Humaharurot na pagbabago: Pagpapatuloy ng PUV Modernization sa taong 2021


Kuha ni John Limpo

Pinalawig ang deadline at binigyan ng panibagong tatlong buwang palugit ang mga drayber at opereytor ng dyipni upang makapagsumite ng mga kinakailangang dokumento para sa programang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization ng pamahalaan. Matatandaang sinimulan ng Department of Transportation (DOTr) ang programang ito noong 2017 ngunit may mga hinaing pa rin hanggang sa ngayon ang ilang mga transport group ukol dito.

Bagamat inilunsad ang programa para sa ikabubuti ng sistema ng transportasyon sa bansa, malaking bahagi ng mga drayber at opereytor ng dyipni ang tutol dito. Bukod sa pagsalungat sa ideyang fleet consolidation scheme o ang pagsama-sama ng mga small-scale na dyipni opereytor bilang isang grupo, hindi rin umano kakayanin ng karamihan sa mga drayber ng dyipni ang makabili ng pampasadang sasakyang pasok sa pamantayan ng PUV Modernization program.

Bilang tugon, sinimulan ng DOTr, sa tulong ng Development Bank of the Philippines (DBP), ang Program Assistance to Support Alternative Driving Approaches (PASADA). Sa press release ng DOTr noong 2017, iginiit ni DOTr Secretary Arthur Tugade na hindi “anti-poor” ang PUV Modernization Program. Aniya, “It is actually designed to strengthen and guarantee the profitability of the jeepney business.” Sa tulong umano ng DBP-PASADA, mabibigyan ng tulong-pinansyal ang mga drayber at opereytor ng dyipni. 

Panibagong pasan ng mga drayber

Isinusulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang PUV Modernization upang mapalawig ang pagpaplano ng ruta ng mga pampublikong sasakyan sa bawat lugar. Layunin ng nasabing programa ang magbigay ng mas angkop na dami ng dyipni sa kalsada at maghatid ng serbisyong tutugon sa pangangailangan ng mga pasahero. 

Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Mang Alex*, isang drayber ng dyip na bumibiyahe sa rutang Katipunan-Tandang Sora, Quezon City. Aniya, nakatulong sa kanilang sektor ang nasabing palugit ng DOTr. 

“Makakatulong pa ‘yun sa amin. Kasi kagaya sa akin etong traditional jeep pa lang ang binabiyahe ko. Eh paano kung inano na nila [‘yung modern jeepney] ngayon na, e ‘di wala na akong hanapbuhay,” sambit ni Mang Alex. Gayunpaman, binigyang-diin ni Mang Alex na hindi niya kakayaning makabili ng bagong dyipni. 

Bukod dito, isinalaysay niya ang kaniyang karanasan bilang drayber ngayong may pandemya. Malaki umano ang ibinaba ng kaniyang buwanang kita dahil naging dalawa na lamang ang kaniyang biyahe kompara sa sampung biyahe noong wala pang pandemya. 

May kaakibat na karagdagang gastusin para sa mga drayber at opereytor ang pagpapatuloy ng PUV Modernization. Para sa isang karaniwang drayber ng dyip tulad ni Mang Alex, hinihiling niyang mabuwag ang modernisasyon dahil mawawalan sila ng hanapbuhay. “Sana ‘wag na maituloy etong sinasabi nilang ipe-phase out ‘yung traditional na jeep dahil trademark na ng Pilipinas ‘yan eh. Hindi makikilala ang Pilipinas kung walang jeep,” pagtatapos ni Mang Alex.

TUPAD para sa mga nawalan

Upang matulungan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho bunsod ng pandemya, inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang safety net program na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD). Kinakailangang dumaan sa training ang mga manggagawang nais sumali sa TUPAD, na pangungunahan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Bukod dito, makatatanggap din ng Training For Work Scholarship Program (TWSP) ang mga benepisyaryo ng TUPAD.

Maaaring maging benepisyaryo ng nasabing programa ang mga drayber ng dyipni subalit hindi na sila maaaring makatanggap ng tulong mula sa Expanded and Enhance Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps, DOLE COVID-19 Adjustment Measures Program, Assistance to Individuals in Crisis Situation, at cash assistance ng Department of Agriculture para sa mga magsasaka.

Panawagan mula sa puwersa ng mga drayber at opereytor

Noong Disyembre 3 ng nakaraang taon, nagsumite ang Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO), kasama ang ilang transport group, ng isang joint position paper sa mga mambabatas at opisyal. Pinatunayan sa isinumiteng mosyon na lalala umano ang estado ng kahirapan sa nasabing sektor kung ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng PUV Modernization sa kalagitnaan ng pandemya.

Pahayag ni ACTO President Efren De Luna, bagamat tinatanggap umano ng ACTO ang tatlong buwang palugit na ibinigay, patuloy nilang tututulan ang bagong fleet organization scheme. Bukod sa pagbibigay nito sa pamahalaan ng monopolyo sa mga bagong accredited na PUV, maaapektuhan din nito ang mga asosasyon sapagkat mabubuwag ang umiiral na sistema ng mga transport group. Iginiit ni De Luna na sa pagpapatupad ng programang ito, gobyerno umano ang makikinabang habang patuloy na naiipit ang mga drayber at opereytor ng dyipni.

Bukod sa paghahatid sa mga pasahero sa kanilang patutunguhan, pasan din ng mga drayber at opereytor ng dyipni ang mga hindi inaasahang pagbabago ng sistema ng transportasyon bunsod ng PUV Modernization Program na sinabayan pa ng pagpapatupad ng community quarantine. Matinding suporta mula sa gobyerno ang kinakailangan nila upang makasabay sa mga pagbabagong ito, kaya patuloy ang kanilang pangangalampag sa pamahalaan upang maipatupad nang tama ang mga polisiyang magsisilbing tulay tungo sa pag-unlad ng sistema ng transportasyon sa bansa.