Naitala ng Department of Health (DOH), sa tulong ng Philippine Genome Center (PGC), ang pinakaunang kaso ng UK variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa nitong Enero 7, sa isang Pilipino na umuwi mula sa isang business trip sa United Arab Emirates. Nitong Enero 22 naman, naitala ng DOH ang 16 na karagdagang kaso ng nasabing variant, kabilang ang 12 panibagong kasong nadiskubre sa Bontoc, Mountain Province.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng panibagong variant, binuo ng DOH at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang isang technical working group, na tinawag na Task Force C-19 Variant, upang sumubaybay at umusisa sa nasabing variant. Ayon sa IATF-EID at kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pinamumunuan ito ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Nagbabagong mukha ng COVID-19
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Dr. Jaime Montoya, executive director ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) at co-chairman ng bagong task force, ipinaliwanag niyang naiiba ang bagong variant ng COVID-19 sa kasalukuyang variant dahil sa pagkakaroon nito ng lineage B.1.1.7. Dagdag niya, nagkaroon ng 23 mutation ang variant kompara sa orihinal na strain mula Wuhan, China.
Ani Montoya, “Meron pa siyang deletion sa 69 to 70 amino acid region na pwedeng mag-impluensiya sa immune response ng pasyente. Nakita din na mga 60% o mahigit pa na nagcirculate sa UK ngayon ay itong B.1.1.7 variant.”
Iginiit naman ni Montoya na mahalaga ang gampanin ng mga miyembro ng DOH at DOST sa binuong task force. Binigyang-diin niyang nararapat na gamitin ang agham upang matulungan ang DOH at malaman ang tamang paraan ng pagsugpo sa COVID-19. Katuwang naman ng DOST ang PGC sa pagsasagawa ng mga pananaliksik tungkol sa nasabing sakit. Isa na rito ang proyektong Biosurveillance of COVID-19 in the Philippines through Whole Genome Sequencing of SARS-CoV-2 from Patients. Malaking tulong umano ang genome sequencing upang makita ang bagong variant.
Kaugnay nito, wala pang mga pag-aaral ang nagpapatunay na mas nakamamatay ang panibagong variant kompara sa kasalukuyang variant. Subalit, mayroong posibilidad na mapahihina ng panibagong strain na ito ang kasalukuyang strain ng COVID-19.
Sa isang panayam naman ng CNN Philippines, buong pagtitiwalang ibinahagi ni Dr. Marissa Alejandria na sa gitna ng paglaganap ng bagong strain, epektibo umano ang mga bakunang kasalukuyang ipinamamahagi. Inihayag niyang mahalagang mabantayan ang mga pagbabago sa virus at ang epekto ng bakuna kontra COVID-19 sa mga tao.
“Current vaccines of the vaccine target several parts of the virus protein. We do not expect that the vaccines will not work. It will take several mutations for the vaccines to really not work. This will entail really monitoring the behavior of the virus and also monitoring the outcomes among those who have received the vaccine,” dagdag ni Alejandria.
Hakbang laban sa bagong variant
Sa kaniyang panayam sa APP, ibinahagi ni Dr. Cyrilla Ann Julian Ulep, Medical Officer III ng DOH-Health Regulation Team, na binuo ang Task Force C-19 Variant upang bantayan, pag-aralan, at tukuyin ang bagong strain ng COVID-19 sa bansa.
“Kasama na rin sa mandato ng nasa task force na ito na magbigay ng mga rekomendasyon sa IATF or yung Inter-Agency Task Force pagdating sa mga polisiya upang matugunan ang anumang variants of concern,” paliwanag ni Ulep.
Binanggit din niyang mahigpit na ipatutupad ng DOH ang Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) Strategy upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 at ng bagong variant nito. Bahagi umano ng Prevent component ng PDITR ang paghihigpit ng travel restrictions sa mga bansang nakitaan at napatunayang mayroong bagong strain ng COVID-19.
Sa aspektong Detect component ng nasabing estratehiya, kinakailangang sumailalim sa RT-PCR test ang mga pasaherong manggagaling sa mga restricted area. Isasailalim naman sa genome sequencing ang mga swab sample ng nagpositibo sa COVID-19 upang matukoy kung posibleng carrier sila ng bagong strain. Bilang pag-iingat, isasailalim din sa 14 na araw ng quarantine ang mga pasaherong nagnegatibo sa RT-PCR test.
Dagdag pa rito, isasailalim din sa genome sequencing ang mga swab sample mula sa mga komunidad na makapagtatala ng biglaang pagdami ng mga kaso ng COVID-19. Gagamitin umano ito upang malaman ang sanhi ng pagdami ng kaso at upang makumpirma kung mayroon bang bagong variant ng COVID-19 na madidiskubre sa bansa.
Hinikayat din ni Ulep ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19. Sa tulong umano ng pagbabakuna, maaaring makabuo ng herd immunity na makapagpapabagal sa pagkalat ng virus. “‘Pag 60-70% [ng populasyon] ang nabakunahan, ma-achieve na natin yung herd immunity. For example, may isang taong hindi nabakunahan, protektado siya from COVID-19 dahil sa dami ng mga nakapaligid sa kaniya na nabakunahan na,” pagdidiin ni Ulep.
Sa kabila ng banta ng pagkakaroon ng mas mataas na reproduction rate ng UK variant ng COVID-19, ipinaalam ni Ulep sa APP na walang isasagawang pagbabago ang DOH sa itinalagang minimum health protocols. “Dahil yung mode of transmission pa rin naman ay droplet transmission, majority, sa ngayon ay hindi pa naman po binabago ang mga minimum health standards pero oras po na magkaroon tayo ng mga mas marami pang pag-aaral, both sa labas, internationally or locally, ang Department of Health naman po ay magbibigay ng abiso,” paliwanag ni Ulep.
Bagamat patuloy ang pagsisikap na mapag-aralan ang bagong strain, puspusan ang pagpapaalala ng mga eksperto na paigtingin at patuloy na siguruhing nasusunod ang mga minimum health protocol upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Sa bisa ng isang kongkreto at malinaw na solusyon ng mga ahensya ng pamahalaan, kasama ng pakikiisa ng sambayanan, malalagpasan ng bansa ang peligrong dala ng COVID-19.