HINIMAY ang kalagayan at kahalagahan ng malayang pamamahayag sa pambansang antas sa isinagawang State of the Campus Press Forum na pinangunahan ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), Pebrero 17. Layunin nitong mapagkaisa ang iba’t ibang pahayagang pangkampus upang maibahagi ang mga karanasan at kuwento ng pakikibaka sa kabila ng nararanasang paniniil sa malayang pamamahayag.
Banta sa malayang pamamahayag
Iniulat ni Grecian Asoy ng CEGP-Southern Mindanao Region ang mga naitalang abuso sa malayang pamamahayag sa kasalukuyang panahon. Nagiging biktima umano ng red-tagging, troll attacks, at censorship ang karamihan sa mga midya at publikasyong nagpapahayag ng mga balitang taliwas sa nais na naratibo ng pamahalaan.
Ayon kay Asoy, umaabot na ang problema ng red-tagging sa pagkakaroon ng media blackout noong tinugis ng kapulisan ang mga Lumad sa isang simbahan sa Davao City. Sa kabila ng kawalan ng ebidensya nito, ipinipilit ng pamahalaang tinuturuan umano ng terorismo ang kabataang Lumad.
Tinalakay naman ni Claire Obejas, Vice President ng CEGP-Visayas, ang mga isyu sa malayang pananalita sa panahon ng pandemya. Ipinakita ni Obejas ang House Bill No. 319 o Campus Press Freedom Bill, ang panukalang binuo ng CEGP at Kabataan Partylist, na naglalayong paigtingin ang karapatan ng mga mamamahayag sa bansa.
Ibinahagi naman ni Philip Jamilla, Public Information Officer ng Karapatan, ang tatlong laganap na isyu ukol sa karapatang pantao sa Pilipinas: ang madugong laban kontra ipinagbabawal na droga, ang mga atake sa midya at kalayaan sa pagpapahayag, at ang militarisasyon at counter-insurgency. Bunsod nito, iginiit ni Jamilla na “What we are facing right now is none other than a de facto martial law crisis.”
Hinimok ni Jamilla ang mga estudyanteng mamamayahag na hindi lamang malayang pamamahayag ang kailangang bigyang-pansin dahil malaki rin umano ang gampanin ng mga mamamahayag sa pagprotekta sa karapatang pantao.
Pagtatanggol sa kalayaan ng mga estudyanteng mamamahayag
Tinalakay naman ni Dr. Gerardo Lanuza, chair ng CONTEND-UP at propesor ng sociology sa UP Diliman, ang kaniyang tindig sa akademikong kalayaan. Aniya, “I think the root cause of this attack on academic freedom is not basically academic, it’s political; it’s the product of mccarthyism, witch hunting, anti-communist hysteria, at saka red scare.”
Inilahad ni Lanuza na nagiging aktibista ang isang tao dahil sa masa, at hindi dahil sa kaniyang edukasyon. Paliwanag niya, ang mga engkuwentro ng mga mamamahayag sa mga magsasaka, sa mga manggagawa, o sa kababaihan na pinagsamantalahan ng mga militar ang nagtulak sa kanila na magkaroon ng kritikal na pag-iisip.
Sa pagtatapos ng kaniyang talakayan, sumang-ayon si Lanuza sa mga naunang tagapagsalita na mahalaga ang pagiging aktibista lalo na sa panahon ng pandemya. Giit niya, “This is a time that is so terrifying, but this is also the most exciting time to be an activist. So, huwag matakot makibaka.”
Tungkulin bilang mamamahayag at mag-aaral
Naniniwala si Prestoline Suyat, dating CEGP national president, na patuloy ang paniniil ng kasalukuyang administrasyon sa malayang pamamahayag na nakikita sa matinding pamumuna at panggigipit na nararanasan ng mga paaralan at alagad ng midya. Ilan sa inilahad niyang patunay nito ang pagpatay, pag-atake, pagbabanta, at paninira sa mga mamamahayag, lalo na ang pagpapasara sa ABS-CBN.
Paliwanag niya, “Nakakatanggap [sila] ng harassment dahil sa tungkuling maglahad ng katototohanan since. . . The first obligation of a journalist is to tell the truth.” Nilinaw niyang karapatan ang pagkakaroon ng kalayaan sa pamamahayag ng katotohanan at maituturing na panunupil ang paglabag dito.
Ipinaliwanag niyang mahalaga ang tungkulin ng mga mamamahayag na alamin ang katotohanan at suriin ang mga nakalap na datos bago ibahagi sa mga mamamayan. Kaugnay nito, binigyang-diin niyang malaki ang gampanin ng masa sa patuloy na pagbibigay-serbisyo ng midya sa kabila ng panunupil na nararanasan nito.
Hinikayat naman ni Kabataan Partylist representative Sarah Elago ang lahat ng dumalo na manawagan sa Committee on Higher and Technical Education na ilunsad ang pagpupulong ng Technical Working Group upang palakasin ang pamamahayag pangkampus at matiyak ang kasarinlan ng mga publikasyon. “Dapat na itong bigyang priyoridad ng Komite dahil sa mga tumitindi ring banta at atake sa mga mamamahayag pangkampus,” aniya.
Nanawagan si Elago sa madla na magkaisa upang malabanan ang panunupil at panagutin ang kasalukuyang administrasyon sa paniniil nito. Pagdidiin niya, “Ihayag, itambol, at isulong ang mga panawagan. . . para sa tuloy-tuloy na ayuda, bakuna, ligtas na muling pagbubukas ng mga paaralan, trabaho, at kabuhayan. Hindi terror law, hindi charter change.”
Sa kabila ng patuloy na pagtuligsa sa iba’t ibang anyo ng karapatang pantao, nararapat lamang na magkaisa ang lahat at tumindig sa laban ng sambayanang Pilipino upang maitaguyod ang tunay na panlipunang pagbabago. Pagtatapos ni Regine Arninio, CEGP national secretariat, “Patuloy po tayo sa pagsulong, pagsulat, paninindigan, at pagmulat.”