TINALAKAY nina Anthony Lawrence Borja, Hon. Arlene “Kaka” Bag-ao, at Rechie Tugawin ang kahalagahan ng malayang pakikibahagi sa aspekto ng politika at pamumuno ngayong panahon ng pandemya, sa isinagawang webinar ng Lasallian Justice and Peace Commission (LJPC) na pinamagatang Participatory Democracy: Its Relevance in Time of Pandemic, Pebrero 24. Binigyang-diin sa talakayan ang kapangyarihan ng mga mamamayan na magkaroon ng demokratikong partisipasyon sa gobyerno at sa proseso nito ng paggawa ng mga batas at patakaran para sa ikabubuti ng bansa at ng nasasakupan nito.
Kapangyarihan ng pakikibahagi sa politika
Nagsimula ang talakayan sa pangunguna ni Anthony Lawrence Borja, assistant professor mula sa departamento ng Political Science ng Pamantasang De La Salle-Manila, na nagpaliwanag ukol sa paksa ng demokratikong partisipasyon at ang kawalan ng indibidwal ng interes at kaugnayan sa politika.
Unang tinalakay ni Borja ang deliberative democracy upang maipaliwanag ang gampanin ng ordinaryong mamamayan sa pagbuo ng mga patakaran. Aniya, nakabatay ito sa pagkilala sa limitasyon ng isang tao dahil wala umanong indibidwal o grupo ang nakaaalam sa lahat ng bagay. Sa nasabing paksa, idiniin na mahalaga ang ginagampanang papel ng mga ordinaryong mamamayan sapagkat sila ang may hawak ng importanteng impormasyon na kinakailangan upang makabuo ng epektibong patakaran at legislasyon.
Sa paglalim ng diskusyon, tinalakay ni Borja ang matibay na demokrasya gamit ang pag-aaral ni Benjamin Barber. Inilahad niya ang argumento nito na, “You don’t need to wait for citizens to be ready to participate in public affairs. Give them the power, give them responsibilities, and they will grow on the job.”
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Borja na magkakaroon lamang ng lakas ng loob ang mga mamamayang makilahok sa usaping politika kung nararamdaman nila ang epekto ng nabubuong ugnayang pampubliko. Aniya, madali umanong makinig sa mga ordinaryong mamamayan subalit isang hamong mabigyan sila ng pagkakataon at kakayahang makilahok at makibahagi sa proseso ng pagdedesisyon.
“Filipinos are still interested in politics. The problem would be how we relate to politics. . . For many Filipinos as far as the survey is concerned, they feel that they cannot control the government outside elections. . . other than that most Filipinos see themselves as incapable of holding the government responsible outside elections even if they are free to speak, even if they are free to organize,” pagtatapos ni Borja.
Pakikibahagi sa proseso ng pagdedesisyon
Ibinahagi ni Arlene “Kaka” Bag-ao, gobernador ng Dinagat Islands, ang pangunahing problema ng kaniyang nasasakupan at ang aktibong partisipasyon ng mga mamamayan tungo sa mas epektibong pagpapatupad ng mga patakaran. Giit niya, ang kultura ng utang na loob sa mga nasa posisyon ang nagpapalala sa sitwasyon ng mga taong nakararanas ng kahirapan, hindi pagkapantay-pantay, at kawalan ng pag-unlad.
Dahil dito, inilarawan ni Bag-ao ang pagpapalakas o empowerment bilang pagbibigay ng tungkulin sa indibidwal sa usaping paggawa ng epektibong polisiya at mga batas na poprotekta ng kanilang interes. Pagdidiin niya, kinakailangan itong maipatupad sa komunidad sapagkat mahalagang malaman ang karanasan at mapakinggan ang hinaing ng mga mamamayan. Sila mismo ang nakararanas ng mga polisiyang ipinatutupad kaya makatutulong ang kanilang suhestyon upang lalong mapabuti ang implementasyon nito. Mahalaga umanong makisangkot ang mamamayan sa pagdedesisyon para sa kanilang bayan.
“You and the people whose rights you want to defend must empower each other, that is the essence of participatory democracy. Standing side by side with each other, learning from, and fighting for one another,” wika ni Bag-ao.
Epektibong ugnayan ng pamahalaan at mamamayan
Inilahad ni Rechie Tugawin, executive assistant ng alkalde ng Pasig, ang kaniyang karanasan sa demokratikong partisipasyon sa lungsod ng Pasig ngayong pandemya. Ibinahagi niyang kabilang sa kanilang empowerment agenda ang pagpapanatili ng katapatan sa pamamahala, pagpapaigting ng partisipasyon ng mga residente, at epektibong pagtugon sa mga suhestyon at hinaing.
Isa sa mga naging hakbang ng lungsod ang pakikipag-ugnayan sa mga civic service organization upang magamit ang karapatan nilang makilahok sa pagbuo ng polisiya, desisyon, at programa ng lokal na pamahalaan. Ayon sa kaniya, mas napagtibay ng lungsod ang partisipasyon ng mga residente sa pamamagitan ng pagtalakay sa pondong natatanggap ng lokal na pamahalaan kada taon. Inaasahan ng pamahalaan na magiging bahagi na ang mga mamamayan nito sa pagpili ng mga proyektong paglalaanan ng pondo.
Naging malaking bahagi rin ng demokratikong partisipasyon sa lungsod ang programang Ugnayan sa Pasig na tumutugon sa mga reklamo at suhestyon ng mga mamamayan nito. Dahil sa epektibong ugnayan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng mga mamamayan nito, mas madaling nakilala at naisagawa ang proyekto ng lungsod, tulad ng Mobile Palengke, Libreng Sakay, Balik-negosyo Microloan, at iba pa.
Mahalagang ipaalala sa mga mamamayan ang kanilang responsibilidad na makibahagi sa proseso ng paglikha ng mga polisiya at patakarang ipinatutupad sa komunidad at sa bansa. Hindi magiging sapat ang binuong patakaran kung hindi ito sasabayan ng pagkilos at pakikipag-ugnayan sa pamahalaan. Kinakailangang makialam, makibahagi, at magpatuloy sa pagkilos upang matamasa ang tunay na kaunlaran para sa bayan at mga mamamayan.
Banner mula sa De La Salle Philippines and Lasallian Justice and Peace Commission