PINANGASIWAAN ang pagtatalaga ng bagong chief legislator, pagbuo ng mga kapulungan, at paghirang sa mga lider nito sa unang sesyon ng Legislative Assembly (LA) matapos ang Make-Up Elections 2021, Marso 5. Pinangunahan ni Maegan Ragudo, dating majority floor leader at kasalukuyang pangulo ng University Student Government, ang naturang pagpupulong.
Pagpili sa bagong chief legislator
Idinaos sa sesyon ang nominasyon at eleksyon para sa posisyong chief legislator. Kaugnay nito, nakatanggap ng nominasyon sina Giorgina Escoto, BLAZE2022 at Katkat Ignacio, EXCEL2021.
Inilatag ni Escoto ang mga inihanda niyang plataporma sakaling maihalal siya bilang bagong chief legislator. Kabilang dito ang pagtatatag ng Office of the Chief Legislator, paggamit ng LA Journal, pagsasanay ng mga kinatawan ng LA para sa pagsulat ng mga resolusyon, pag-enmiyenda ng LA Manual, paghahanda sa transisyon ng pinagtibay na konstitusyon ng USG, at muling paggamit ng mga college legislative board.
Ibinahagi rin ni Escoto ang pinakamahalagang aral na natutunan niya bilang kinatawan ng LA ukol sa pakikinig sa mga tao. Giit niya, “Beyond amplifying the voices of the unheard, we must listen intently to the words that are left unsaid.”
Katulad ng nabanggit ni Escoto, tinalakay rin ni Ignacio ang kaniyang plataporma. Ilan din dito ang pagtatatag ng Office of the Chief Legislator, paggamit ng LA Journal, pagsasanay ng mga kinatawan ng LA, at pag-enmiyenda ng LA Manual. Bukod pa rito, binanggit din ni Ignacio ang pagbibigay-priyoridad sa mga resolusyon ukol sa online na klase, pagtugon sa pangangailangang pampinansyal at pangkalusugan ng mga estudyante, pati na rin ang implementasyon ng Council of University Representatives (CURE) Manual.
Isinaad din ni Ignacio na ikinagagalak niyang tinanggap ng mga kinatawan ng LA ang hamon ng pagsali sa LA dahil pinatutunayan nitong handa silang tumulong sa kanilang kapwa. Sambit niya, “You and I are ready are more than ready to work for a better tomorrow.”
Sa naging botohan, dalawang beses tumabla ang boto para kay Escoto at Ignacio sa parehong tala na 12-0-0. Bunsod nito, napagdesisyunan nila Ragudo, Escoto, at Ignacio na iwanan munang nakabinbin ang eleksyon para sa chief legislator hanggang makompleto na ang mga bakanteng posisyon ng LA. Magkakaroon ng emergency LA session sa susunod na linggo para sa paghirang ng bagong chief legislator.
Pagbuo ng panibagong kapulungan
Hinati naman ang mga kinatawan ng LA sa dalawang kapulungan sa pangunguna ni Marts Madrelejos, FAST2018, at Lara Jomalesa, FAST2019. Wala pang majority at minority floor dahil parehong mayroong 12 miyembro ang dalawang kapulungan kaya pansamantala muna itong tinawag na floor 1 at floor 2 habang mayroon pang mga bakanteng posisyon.
Ibinahagi ni Jomalesa ang kaniyang mga plano bilang floor leader. Ipinaliwanag niya ang DLSU SMS-Alert System, isang kolaborasyon sa Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Ad Hoc Committee at Smart Communications, na magsisilbing paraan upang ipabatid ang mga anunsyo at tugon ukol sa DRRM at mahahalagang pangyayari sa Pamantasan.
Kasama rin sa kaniyang plataporma ang Pahiram Equipment Act at COVID Radar (NOVID), isang aplikasyon para sa contact tracing sa pagbabalik sa face-to-face. Ilan pa rito ang pagpapabuti ng mga polisiya at protocol ng online learning, pagsasaayos ng iskedyul ng pre-enlistment at enlistment, institutionalized college grants, manifestos, at individual agendas.
Sa kabilang banda, hindi na ipinahayag ni Madrelejos ang kaniyang mga plano sapagkat nauna na niyang ipresenta ito sa ibang kinatawan ng LA. Dagdag pa niya, “I believe that as nominated being a floor leader, I would rather present our plans through our actions.”
Matapos ang botohan, kasama ni Madrelejos sa floor 1 sina Ignacio; Aeneas DR Hernandez, EXCEL2022; Mary Legaspi, FOCUS2020; Pauline Gayle Carandang, Laguna Campus Student Government (LCSG) Representative; Elderwell Ramos, CATCH2T22; Lorenzo Amado, EXCEL2020; Loubern Reyes, EDGE2020; Janna Josue, EDGE2019; Celina Vidal, FOCUS2018; Michele Gelvoleo, LCSG Representative; at Ethan Rupisan, 72nd ENG.
Sa pangunguna ni Jomalesa, kabilang naman sa floor 2 sina Sophia Beltrano, BLAZE2021; Francis Loja, EXCEL2023; Astrid Rico, 74th ENG; Kali Anonuevo, CATCH2T24; Bryan Camarillo, CATCH2T23; Bryan See, 73rd ENG; Macario Vjuan, FOCUS2019; Bryan Reyes, BLAZE2023; Escoto; Ashley Francisco, FAST2020; at Vera Espino, 75th ENG.
Samantala, ipinaalala naman ni Ragudo sa dalawang floor leader ang pagtatalaga sa mga natitirang kinatawan ng LA para sa mga bakanteng posisyon at paghahanda sa kanilang mga resolusyon.
Pagbibitiw ni Gelvoleo
Inihain naman ni Gelvoleo ang kaniyang resignasyon sa sesyon dahil napagdesisyunan niyang maging Executive Vice President ng La Salle Computer Society sa kampus ng Laguna. Bilang pagsunod sa panuntunan, hindi siya maaaring magkaroon ng posisyon sa executive board ng isang organisasyong mula sa Council of Student Organizations habang kinatawan pa rin siya ng LA kaya pinili niyang magbitiw sa posisyon.
Sa botong 24-0-0, inaprubahan sa LA ang pagbibitiw sa puwesto ni Gelvoleo.