Muling pagtapak sa pedal: Pagtangkilik ng mga Pilipino sa pagbibisikleta ngayong may pandemya


Dibuho ni Nick Matthew Intatano

TUMATATAK sa alaala ang galak na nadarama ng mga Pilipino sa tuwing nakararating sa iba’t ibang lugar sa bansa gamit ang iba’t ibang uri ng sasakyan, ngunit, may kakaibang pakiramdam sa tuwing nararating ang kanilang nais puntahan gamit ang bisikleta. 

Sa kasalukuyang panahon, malaking hamon para sa nakararami ang pakikipagkita sa mga mahal sa buhay dahil sa mga patakarang inilatag ng pamahalaan alinsunod sa community quarantine. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagbibisikleta, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga mamamayan na makapiling ang kanilang mga kaibigan at kapamilya habang napananatili rin ang kanilang mabuting kalagayan at pangangatawan.

Unang pedal hanggang sa pagtagal

Tinatangkilik ng kabataan ang pagbibisikleta dahil nagsisilbi itong paglaya sa mga nakasanayang gawain tulad ng pagkalulong sa makabagong teknolohiya. “Sa kagustuhan ng mga magulang ko na hindi ako maadik sa computer games ay binilhan nila ako ng bisikleta,” pagbabahagi ni Sam Perez, isang estudyante ng BS/MS Electronics at Communications Engineering, sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP).

Sa kuwento naman ni Jethro Alejandro, miyembro ng La Salle Multisport, nagsimula siyang magbisikleta nang yayain siya ng kaniyang mga kaklase noong Grade 11. “Mountain bike pa gamit ko noon, . . . hanggang sa napunta na kung saan saan. May time na sumasali rin kami sa mga patimpalak tulad ng Shimano Dirt n Play, pati 711 Trail,” paglalahad niya sa APP.

Para naman sa isang propesyunal na siklista gaya ni Rustom Lim, malaking pagbabago sa kaniyang buhay ang naidulot ng pagbibisikleta. Sa murang edad, naranasan na ni Lim na magbanat ng buto bilang maglalako ng pandesal sa kanilang baryo gamit ang kaniyang bisikleta. Sa kaniyang pagtitiyaga sa pagbibisikleta, humantong siya sa pagkahumaling sa isport na ito. Kalaunan, nakuha siya bilang pambato ng Pilipinas sa larangan ng cycling at nagdala ito ng ginhawa sa buhay niya at ng kaniyang pamilya.

Benepisyong hatid ng pagbibisikleta

Nakatutulong ang pagbibisikleta hindi lamang sa pisikal na aspekto kundi maging sa mental at sosyal na kalusugan ng isang tao. Nagsisilbing daan din ito upang paunlarin ang disiplina sa pagkain at panatilihin ang malusog na pangangatawan para magkaroon ng sapat na lakas sa pagpadyak. Para kay Perez, nagkaroon ng magandang dulot ang pagbibisikleta niya dahil bukod sa pag-eehersisyo, nakakilala rin siya ng mga bagong kaibigan. 

“Sa pamamagitan ng pagbibisikleta ay nagkaroon ako ng pagkakataon makakilala ng iba’t ibang mga kapadyak. Nabigyan din ako ng oportunidad makasali sa iba’t ibang cycling groups kung saan dito pa mas napalawig ang abilidad kong makabisita at makadayo sa mga lugar na hindi ko pa napupuntahan,” aniya. 

Para naman kay Alejandro, nakatutulong ang pagbibisikleta sa kaniyang kalusugan dahil nalunasan nito ang kaniyang asthma. Dagdag pa niya, “. . .nakakapagpatanggal ng stress para sa akin ang pagbibisikleta lalo na tuwing masyado na bombarded sa workload sa acads. Minsan kailangan ko lang magbisikleta para ma-refresh nito ‘yung utak ko.”

Pagbibisikleta sa panahon ng pandemya

Muling nahilig sa pagbibisikleta ang maraming Pilipino simula nang magkaroon ng pandemya. Sa pagpapatupad ng social distancing at pagbabawas ng mga pampublikong sasakyan dahil sa new normal, naitulak ang mga Pilipino sa paghahanap ng bagong paraan upang makarating sa kanilang dapat paroonan. 

Bilang isang siklista, nais ni Alejandro na simulan ng mga kapwa niya estudyante at Lasalyano ang kanilang paglalakbay nang may sipag at lakas ng loob. “Ituloy niyo lang hanggat bata pa, dahil para sa kalusugan niyo rin yan,” sambit niya. Nagpaalala rin ang siklista na kailangang mag-ingat sa paglalakbay dahil sa mga disgrasyang maaaring kaharapin ng mga tulad niya: “Magsimula kayo sa malalapit hanggang sa makalayo na kayo at palaging mag-iingat sa daan.”

Para naman kay Perez, idiniin niyang hindi kailangan ng malaking pera para magsimula sa pagbibisikleta. Payo niya, “Mas mainam na magsimula sa mura, para hindi ganoon kalaki ang financial investment kung sakaling sila ay huminto.”    

Iba-iba ang dahilan ng pagsabak ng isang tao sa mundo ng pagbibisikleta. Ngayong muli na itong nagiging bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino, hindi maikakaila ang tulong nito lalo na ngayong kasagsagan ng pandemya. Hindi man ito madali, nagdadala naman ito ng kasiglahan at pag-asa sa mga tao habang hinaharap nila ang mga pagbabago at pagsubok na hatid ng bawat araw.