Pagsibol ng buhay sa gitna ng pandemya


Dibuho ni Bien Visaya

Pawis na pawis at namimilipit sa kirot, damang-dama ang hirap ng pagluluwal ng buhay. Napaliligiran ng mga taong naka-asul na maskara; ni hindi man lang makasulyap ng isang ngiting bahagyang papawi sana sa sakit. Mangiyak-ngiyak, ngunit tuloy lamang sa pagsigaw hanggang sa marinig ang unang uwang nagtatakda ng panibagong buhay. Tila pinapawi ng munting tinig ang lahat ng pagod at sakit, at unti-unting napapalitan ng ngiti ang mga sigaw ng hinagpis.

Kasabay ng panganganak ang mistulang pagsilang sa panibagong mundo para sa ina. Tila may hiwagang dala ang supling at unti-unting nasasapawan ng ligaya’t pagmamahal ang lahat ng pait ng mundo. Makaharap man ang mga pangambang hatid ng pandemya, pansamantalang nalilimutan ito sa tuwing masisilayan ang kaniyang munting ngiti. Kaya naman, wala mang kasiguraduhan ang kasalukuyang mundo, patuloy pa ring magsusumikap at aasang sa hinaharap, mas ligtas at maayos nang mundo ang makagigisnan ng sanggol na tinuturing na biyaya.

Biyayang handog ng nagbagong mundo 

Nobyembre 2019—panahong normal pang namumuhay ang lahat nang natuklasan ni Anna*, 20 taong gulang, ang kaniyang pagdadalang-tao. Dahil sa murang edad, hindi maikukubling nakaramdam siya ng pangamba sa pagiging isang batang-ina lalo na’t hindi pa siya nakapagtatapos ng hayskul. Sa panayam sa kaniya ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi niya ang kaniyang naging takot sa pagpapabatid sa kaniyang mga magulang ukol sa kaniyang pagdadalang-tao. “Lagi sakin sinasabi ng aking nanay na once na nabuntis ako, automatic na palalayasin nila ako. Pero dahil mabait [ang] mga magulang ko, tinanggap naman nila ang aking pagdadalang-tao,” aniya. 

Ipinagpapasalamat naman ni Anna sa Diyos ang kaniyang normal na panganganak sa gitna ng pandemya. Subalit, hindi man naging maselan ang kaniyang pagdadalang-tao, naramdaman din ni Anna ang karaniwang iniinda ng mga buntis—pagkahilo, pagsusuka, at pananabik sa mga espesipikong pagkain. Pagsasalaysay niya sa APP, “Doon ako nahirapan, lalo noong tumungtong na ko ng 8 months. Hirap na ko makatulog ‘non dahil sa tiyan ko. Palagi akong gutom.” 

Dahil sa paglaganap ng COVID-19, isa sa mga bilin ng kaniyang doktor na huwag masyadong maglalalabas lalo’t kapag hindi naman importante. Pinakamahalaga rin ang pagpapanatiling malakas ng kaniyang resistensya sapagkat dalawang buhay ang nakasalalay rito. Pagbabahagi ni Anna, “kumakain ako ng prutas at gulay at tinetake ko [yung] vitamins para makasigurado ako na healthy ako palagi.” Sa lumalalang sitwasyon ng bansa, nananatili itong mahalagang payo para mapangalagaan ang dalawang buhay mula sa banta ng pandemya.

Mundong nakaabang sa pagsilang 

Iba’t ibang pagsubok ang hinarap ni Anna sa kaniyang pagdadalang-tao sa kasagsagan ng pandemya. Bukod sa disiplinang kaakibat ng pagbubuntis, dumagdag pa ang paghihigpit mula sa ipinatupad na quarantine. “Dahil sa pandemya, siguro mga 3 buwan bago ako nagpacheck-up. Incomplete pa dati mga vitamins ko nung 5th month ko dahil ‘di makalabas dala ng ECQ pa ang Maynila noon,” paliwanag ni Anna. Iba’t ibang doktor ang kaniyang dinayo upang masigurong nasa mabuting kalagayan ang anak hanggang sa isilang ito. Naging magastos din ang papunta’t pabalik sa ospital dahil sa kakulangan ng bumabiyaheng dyip. Gayunpaman, masuwerte na ring maituturing dahil hindi kalayuan ang ospital sa kaniyang tinutuluyan.

Hindi rin pinabayaan ng mundo si Anna sa kabila ng suliraning pinansyal na hinarap nila. Bukod sa walang trabaho, nasa ikalawang taon pa lamang ng kolehiyo ang kasintahan, samantalang ipinagpapatuloy pa rin ni Anna ang kaniyang pag-aaral bilang isang estudyanteng nasa huling taon na ng senior high school. Sa kabutihang palad, suportado sila ng pamilya ng magkabilang-panig pagdating sa sustento, kaya naman nag-aabot din ang kaniyang biyenan ng panggastos para sa gatas at diaper. 

Laking pagpapasalamat din ni Anna sa lubusang paggabay ng sariling ina sa pagpapalaki ng kaniyang anak. Bagamat hindi rin mabuti ang kalagayan ng kaniyang mental health noong nagbubuntis siya, nadama niya ang ginhawa mula sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Sila ang nagsisilbing haligi ni Anna, isang inang handa sa anomang hamong nag-aabang sa kaniya at sa anak. 

Kinabukasang nais masilayan

May mithiin ang lahat ng tao—mga hangaring pinagsisikapan upang marating. Madalas, matinding hirap at sakripisyo ang ginugugol upang makamtan ito. Subalit para sa isang inang kagaya ni Anna, hindi na pansarili ang kaniyang mga layon. 

Pagsasalaysay niya, simple lamang ang kaniyang hangarin sa kasalukuyan: una, makapagtapos sila ng pag-aaral ng kaniyang kasintahan upang mabigyan nila ng magandang kinabukasan ang kanilang anak, at pangalawa, mapanatiling buo ang kanilang pamilya. Wala na umanong ibang hiling si Anna kundi masiguro ang magandang buhay para sa anak; inaalay ang lahat para sa kaniya. 

Sa araw-araw na pagmulat ng mata ng isang ina, maraming sumasagi sa kaniyang isipan—mga katanungang hindi para sa sarili kundi para sa anak na inaaruga. Muli’t muli at lagi’t laging maghahangad ng maayos na kinabukasan para sa kaniya. Pagod man ang isang ina sa araw-araw na kalbaryo ng buhay, sapat na ang masilayan ang mga mata ng supling na pinagkukuhanan ng lakas. Sa mga oras na pinanghihinaan ng loob, pipiliin pa rin ang pagpapatuloy upang masigurong masaya at maginhawa ang buhay na kagigisnan ng minamahal na biyaya.

*hindi niya tunay na pangalan