sa aktibidad ang kahalagahan ng pagkakaibigan, pakikiramay, at pangangarap na ipinakita sa kuwento. 

Inilunsad din ang arts and crafts webinar tungkol sa paggawa ng papel na pabo at eroplano sa pamamagitan ng origami, pati na rin ang paggamit ng luwad sa paggawa ng mga hayop tulad ng isda at palaka.

Ibinahagi ni Sophia Ongson, isa sa mga volunteer ng FTK, na matagal at masikhay nilang pinagplanuhan ang lahat ng mga aktibidad upang maisagawa nang maayos ang mga programang magpapasaya sa mga bata at sa kanilang mga magulang. Naniniwala rin siyang matagumpay nilang naisagawa ang online FTK dahil nakapagpataas sila ng kamalayan ukol sa mga batang may special needs, dahil na rin sa pagiging malawak ng sakop ng Facebook bilang isang plataporma.

Kulminasyon ng FTK 

Isinagawa ang online na konsiyerto noong Marso 7 sa pagdaraos ng isang misang pinangunahan ni Rev. Fr. Luis Lorenzo, University Chaplain. Nagtanghal naman ang La Salle Dance Company (LSDC) Folk, LSDC-Contemporary, at LSDC-Street para maghatid ng mensaheng pagpapaigting sa pag-asa at pagkamalikhain upang patuloy na maging inspirasyon para sa kapwa. Nagtanghal din ang De La Salle Innersoul na umawit ng ilang kanta mula sa Disney.

Pinangasiwaan ni Br. Raymundo Suplido FSC ang pagbubukas ng naturang programa sa kaniyang panimulang salita. Ipinahayag niyang kasabay ng pagsikat ng araw, darating din ang bagong pag-asa. Binanggit din ni Suplido na bagamat may kapansanan ang mga bata, sila ang may pinakadalisay na puso. Giit niya, “You teach us how to enjoy the gift of simple joys that come our way.” 

Nagpakita naman ng iba’t ibang talento sa sayaw at kanta ang bandang Sintala, ang singer-songwriter na si Sabine Cerrado, mga volunteer na sina Anna Givera at Bianca Bautista, si Eric Rejano, at ang Batch 24 at Batch 25 ng COSCA-LOVE. 

Ibinida rin sa programa ang karanasan ng ilang volunteer, pati na rin ang kanilang mga natutunang aral mula sa mga nakaraang programa ng FTK. “Seeing these kids [happy made me think] that if these kids can find happiness in the little things. . . It gives hope to all those who have special needs and all those suffering [from] mental health like me,” pagbabahagi ni Jello Rillo, ID 117 volunteer, ukol sa kaniyang karanasan. 

Tinalakay rin ni Fritzie De Vera, Vice President for Lasallian Mission, ang mga dahilan kaya siya naniniwala sa pag-asa. Ayon kay De Vera, makararanas tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kakayahan ng mga anak na may kapansanan at sa mga taong tumutulong sa kanila. Dagdag pa niya, “Finally, with our love and the love of God, we continue to hope and aspire for a better future for our children.”

Nagtapos ang programa sa pagpuri ni University Chancellor Br. Bernard Oca FSC sa mga volunteer ng COSCA-LOVE, at sa kaniyang pasasalamat para sa suporta ng mga katuwang na organisasyon, sa partisipasyon ng mga magulang at guro ng mga bata, at sa pagsali ng mga bata sa FTK 2021.