SA LOOB ng maikling panahon, mabilis na umangat at nakilala ang Pilipinas bilang isa sa pinakamahuhusay na bansa pagdating sa mundo ng Esports. Samu’t saring parangal at papuri ang natamasa ng mga pambato ng bansa upang maiangat ang pangalan ng kanilang koponan sa mundo ng online gaming, tulad na lamang ng Mobile Legends: Bang Bang (ML).
Hindi matatawaran ang impluwensya ng ML sa kasalukuyang panahon, lalo na sa kabataan. Sa katunayan, nakamit ng pambatong koponan ng Pilipinas ang kampeonato sa katatapos lamang na M2 World Championship sa Singapore. Bunsod nito, hindi nagpahuli ang Pilipinas sa pagbibigay ng plataporma sa mga koponang nais na makilala bilang propesyonal na manlalaro pagdating sa ML.
Kasaysayan ng MPL-PH
Nagsimulang makilala ang Pilipinas sa mundo ng Esports matapos magpakitang-gilas ng mga manlalaro laban sa Indonesia, Singapore, Thailand, at Malaysia sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup (MSC). Binigyang-daan ng Solid Gaming Alpha at Salty Salad, na kapwang kumatawan sa Pilipinas sa MSC 2017, ang pagsisimula ng kauna-unahang ligang Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL-PH) noong 2018.
Nakapagtanghal na ng anim na tournament season ang naturang torneo at kasalukuyang nagpapatuloy ang bakbakan ng mga manlalarong Pilipino upang maibulsa ang ikapitong titulo. Madugong proseso naman ang tinatahak ng mga koponang nagtatangkang masungkit ang kampeonato sa MPL-PH dahil nahahati ang torneo sa tatlong bahagi—qualifier stage, regular season, at playoffs.
Sistema ng torneo
Sa unang bahagi, binibigyang-pagkakataon ng MPL-PH ang lahat ng mga koponan sa bansa na makasali sa torneo sa pamamagitan ng qualifier stage. Mula rito, magkakaroon ng single elimination round ang mga manlalaro sa isang do-or-die game. Isasabak naman ang natitirang 16 na nagsipagwaging koponan sa main qualifier na binubuo ng dalawang eight-team double-elimination na may best-of-three game format. Isa itong paraan upang masala ang dalawang koponang maaaring mapasama sa regular season ng torneo.
Dikdikang tapatan sa regular season naman ang sasalubong sa dalawang koponang nanaig sa qualifier round. Sa yugtong ito, makikipagtagisan ng talento ang dalawang koponan sa walo pang koponang naging bahagi ng torneo sa mga nakalipas na taon. Sa pamamagitan ng single round robin format, kinakailangang makapagtala ng dalawang panalo ang bawat koponan upang makapaglista ng puntos at makatungtong sa susunod na yugto.
Magkakaroon naman ng pagkakataon ang walong natatanging koponan na sungkitin ang kampeonato sa playoffs o grand finals. Katulad ng format ng laban sa regular season, naiiba lamang ang playoffs dahil magbabakbakan ang bawat koponan sa isang double elimination format. Magkakaroon naman ng best-of-five format ang torneo sa finals na tutukoy sa magiging kampeon ng torneo.
Gabay sa tagumpay
Bahagi ng pagpapanday sa husay ng isang manlalaro ang pagkakaroon ng mabibigat na ensayo. Bunsod ng matinding format ng torneo, nagkakaroon ng matibay na pundasyon ang mga manlalaro ng ML sa Pilipinas para sa iba pang bakbakang kompetisyon. Nagsilbing gabay ang torneo ng MPL-PH upang mas mapataas ang kalidad ng paglalaro ng mga Esports gamer sa Pilipinas.
Naging saksi ang MPL-PH sa paghubog sa mga manlalarong naging pambato ng Pilipinas noong SEA Games 2019 para sa Team Sibol. Sa pamamagitan ng torneo, nabuo ang isang koponang nagbigay ng karangalan para sa bansa na habambuhay nang tatatak sa isipan ng komunidad ng Esports.
Sa kasalukuyan, kinikilala ang Pilipinas bilang nangungunang bansa pagdating sa ML matapos maitanghal na kampeon ang Bren Esports sa pandaigdigang torneo. Bukod pa rito, itinanghal ding kampeon ang Bren Esports sa MPL-PH habang nakamit ng Smart Omega ang ikalawang puwesto sa nakaraang kompetisyon na ginanap nitong Oktubre. Aasahan naman ng maraming tagahanga ng ML na magpapasiklab muli ang kanilang mga iniidolong manlalaro sa susunod na edisyon ng torneo na magaganap ngayong taon.
Likha ni Elisa Lim