Mabagsik na pagbabalik: La Salle Multisport, muling magpapasiklab ngayong 2021!


Likha ni Heather Lazier

SUMABAK na ang koponan ng La Salle Multisport sa muling pag-eensayo bilang paghahanda para sa mga nalalapit na kompetisyong inaasahang magaganap ngayong 2021. Puspusan ang preparasyong isinagawa ng koponan sa pagnanais na masigurong ligtas ang kanilang kalusugan at masunod ang panawagan ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. 

Pusong Lasalyano, hindi nagpapatinag

Labis ang paghahandang isinasagawa nina Triathlon Team Vice Captain Isaac Armedilla at ace cyclist Jethro Alejandro sa pamamagitan ng araw-araw na pag-eensayo at pagkain nang katamtaman dahil nalalapit na ang pinakainaabangan nilang kompetisyon. Magaganap ang una nilang kompetisyong Clark Enduro Race sa Clark, Pampanga sa darating na Marso 7 ng taong ito. 

Hindi alintana sa pag-eensayo ng mga atleta ng La Salle Multisport ang pagkansela sa on-campus trainings dulot ng panganib ng pandemya. Sa katunayan, pinaigting ng mga manlalaro ang kanilang husay at dedikasyon sa pagsasanay para sa mga inaasahang patimpalak ngayong taon. “. . . Simula [pa noong] nag-lockdown hanggang ngayon, tuloy-tuloy pa rin ‘yung pag-ensayo ko,” pahayag ni Alejandro sa Ang Pahayagang Plaridel (APP).

Napanatili naman ang hubog at sigla ng pangangatawan ni Armedilla sa kasagsagan ng pandemya sa pamamagitan ng araw-araw na pag-eensayo. Sinisiguro rin niyang mayroon siyang sapat na oras sa pagtulog upang maging maganda ang kondisyon ng pangangatawan. 

Samantala, mayroon namang sistemang sinusundan si Alejandro upang masigurong malusog ang kaniyang pangangatawan. “. . . Gumagawa ako ng core at strength workouts pati na rin ‘yung conditioning exercises sa umaga o hindi kaya sa hapon,” sambit niya.

Nagkaroon ng determinasyong magpalakas si Alejandro para sa kompetisyong FastTwitch Enduro Duathlon na sasalihan ng buong koponan. Bunsod nito, labis ang kaniyang paghahanda upang mapasakamay ng Taft-based squad ang tagumpay. “. . . Lahat ng races last year ay na-cancel eh, kaya karamihan rin ng mga atleta ngayon ay sabik na ulit mag-ensayo para makapag-race na sila ulit,” wika niya. 

Puhunan sa panibagong yugto 

Maraming inihanda ang mga coach ng La Salle Multisport upang masigurong ligtas at nasa tamang kondisyon ang mga atleta bago sumabak sa muling pag-eensayo. “Nagsimula ulit ‘yung training namin sa base level kung saan magsisimula muna kami ulit sa easy at light loads ng workouts. More on aerobic-based din ‘yung workouts para mabalik ‘yung condition ng katawan pati na rin ‘yung muscle memory,” paliwanag ni Alejandro.

Ayon sa siklista, sinisiguro muna niya ang bigat ng kaniyang mga gawain sa Pamantasan upang mabalanse ang pag-eensayo at pag-aaral. Tinigil na rin niya ang pagpupuyat at binawasan ang paglalaro ng online games. Bukod dito, mahalaga rin para sa kaniyang magkaroon ng malinaw na layunin at motibasyon sa pagbabalik-ensayo upang maging mas madali ang takbo ng kaniyang karera. 

Sa kabila ng pangambang dulot ng pandemya, sinisiguro rin ng koponang masusunod ang health and safety protocols na inilatag ng gobyerno sa pagsasagawa ng mga ensayo. Kasama na rito ang pagsuot ng face mask, pagdala ng alcohol, at pagsunod sa social distancing habang nag-eensayo. 

Bagong taon, hudyat ng pagbangon 

Itinuturing na hudyat ang bagong taon sa pagbubukas ng panibagong kabanata para sa mga atleta ng La Salle Multisport. Matapos ang pagsubok na bitbit ng nakaraang taon para sa larangan ng isports, tila abala ang mga atleta ngayong taon upang maghanda para sa iba’t ibang kompetisyong isasagawa sa new normal. 

Sa kabila ng mga pagsubok, kasabay ng pagbukas ng taon ang pagdating ng mga oportunidad upang makabangon ang mga atleta. Bakas din ang hangarin nilang maiukit ang pangalan ng Pamantasang De La Salle sa larangan ng triathlon, “Abangan [ng mga Lasalyano] ang muling pagbangon ng La Salle Multisport sa larangan ng Triathlon. Makakaasa sila na mag-uuwi kami ng maraming karangalan sa bawat kompetisyon na magaganap at aming masasalihan,” ani Armedilla. 

Sa pagsalubong ng bagong taon, baon ng mga atleta ang resolusyong masuklian ang umaapaw na suporta ng pamayanang Lasalyano sa La Salle Multisport. Nangingibabaw ang taos-puso nilang pasasalamat sa pamantasang humubog sa kanila. 

“Maraming salamat din sa pamayanang Lasalyano na tumututok sa aming paglalakbay at walang-sawang pagsubaybay sa amin. Asahan niyo po na gagawin naming ang lahat ng amin makakaya para sa Pamantasang De La Salle,” pagtatapos ni Alejandro.