Matinding pangamba at panganib sa kanilang kaligtasan ang patuloy na kinahaharap ng mga nangunguna sa laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19). Kaakibat nito ang araw-araw na sakripisyo at serbisyo ng mga heathcare worker sa pagsasalba sa buhay ng mga may karamdaman. Gayunpaman, hanggang ngayon, patuloy na nangangalampag ang mga frontliner para sa paghingi ng karagdagang tulong mula sa pamahalaan.
Iniulat ng pamahalaan noong Oktubre ng nakaraang taon na umabot sa Php20.57 bilyong pondo ang inilaan para sa mga health-related COVID-19 response mula sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2. Sa inilabas na Senate Resolution No. 584 ni Senator Risa Hontiveros noong Disyembre, nasa 16,764 na health worker ang naitalang hindi pa nakatatanggap ng hazard pay.
Ayon naman sa Administrative Order No. 26 series of 2020 (AO26 s. 2020) ni Pangulong Rodrigo Duterte, ginagawaran ng kapangyarihan ang mga ahensya ng pamahalaan na magbigay ng COVID-19 hazard pay sa mga empleyadong naglilingkod habang sumasailalim sa Enhanced Community Quarantine ang isang lugar. Parehas na kapangyarihan din ang ibinibigay sa mga korporasyong pagmamay-ari ng gobyerno. Makatatanggap ang mga public health worker, mga public social worker, science and technology personnel, pati na rin ang military and uniformed personnel ng karagdagang Php500 sa kada araw ng pagtatrabaho sa ilalim ng quarantine period.
Pondo para sa dagdag na benepisyo ng mga frontliner
Ayon sa Department of Health (DOH), naglaan ang pamahalaan ng Php842 milyon para sa hazard pay ng 86,348 medical frontliner sa bansa. Sa ilalim ng Administrative Order No. 35 at 36, makatatanggap umano ang mga healthcare worker ng karagdagang Php3,000 kada buwan ng serbisyo, at karagdagang COVID-19 special risk allowance na hindi lalagpas sa Php5,000 kada buwan.
Subalit, ibinalita noong Nobyembre na lagpas 16,000 health worker ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang benepisyo. “The reason for this is there is no more funding,” pagpapaliwanag ni Senador Pia Cayetano sa panayam ng ABS-CBN News.
Naging kontrobersyal naman ang balitang may mga healthcare worker sa National Capital Region ang hindi naisama sa listahan ng makatatanggap ng hazard pay. Naging usap-usapan ito matapos makatanggap ng ulat na binigyan lamang sila ng isang araw upang makapagpasa ng mga kinakailangang dokumento.
Sa huling anunsyo ng DOH Center for Health Development (CHD) noong Disyembre ng nakaraang taon, iniusog sa ika-11 ng nasabing buwan ang petsa ng pagpasa ng mga dokumento para sa mga tatanggap ng hazard pay—mas matagal nang dalawang araw kumpara sa unang itinakdang pagpasa. Tugon ng CHD, napagkasunduan ito matapos ang kanilang diyalogo kasama ang mga union leader ng mga healthcare worker at ang Hospital Industry Tripartite Council, na pinamunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Angkop na benepisyo at sahod sa pagkayod
Lubhang naapektuhan ng mabagal na pamamahagi ng COVID-19 hazard pay at special risk allowance ang mga frontliner sa Philippine General Hospital (PGH). Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Anwar Jangaraza, staff nurse mula sa nasabing ospital, ibinahagi niyang ngayong buwan lamang niya natanggap ang kaniyang COVID-19 hazard pay para sa unang bahagi ng taong 2020. Bunsod nito, nanawagan siya sa pamahalaan para sa mas maagang pamamahagi ng hazard pay. Sa ganitong paraan, mararamdaman umano nila na pinahahalagahan sila ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, pinagkakasya ni Jangaraza ang kaniyang sahod na hindi bababa sa Php24,000 hanggang Php30,000 kada buwan, habang hinihintay pa rin ang kalahati pa ng kaniyang benepisyo. Aniya, “Malaking tulong ang COVID hazard pay sa amin lalo na at marami sa aming hanay ang mga may pamilya na sinusuportahan.” Sapat lamang umano ang kaniyang sahod para sa pang-araw-araw na gastusin at makatutulong ang dagdag na benepisyong ito para sa kaniyang pamilya.
Bukod sa benepisyong natatanggap, hangad din ni Jangaraza ang mas maayos na healthcare system upang maging mas mabilis ang pagtugon nito sa mga nangangailangan lalo na ngayong may pandemya. Hiling niya, “Sana ay mas mapaglaanan pa ng atensyon ng gobyerno ang ating healthcare system [at] magkaroon pa tayo ng mas magagandang pasilidad.” Naniniwala rin si Jangaraza na dadami ang bilang ng mga health professional sa bansa kung maglalaan ang pamahalaan ng mas malaking pondo at kung maibibigay nang tama ang mga benepisyo ng mga pampublikong manggagawa.
Pagsasaayos sa batas at implementasyon nito
Kaisa ang All University of the Philippines Workers Union (AUPWU) sa panawagan ng mga frontliner ukol sa COVID-19 hazard pay. Matatandaang nagsagawa ng protesta ang nasabing grupo noong Nobyembre ng nakaraang taon dahil sa pagkaudlot ng ipinangako ng gobyerno na hazard pay at special risk allowance ng mga healthcare worker noong Marso hanggang Mayo.
Sa panayam ng APP kay AUPWU Public Relations Officer Jossel Ebesate, isinaad niyang naipamahagi na ang hazard pay sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 1. Subalit, wala pa umanong natatanggap ang mga empleyado ng PGH sa ilalim ng Bayanihan 2. Aniya, Setyembre hanggang Disyembre ang sakop ng ikalawang batas ngunit dumadaan pa ito sa accounting department ng nasabing ospital.
Ibinahagi rin niyang nagkakaroon ng pagkaantala sa pamimigay ng hazard pay dahil hindi umano malinaw kung sino ang kwalipikadong makatanggap sa ilalim ng Bayanihan 2. “Nakalagay sa batas na direct and indirect ay dapat mabigyan pero sa pagpapatupad nito, karamihan sa mga administrador—ang kanilang binibigyan lang ay iyong mga healthworkers na direktang nag-aalaga sa mga pasyenteng may COVID,” wika ni Ebesate.
Dagdag pa niya, nararapat na bigyan ang lahat ng mga empleyado at hindi lamang ang mga healthcare worker na direktang nag-aalaga ng mga pasyenteng nagpositibo sa sakit, dahil maaari pa ring mahawa sa nasabing sakit ang mga hindi direktang nag-aalaga ng mga pasyente.
Lubos din umanong nakaapekto sa mga healthcare worker ang pagkaantalang ito sapagkat inasahan nila ito lalo na noong nagdaang holiday season. Bunsod nito, nanawagan si Ebesate sa pamahalaan na bigyang-linaw ang nakasaad sa batas at isaayos ang pagpapatupad at pagbabantay sa pamamahagi ng dagdag na benepisyong ito. “. . . Hindi iyong kailangan pa mag-rally para lang ma-realize nila na meron pala silang hindi pa nai-release na mga pondo—hindi pa nabigay,” ani Ebesate.
Sa kabilang dako, binigyang-linaw naman ni DOLE Assistant Secretary Ma. Teresita S. Cucueco sa APP na hindi nakasaad sa Labor Code of the Philippines ang tungkol sa COVID-19 hazard pay. Nakalaan lamang ang AO26 s. 2020 para sa mga pampublikong empleyado at hindi rin umano kinakailangan ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo sa pribadong sektor at may karapatan silang magdesisyon kung magbibigay sila ng katulad na benepisyo.
Bagamat walang kasiguraduhan ang kaligtasan ng mga frontliner sa banta ng pandemya, patuloy pa rin ang kanilang serbisyo para sa kaligtasan ng kalusugan ng mamamayang Pilipino. Kung mapabibilis at maisasaayos ang sistema, malaking tulong ang maibibigay nito sa mga makabagong bayani. Munting mungkahi lamang nila ang mas maayos na implementasyon ng batas nang maibahagi ang benepisyo sa wastong paraan.