IPINAGPATULOY ang operasyon ng proyektong pang-imprastruktura sa parehong kampus ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa Manila at Laguna, na nakatuon sa pagkukumpuni at pagtatayo ng ilang mga gusali at pasilidad ngayong buwan ng Enero. Hangad ng proyekto na mabigyan ng bagong pag-asa ang mga Lasalyano na matagal nang nawalay sa dalawang kampus dahil sa mga paghihigpit bunsod ng pandemya.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), binigyang-linaw nina Antonio Maralit, Associate Vice Chancellor (AVC) for Facilities Management; Dr. Arnel Onesimo Uy, Vice Chancellor for Administration; Dr. Gil Nonato Santos, Vice Chancellor for Laguna Campus; at Josemari Calleja, AVC for Campus Development ang mga hakbang at planong binuo upang matiyak ang tagumpay ng proyekto.
Kahandaan bago ang kaayusan
Inilahad ni Uy na may dalawang bahagi ang kanilang plano sa mga imprastrukturang ipatatayo sa mga kampus. Una ang pisikal na imprastruktura at pangalawa ang mga online na pasilidad sa loob ng dalawang kampus. Paglalahad pa niya, “Hindi lamang pisikal na imprastruktura ang ating pinaghahandaan, pati na rin ang ating mga online facilities at infrastracture, kasama doon yung tinatawag natin na BITUIN Project.”
Sa nakaraang panayam sa APP, ipinaliwanag ni Uy ang proyektong Banner Initiative to Transform, Unify, Integrate, and Navigate (BITUIN) na may layuning pagsama-samahin ang mga proseso sa ilalim ng iisang sistema. “Kasama nito ‘yung pagsasabi natin na ‘we’re going to the cloud’,” sambit ni Uy na tinukoy ang Animospace bilang halimbawa upang ipabatid ang kahalagahan ng pagkakaroon ng parehong online at hardware investment sa Pamantasan.
Nabanggit naman ni Maralit na sumailalim sa masusing pag-aaral ang mga proyekto hinggil sa mga sumusunod na konsiderasyon: pagtukoy sa priyoridad, paghahanda sa new normal, at pagtigil ng operasyon sa gitna ng pandemya. “Sa ganitong paraan, napangangalagaan at mas mahusay na napangangasiwaan ng DLSU ang mga pondo at proyekto,” pagdidiin niya.
Sinisiguro rin ng Pamantasan, sa tulong ng mga iskeletal na yunit, ang pagpapanatili sa kaayusan at kalinisan ng mga gusali at pasilidad sa parehong kampus. Ani Uy, “Patuloy naman ang ating pagsusubaybay at pagsusuri sa mga gusali at pasilidad natin kahit na wala tayong face-to-face. ”
Tinukoy din ni Maralit sa APP ang mga opisinang bumubuo sa iskeletal na yunit na nangunguna sa pagpapanatili ng kaayusan ng mga pasilidad. Kabilang dito ang Building and Grounds Maintenance Office na binubuo ng mga hardinero, Civil and Sanitary Works na binubuo ng mga karpintero at tubero, at Mechanical and Electrical Works Office na nakatuon naman sa mga aspektong teknikal.
Nakapagtakda na rin ang administrasyon ng ilang mga health and sanitation protocol upang matugunan ang pangambang dulot ng pandemya. Paglalahad ni Maralit, kabilang dito ang karaniwang alituntunin tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, at mga personal na protective equipment. Dagdag pa rito, magtatalaga rin ng isang health and safety officer ang Pamantasan bilang paghahanda.
Gayunpaman, tinukoy rin ni Uy ang klasipikasyon ng mga imprastruktura. “Tiningnan din namin kung ano ang budget na kailangan natin para sustentuhan ito,” paniniguro niya bago isailalim ang mga proyekto sa operasyon.
Pagtugon sa kalidad ng edukasyon
Tiniyak din ni Uy na makaaambag ang mga proyektong pang-imprastruktura, hindi lamang sa pagpapaganda ng DLSU, kundi pati na rin sa kalidad ng edukasyong handog ng Pamantasan. Binigyang-diin ni Calleja ang kahalagahan ng maayos, makabago, at makabuluhang learning space sa usaping kalidad ng edukasyon.
“Sa kabila ng mga advantages ng isang learn from home o work from home setup, malinaw na hindi matutumbasan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga pisikal na klase kung titingnan mula sa punto ng pagkatuto at pakikipagkapwa,” saad ni Calleja.
Ibinahagi rin ni Calleja ang pagpapalawig ng teknolohiya sa mga pasilidad ng Pamantasan. “Lumalim ang kaalaman nating lahat pagdating sa mga online learning platforms sa panahon ng COVID,” paniniwala niyang malaki ang epekto ng pandemya sa larangan ng edukasyon.
Kaugnay nito, nabanggit din ni Calleja na isinasaalang-alang nila ang posibilidad ng panibagong adjustment period pagkatapos ng pandemya. Binigyang-diin niya ang kanilang pagpapahalaga sa pagbuo ng makabuluhang espasyo para sa mga Lasalyano upang matiyak ang kalidad ng edukasyon.
Samantala, ipinarating naman ni Uy na priyoridad nila ang paghahanda sa mga kalidad na learning material na gagamitin sa mga online na klase. “Hindi tayo kukuha sa iba, hindi ito YouTube lamang,” paglilinaw niya.
Paghubog sa makabagong Pamantasan
Inilarawan naman nina Calleja at Santos ang mga proyektong pang-imprastruktura sa kampus ng Laguna. Kabilang dito ang Shrine ni Saint John Baptist de La Salle, simbahan para sa mga Lasalyano at mga kalapit-bayan ng Biñan at Santa Rosa, at ang Saint Matthew’s Gymnasium, pasilidad na magagamit para sa mga klase ng Physical Education (PE) at para sa pag-eensayo ng mga atletang Lasalyano.
Kaugnay nito, nabanggit din ni Santos na ilalagay sa simbahan ang mga buto ni St. John Baptist De La Salle. Ibinahagi rin nilang natuldukan na ang pagsasaayos sa mga palaruan at drop-off sa Integrated School (IS) pati na rin ang renobasyon ng mga palikuran sa kampus ng Laguna.
Bukod dito, may mga natapos na ring mga proyekto sa kampus ng Laguna nitong nakaraang taon, tulad ng football arena, gazebo, parking lot, daanan sa football stadium patungo sa gusali ng Learning Center 1 (LC1), at nakumpuni na rin ang bubong sa gusali ng Milagros.
Sa kabilang banda, wala pang mga bagong proyektong nakabinbin sa kampus ng Manila sa kasalukuyan. Ayon kay Maralit, mas binigyang-tuon nila ang mahahalagang renobasyon na naumpisahan na nitong nakaraang taon. “Sa Manila, walang bagong gusali. Sa halip, mga renovations ng mga laboratories at upgrading ng ibang mga espasyo at repairs, waterproofing at retrofitting ng mga gusali,” saad niya.
Sa kabila nito, naniniwala naman si Uy na hindi magiging hadlang ang pandemya upang makamit ang pangarap para sa Pamantasan na mabigyan ito ng mga modernong gusali at pasilidad. Wika niya, “I always believe na we’re already catching up with the major universities in Asia. . . given that we have new realities and the pandemic gave us a catalyst for considering some of our dreams to come true.”