NAKIISA ang Umalohokan, Inc., kasama ang University of the Philippines (UP) Los Baños Writer’s Club, Karma Komiks, at Samahan ng Kabataan Para sa Bayan, upang itaguyod ang karapatan at kalayaan ng mga inapi at patuloy na inaapi, sa pamamagitan ng dulang Isko’t Iska: Mga Oda ng mga Pilipino sa Pakikibaka, ipinalabas noong Pebrero 27 hanggang Marso 1.
Layunin ng dulaang ito na ibahagi ang iba’t ibang kuwento ng pakikibaka ng mga iskolar ng bayan, magsasaka, at ng mga nasa laylayan, at ilahad ang mga isyung kasalukuyang kinahaharap ng iba’t ibang sektor sa pamamagitan ng teatro, likhang-sining, at musika.
Karanasan, kaligtasan, at katayuan
Ipinabatid ng dulang may pamagat na “Sossy” ang iba’t ibang kuwento ng mga estudyanteng nakikipagsapalaran sa kasalukuyang estado ng edukasyon sa bansa. Binigyang-diin ng kuwentong ito na hindi pribilehiyo ang edukasyon kundi isang karapatan—nang dahil sa online set-up na edukasyon dulot ng pandemya, lalo umanong napalaki ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. Giit ng kuwento, “Hindi dahil komportable na tayo [sa sitwasyon natin ngayon], wala na tayong pakialam sa iba.”
Bukod sa panawagan ukol sa kontra-mahirap na katotohanan ng sistema ng edukasyon, mariing kinondena ng dula ang laganap na red-tagging sa bansa sa gitna ng pandemya. Ipinakita sa dulang “Tinig ng Dalawang Bayani” ang kuwento ng isang magulang na overseas Filipino worker, na nag-aalala para sa kaligtasan ng kaniyang anak na sumasali sa mga progresibong grupo. Binigyang-diin sa istoryang ito ang isyu ukol sa hungkag na paniniwalang terorista umano ang mga aktibista.
Ipinakita rin ng Isko’t Iska ang pagsuporta nito sa Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Bill sa pagtanghal ng isang dula ukol sa mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer (LGBTQ+) Community, na nakasentro sa mga karanasan nila habang nabubuhay sa isang macho-pyudal na lipunan. Ipinabatid nitong dapat magkaroon ng kalayaan ang bawat indibidwal ukol sa nais niyang ekspresyon at kasarian, at hayaang magmahal at mahalin nang hindi nililimitahan ng lipunang ginagalawan.
Sigaw at kalampag mula sa pangkat ng minorya
Patuloy ang pangangalampag ng mga magsasaka sa bansa dahil sa mga isyung reporma sa lupa at mababang halaga ng mga produkto. Ipinarinig ng mga dulang “Tinig ng Titulo,” “Lapagan,” at “Pastulan” ang mga sigaw ng mga magsasakang patuloy na inaalipusta dahil kinakamkam ng mga nasa posisyon ang mga lupaing pagmamay-ari nila. Pagpapaliwanag sa dula, “Ngayon higit kailanman, marapat na isulong natin ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, para sa ating mga magsasaka—ang ating pangunahing puwersa.”
Dagdag pa rito, idiniin din sa dula na dahil sa pang-aabuso ng gobyerno sa mga katutubo sa kabundukan, natatanggal na ang karapatan ng mga pangkat ng minorya bilang bahagi ng komunidad. Sa paglahad ng karanasan ng mga katutubo, mariing naipakita ng dula ang kalupitan at pang-aabuso ng kapulisan at militar sa minorya.
Sa kabila ng mga isyung ito, palaging sinasambit ang pagkakaroon ng mga Pilipino ng angking katatagan o resiliency. Ngunit, iginiit na patsada lamang ang katangiang ito upang ikubli ang totoong katayuan ng mga Pilipino. Malinaw man na may nagaganap na panunupil sa mga lumalaban at nagsisiwalat ng katotohanan salungat man sa nais na naratibo ng gobyerno, marami pa rin umanong bulag at pilit na nagbubulag-bulagan tungkol dito.
Binigyang-diin din ang paghihirap ng sambayanan dahil sa patuloy na pang-aapi—na umaabot sa pagpatay—sa mga ordinaryong mamamayan. Sa gitna ng pang-aabusong ito, tumayo bilang panawagan ang huling dulang “Hiyaw sa Makabagong Araw” na nag-aabot ng mensaheng piliting huwag makampante sa huwad na pamamahala.
Binuhay ng mga dula, sining, at musika, ang iba’t ibang kuwento ng pakikibaka ukol sa mahahalagang isyung kinahaharap ng ating lipunan. Sa pamamagitan ng mga dulang katulad ng Isko’t Iska, naibabahagi sa susunod na henerasyon ang mga pagkakamali ng kasalukuyang panahon, na maaaring kapulutan ng aral. Sa kabuuan, hinihikayat ng Isko’t Iska ang sambayanang Pilipino, lalo na ang kabataan, na tumindig, makisangkot, at makialam. “Hindi tayo magpapatinag, kailangan tayo ng bayan, tumindig ka dahil iyon ang tama. Para sa bayan,” pagtatapos ng dula.