Maraming Pilipino ang naghihikahos at naghihintay sa pagdating ng bakuna kontra COVID-19. Natutuliro ang sambayanan sapagkat nagsisimula na ang ibang bansa sa pagbabakuna habang nananatiling walang katiyakan sa Pilipinas hinggil sa pagdating nito. Kaya naman hindi katakatakang samu’t saring batikos ang inabot ng administrasyong Duterte sa isyu ng pagpuslit ng ilegal at hindi pinahintulutang bakuna kontra COVID-19 na nagmula sa Tsina.
Umusbong ang iskandalong ito nang ipahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nabakunahan na noong Setyembre at Oktubre 2020 ang ilang miyembro ng militar at ng Presidential Security Group (PSG). Hindi rin nagbigay ng detalyadong impormasyon si Brigadier General Jesus Durante hinggil sa naging proseso o petsa ng pagdating ng “regalong bakuna” mula Tsina.
Nakaaalarma para sa lahat ang naging pahayag ng Pangulo dahil malinaw na nilabag ng pagkilos na ito ang Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009 na nagbabawal sa paggawa, pag-aangkat, pag-e-export, pagbebenta, pamamahagi, paglilipat, at paggamit ng mga hindi rehistradong produkto.
Sa kabila ng pagbabawal sa pagpapadala at paggamit ng hindi rehistradong gamot, ipinagtanggol pa rin ni Pangulong Duterte ang kabuktutan ng kaniyang pamahalaan. Isa ito sa mga magpapatunay na laging pinagtatakpan at pinararaya ng kasalukuyang administrasyon ang mga opisyal nito sa kabila ng kanilang mga paglabag. Malaking sampal para sa mga Pilipino ang pagkakanulo ng Pangulo at ang patuloy niyang pagtatanggol sa katiwaliang ginagawa ng kaniyang administrasyon.
Ang tanong, kailan pa nagkaroon ng kataliwasan sa batas? Sa tuwing gagawa ba ng ilegal ang mga nasa itaas? Palaging kibit-balikat at tikom ang pamahalaan sa tuwing sangkot sa katiwalian ang mga opisyal nito. Isa na namang kaso ang hindi matutuldukan at ipagsasawalang bahala; pangyayaring hindi binibigyan ng sapat na kasagutan ang mga Pilipino at tinatanggalan pa ng karapatang alamin ang katotohanan. Nasaan ang hustisya kung nagiging tama at lumulusot sa batas ang ginagawang katiwalian ng mga makapangyarihan?
Patuloy na mananaig ang lakas ng pwersa ng boses ng bayan upang maisiwalat sa publiko ang katotohanan. Para sa mga kababayan kong nagnanais ng pagbabago, ipagpatuloy natin ang pagtindig at paglaban para sa nararapat at huwag magpalinlang sa kamaliang pinaniniwalaang tama ng iba.