Pagsilip sa panibagong proseso ng DLSU College Admissions para sa AY 2021-2022


Kuha ni Monica Hernaez

ISASAILALIM sa panibagong proseso ng aplikasyon ang mga aplikante ng Pamantasang De La Salle (DLSU) para sa akademikong taon 2021-2022. Bunsod ng pandemya, ipinagpaliban ang taunang pagsasagawa ng  DLSU College Admission Test (DCAT) at pinalitan ito ng panibagong prosesong ipinatupad ng Office of Admissions and Scholarships (OAS). 

Nagsimula ang aplikasyon noong Nobyembre 23 ng nakaraang taon at tatagal ito hanggang Marso 1 ng kasalukuyang taon. Nakatakda namang ilabas ang resulta ng aplikasyon sa ikatlong linggo ng Abril. 

Pagbabago sa proseso

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Grichelle Prado, direktor ng OAS, ibinahagi niya ang rason sa pagkansela ng DCAT. “Dahil sa limitasyon ng pandemic kung saan ang mga lugar ay nasa General Community Quarantine (GCQ), minabuti na kanselahin muna ang DCAT para sa taong ito,” paliwanag niya.

Inilahad din ni Prado ang ilang pagbabago sa proseso ng aplikasyon para sa susunod na akademikong taon. Aniya, ipinatutupad pa rin ang online na aplikasyon na limang taon nang ginagamit ng Pamantasan simula nang mailunsad ito. Kinakailangang isumite ng aplikante ang mga dokumento sa Online Application Facility ng DLSU website upang makapagparehistro. 

Gagamitin naman ang high school academic records sa pagsasala ng mga aplikante. Kaugnay nito, iginiit ni Prado na isa lamang ito sa mga dokumentong gagamiting batayan  para masuri ang kakayanan ng isang aplikante. 

Bukod sa high school academic records, kinakailangan din nilang makapagsumite ng mga karagdagang dokumento tulad ng katibayan ng pagkilala, sertipiko ng class ranking, sertipiko ng pakikilahok, at personal na pahayag mula sa aplikante. 

Dadaan naman ang mga isinumiteng dokumento sa itinalagang komite para sa admissions ng Pamantasan. Binubuo ito ng Office of the Chancellor, Office of the Associate Vice Chancellor for Academic Services, OAS, at dekano ng iba’t ibang kolehiyo.

Suliraning hatid ng pandemya 

Ibinahagi rin ni Prado sa APP ang naging takbo ng kanilang opisina sa gitna ng pandemya. Aniya, “Dahil walang face-to-face classes, ginawang online ang lahat ng komunikasyon tungkol sa proseso ng aplikasyon.”

Nakipag-ugnayan ang kanilang opisina sa Office for Strategic Communications (STRATCOM) upang maisakatuparan ang paglulunsad ng aplikasyon. Paglalahad niya,  “Sa pakikipagtulungan sa STRATCOM, ginamit namin ang DLSU website at ang lahat ng social media platforms ng DLSU para maiparating ang impormasyon sa mga aplikante.” Pinangunahan din ng STRATCOM ang mga aktibidad tulad ng recruitment fairs at career talks na inilipat din sa mga online na plataporma.  

Ipinabatid din ni Prado na hindi pa nila masusuri kung may malaking pagbabago sa dami ng aplikante ngayong taon kompara sa mga nagdaang taon. “Malalaman natin ito kapag dumating ang deadline na Pebrero 15. Sa kasalukuyan, marami na rin ang aplikanteng nakarehistro sa Online Application Facility,” ani Prado.

Sa kabila ng pandemya, tinukoy ni Prado ang naging kalamangan sa pagsasagawa ng panibagong paraan ng aplikasyon. Para sa kaniya, masasabing mas bukas na sa maraming aplikante ang bagong proseso sapagkat hindi na nila kailangang bumiyahe papuntang DLSU. Sa kabilang banda, tinukoy rin niyang kaakibat ng bagong proseso ang mas maraming dokumentong kailangang isumite. 

Sa perspektiba ng mga aplikante 

Inalam din ng APP ang reaksyon at pananaw ng mga aplikante nang malaman nila ang bagong proseso ng aplikasyon. Ayon kina Marikit*, Solana*, at William*, inasahan na nilang haharapin nila ang kasalukuyang sistema ng aplikasyon dahil sa pangambang dulot ng COVID-19. Pagbabahagi ni William*, nakita niya ang anunsyo ukol sa aplikasyon sa Facebook page ng DLSU at doon siya nagsaliksik sa magiging proseso nito. 

Inilahad naman ni Marikit* na makatuwiran ang prosesong ito upang hindi na malagay sa panganib ang kalusugan ng mga aplikante at opisyal ng Pamantasan. Ayon kay Marikit*, mas binibigyang-pagkakataon nito ang  sinomang interesadong mag-aral sa DLSU dahil online na ang buong proseso ng aplikasyon. 

Sa kabilang banda, ibinahagi ni Solana* ang mga disbentahe ng ganitong proseso. Aniya, “Hindi nito mabibigyang-hustisya ang kabuuang abilidad ng isang estudyante at maaaring hindi maging patas pagdating sa pagsusuri ng high school records.” Binanggit din niyang maaaring maging limitado lamang ang aplikasyon sa mga may sapat na kagamitan upang maisagawa ang online na proseso.

Sa ngayon, kasalukuyan pang inaayos ng mga aplikante ang kani-kanilang mga dokumentong kinakailangang isumite dahil paparating na ang nakatakdang deadline. Patuloy namang nakaantabay ang OAS sa pagtanggap at pagproseso ng mga dokumentong isinusumite sa kanila. 

*hindi tunay na pangalan