Makabagong pagsalubong sa Chinese New Year 2021, inihandog ng Englicom


MULING IPINAGDIWANG ng pamayanang Lasalyano ang taunang selebrasyon ng Lunar New Year sa pangunguna ng Englicom, sa pamamagitan ng isang linggong pagsasagawa ng mga aktibidad mula Marso 1 hanggang Marso 5. 

Layunin ng selebrasyon na maipakita ang malalim na ugnayan ng mga Pilipino at Tsino, sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad, at ipagdiwang ang Chinese New Year.

Tungo sa matagumpay na selebrasyon

Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Rein Gonzales, tagapamahala ng proyekto, ibinahagi niya ang mga prosesong kanilang tinahak upang maisakatuparan ang pagsasagawa ng programa. 

Ayon kay Gonzales, maaga nilang sinimulan ang mga preparasyon para sa programa. Bumuo sila ng isang komite na nangasiwa sa pagpaplano ng mga aktibidad, paggawa ng mga materyales para sa publisidad, paghahanap ng mga katuwang, at pag-aaral sa mga gagamiting teknolohiya.

Sa kabilang banda, inilahad din ni Gonzales na isa sa mga hamong kinaharap nila ang kawalan ng kasiguraduhang magagampanan ng mga miyembro ang kani-kanilang tungkulin. Aniya, “Kinailangan talaga naming bigyan ng tiwala ang bawat isa.” Gayunpaman, napagtagumpayan nila ang hamong ito dahil sa pagiging responsable ng mga kasapi ng komite, pagkakaroon ng maayos na komunikasyon ng mga tagapangasiwa ng proyekto, at patuloy na paggabay sa komite upang masigurong nagagawa ang mga tungkulin sa itinakdang oras.

Samantala, inilahad ni Gonzales na nakasentro ang kanilang mga napagplanuhang aktibidad sa pagbuo ng ugnayan sa mga kalahok. Sinikap din nilang madala sa mga Lasalyano ang karanasan ng komunidad ng Filipino-Chinese kahit sa online na pamamaraan.

Bukod sa komite, nakatulong ang mga katuwang nilang kompanya, tulad ng Shopee, Kumu, Klean Kanteen, at Chinoy TV, at mga organisasyon sa Pamantasan, tulad ng Council of Student Organizations, Civil Engineering Society, Young Entrepreneurs Society, at Junior Entrepreneurs’ Marketing Association, sa pagbibigay ng premyo sa mga dumalo sa selebrasyon.

Pagsulong sa inklusibong pagdiriwang

Samu’t saring programa ang itinampok sa kabuuan ng selebrasyon ng Englicom para sa Chinese New Year 2021. Tiniyak ng mga tagapamahala ng proyekto na makabuluhan at nakaangkla sa layunin ng kanilang organisasyon ang kanilang mga programa. 

Sinimulan ang pagdiriwang sa pagsasagawa ng isang misa, na sinundan ng pagtatanghal ng tradisyonal na lion dance. Para sa taong ito, sinamahan nila ng palaro ang presentasyon ng lion dance upang makakuha ng partisipasyon sa mga manonood.

Sinuri naman ng mga kalahok sa ikalawang araw ng selebrasyon ang kanilang mga kapalaran sa pakikibahagi sa Understanding Your HorOXscope. Sinubukan din ang galing ng mga dumalo sa paghula ng tamang presyo ng ilang bilihin sa palarong The Price is Right. 

Mas pinalalim pa ang ugnayan ng kulturang Pilipino at Tsino sa kanilang programang Fil-Chi Connection na itinampok sa ikatlong araw ng selebrasyon. Ibinida rin ang iba’t ibang putaheng nagmula sa Tsina sa Lai Tsia mukbang livestream. Nasubok naman ang suwerte at galing ng mga Lasalyano sa palarong Escaping the Great Wall at Wheel of Fortune sa ikaapat na araw ng programa. 

Natunghayan naman sa huling araw ng selebrasyon ang huling tatlong aktibidad na inihanda ng Englicom. Kabilang dito ang Doodle With Me, Joepardy, at One Lucky Night: The Grand Raffle. Bilang pagtatapos ng programa, nagbahagi ng kanilang talento ang ilang piling tagapagtanghal mula sa Junior Philippine Institute of Accountants Artist Guild, La Salle Dance Company (LSDC)-Street, LSDC-Contemporary, at De La Salle-Innersoul.

Pagtanggap sa hamon ng pagbabago

Sa kabilang banda, ipinabatid ni Gonzales na mayroong mga nakasanayang aktibidad taon-taon na hindi naisagawa sa selebrasyon ng Chinese New Year ngayong taon bunsod ng pandemya.  Aniya, “Iba pa rin ang karanasan na naipapahayag namin sa mga madla kapag hindi online.”

Sa kabila nito, dumami naman ang bilang ng mga nakilahok sa kanilang mga inilatag na programa. Tinukoy ni Gonzales ang dahilang mas madaling lumahok sa mga programa sa pamamagitan ng social media at iba pang online na plataporma. 

Para kay Gonzales, naging matagumpay ang Englicom sa pagsasagawa ng isang linggong selebrasyon ng Chinese New Year sa kabila ng pandemya dahil naipaabot at naibahagi nila sa pamayanang Lasalyano ang mga tradisyon ng Chinese New Year habang nagbibigay ng saya, aliw, at kaalaman. “Selebrasyon ito na kung saan kahit ano man ang lahi mo, maaari kang makipaghalubilo, makisama, makibahagi, at makisaya sa iba’t ibang klase ng background, etnisidad, o ano pa man,” pagtatapos niya.