SinoVac-o para pigilan ka?


Nakatatawang isiping sa isang suliraning malinaw na serbisyong medikal ang sagot, patuloy na ipinipilit ng administrasyong ito na pulitika ang solusyon. Mag-iisang taon na mula nang unang kumalat ang Coronavirus disease (COVID-19) sa bansa ngunit magpahanggang ngayon, priyoridad pa rin ng administrasyong Duterte ang relasyon ng Pilipinas sa Tsina kaysa kaligtasan ng sarili nitong mamamayan. Hanggang sa pagpili nga ng bakuna, una pa rin ang Tsina.

Hindi naman sa hinuhusgahan ko kaagad ang Corona vaccine ng kumpanyang Sinovac Biotech dahil lamang galing ito sa Tsina, ngunit kung titingnan ang datos, higit na mababa ang efficacy rate ng vaccine na ito kung ikokompara sa iba pang mga kakumpetensiya nito kagaya ng Pfizer, Moderna, Astrazeneca, at Cansino.

Nakapagtataka ring ito ang unang naging opsyon ng pamahalaan gayong mas mataas ang presyong iniaalok nito kaysa Pfizer na kasalukuyang nangunguna sa listahan ng mga potensyal na bakuna kontra COVID-19. Bukod pa riyan, Pfizer din ang kauna-unahang COVID-19 vaccine na binigyan ng pahintulot ng Food and Drug Administration (FDA) na magamit sa oras ng matinding pangangailangan.

Kaya ang tanong, bakit ipinipilit ng pamahalaan ang pagbili ng SinoVac gayong malinaw na kulang na kulang ito sa mga pangunahing salik na dapat isaalang-alang sa paggamit ng bakuna? 

Sa simula pa lamang, malinaw na kaalyado ng bansang Tsina ang kasalukuyang administrasyon partikular sa mga pakay at plano nito lalo na sa usapin ng ekonomiya. Nasulyapan din ng mga Pilipino ang ‘di-mabilang-bilang na pagkakataong pinanigan ng gobyerno ang Tsina sa isyu ng West Philippine Sea at ilegal na pananatili ng Chinese POGO workers sa bansa na isang malaking banta sa usapin ng kaligtasan at seguridad ng mga Pilipino.

Sa dami ng mga ganitong pangyayari sa loob ng ilang taong panunungkulan ni Duterte, hindi pa ba sapat na dahilan ang mga ito upang pagdudahan din ang pakay ng gobyerno sa pagpili ng SinoVac? Kung ganoon, masyado na yata tayong nakakampante sa mga pagkukulang ng administrasyong ito na pati ang mga sarili nating kalagayan, naitataya na rin natin.

Dapat nating tandaan na hindi natin kailanman utang na loob sa pamahalaan ang mga serbisyo at tulong na ibinibigay o ibibigay nila sa atin. Madalas kasi nating nakalilimutan na tayo mismo ang mga naghalal at pumili sa kanila upang pagsilbihan tayo, at tayo rin mismo ang may kapangyarihang bawiin ito at ibigay sa ibang mas nararapat para sa puwestong ito. Masyado tayong nabubulag ng mga salita at pangakong paulit-ulit namang napapako.

Kung tunay na pinahahalagahan ng administrasyong ito ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino, hinding-hindi magiging sapat sa kanila ang sapat na. Bilang mga tagapaglingkod ng masa, layunin at responsibilidad nilang ibigay sa atin ang serbisyong nararapat at makabubuti para sa lahat, hindi ang ikasasama pa ng mga ito. Hindi pulitika ang dapat pairalin sa pagkakataong ito, bagkus, dapat tingnan ang totoong solusyon upang hindi na maulit pa ang mga baluktot na desisyong kabuktutan lamang ang naidudulot.