Sa sandaling subukang intindihin ang buhay ng kababaihan, hindi maiiwasan ang ganitong paglalarawan: mabigat ang kanilang bawat hakbang at mahamog ang tinatahak na daan—tila ba dapat munang makiramdam bago makarating sa nais puntahan. Minsan, makauusad ng isang hakbang, ngunit babalik din nang dalawa. May mga pagkakataon namang nawawala nang pansamantala ang hamog, ngunit hangga’t malamig at tila walang pakialam ang kapaligiran, lilitaw at lilitaw itong muli.
Mula sa paniniwalang dapat lamang silang manatili sa bahay—ipagluto ang kanilang mga anak, hilutin ang mga balikat ng kanilang asawa, linisin ang bawat sulok ng tahanang humahadlang sa kanilang pag-unlad—hanggang sa maliliit na bagay gaya ng pagbabawal sa kanilang magsuot ng maikling kasuotan sapagkat hindi ito naaangkop sa kanilang kasarian, kapansin-pansin ang opresyong hinaharap ng kababaihan; ang patriyarka sa lipunang ating ginagalawan.
Subukan mang pabilisin ang proseso ng pagtanggap sa kababaihan bilang kapantay ng kalalakihan at iparating ang kahalagahan ng pag-alam sa opresyong laganap sa lipunan, hindi pa rin maipagkakailang mahaba pa ang laban at maaaring marami-rami pang pangarap ang mahahadlangan. Gayunpaman, may kalalakihan nang nagiging kasangga ng kababaihan sa nasabing laban; silang mga mulat sa katotohanan at kumikilos upang panatilihin ang kaayusan ng daang tahak ng kababaihan. Sa pag-intindi sa naging proseso ng kanilang pagkatuto, ano nga ba ang mga sentimyento ng kalalakihang kaisa sa paglaban sa patriyarka?
Sa mga mata ng mga kasangga
Madaling mabuo ang paniniwala ng isang tao depende sa mga turo at ideolohiyang itinatanim sa kaniya ng mga taong kaniyang nakasasalamuha. Marami-rami nang naniniwalang dapat pareho ang karapatan at mga pribilehiyong natatamasa ng kababaihan at kalalakihan. Ngunit, malayo pang maging ganap ito dahil sa mga ideolohiyang nakakintal sa kaisipan ng mga Pilipino. Mahirap nga namang bungkalin ang isang bagay na matagal nang nakatanim sa isip ng tao.
Sa pagkamulat nina Dominic Narag at Exekiel Yap, mga estudyante ng Pamantasang De La Salle (DLSU), nakita nila ang mga maling naidudulot ng patriyarka: hindi gaanong binibigyang-halaga ang potensyal ng kababaihan at inaabuso rin sila sa ilalim ng sistema. Sa naging panayam sa kanila ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi nina Narag at Yap ang kanilang perspektiba sa mapaniil na sistema.
Pagsisimula ni Yap, “Tinuturo sa atin lagi ng mga nakakatanda na ang babae ay pang-gawaing bahay lamang at ang lalaki dapat ang nagtatrabaho.” Nagtatakda ng pamantayan ang sistemang patriyarkal, tulad ng magkaibang tungkulin ng kababaihan at kalalakihan, na kinakailangan nilang gampanan sa lipunan.
Maliban sa mga responsibilidad, umusbong din ang kulturang tanaw ang diskriminasyon at pagtatangi sa mga kababaihan. Binanggit ni Narag ang karaniwang linyahang, “‘Ay, babae ‘to’” bilang halimbawa sa naturang diskriminasyon. Patuloy na ibinababa ng linyang ito ang pagkakakilanlan at kahalagahan ng isang babae. Itinatanim din sa kaisipan ng mga kababaihan na kinakailangan nilang mamuhay sa takot at nang may pag-iingat—na hindi nagbibigay ng pakinabang para sa kanila dahil itinuturing silang mga dalagang walang kalaban-laban, na nagreresulta sa kawalan ng pagpapahalaga sa kanilang potensyal, panunukso sa kanilang mga kilos at ugali, at iba pang uri ng pangmamaltrato.
Mistulang nagiging isang kasalanan ang pagiging babae sa ganitong klase ng sistema. Sa mga sitwasyong hindi sinasadyang magkamali ng isang babae, mas binibigyang-pansin ang kaniyang kasarian at seksuwalidad sa halip na isaalang-alang ang kaniyang kabuluhan bilang isang tao. Sa pagsasalaysay ni Narag sa APP, ibinahagi niya ang kaniyang karanasan noong may nakausap siyang may paniniwalang salungat sa kaniyang mga personal na pananaw. “Naiyak na lang ako sabay naglakad papalayo dahil napagtanto ko na marami pa rin siguro sa kababaihan ang hindi mulat sa sistemang humihil[a] sa kanila pababa,” pagbabahagi niya.
Tunay na mahirap basagin ang ideolohiyang naitatak sa kaisipan ng mga tao sapagkat nakasanayan na nila ito. Sa katunayan, kahit bilang mga kakampi sa matinding pakikipagtunggali sa baluktot na sistema ng partiyarka, aminado si Yap na nahihirapan pa rin siyang isabuhay ang kaniyang mga paniniwala. Ngunit, sa kabila ng mga pagsubok, patuloy na nakikiisa ang mga kalalakihang tulad niya sa paghangad ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.
Pagpiglas sa baluktot na sistema
Sa kabila ng mga kilusang may layuning labanan ang opresyong dinaranas ng mga kababaihan, nananatiling matibay ang mga paniniwalang hindi dapat nagkakapantay-pantay ang mga kasarian. Masakit isiping madalas pang mga sarili nating kadugo ang isa sa mga humahadlang sa progreso. “Lumaki [kasi] sila sa panahong ‘normal’ at ‘tama’ sa kanilang pananaw ang patriyarkal na sistema dahil hindi pa naman ata ganito kalantad ang usapin tungkol dito kumpara ngayon.,” paliwanag ni Narag.
Inilahad naman ni Yap na mabisang paraan ang social media sa pagpapalaganap ng mga ideya at kilusan. Pinapatunayan ito ng malaking bilang ng mga Facebook post at page na naglalayong magbahagi ng kaalaman hinggil sa opresyong dinaranas ng kababaihan sa isang patriyarkal na lipunan. Samakatuwid, ito rin ang nag-udyok kay Yap upang mag-isip nang kritikal ukol sa mga isyung panlipunan. Para naman kay Narag, mahalaga ring mapag-usapan ang isyu sa loob ng tahanan, lalo na sa harap ng mga miyembro ng pamilyang hindi kumbinsido sa mga nakapeperwisyong ideyang dulot ng patriyarka.
Hirap pumiglas sa gapos ng patriyarka ang ating lipunan dahil patuloy na pinapamana ng mga nakatatanda tungo sa mga kabataan ang mga paniniwalang sumasalungat sa matagumpay na pagkamit ng pagkakapantay-pantay. Bagamat malaking bagay na ang pagsisimula ng makabuluhang diskurso, mayroon pa ring mga nais gawin si Narag: “i-promote pa ang kakayahan ng mga NGOs na may kaugnayan sa gender equality bilang mas epektibong plataporma para sa mga kababaihang biktima ng karahasan.”
Sa pagsulong ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian sa lipunan, nakaabang ang maraming balakid kaya’t kaakibat nito ang malaking pangangailangan sa pagkamulat ng mga mamamayan, at ang pagsunod nila sa bugso ng kanilang damdamin na gawin ang nararapat upang matuldukan ang baluktot na sistema.
Pag-abot sa tuloy-tuloy na progreso
Sa paghubog sa kamalayan ng isang indibidwal, hindi maitatangging malaki ang parte ng lipunang kaniyang ginagalawan sapagkat dito nakaugat ang mga paniniwalang unang magiging batayan ng kaniyang mga kilos at desisyong maaaring magpabago sa takbo ng mundo. Bagamat kasangga ng kababaihan sina Narag at Yap, mababatid sa kanilang mga kuwento na hindi nila mag-isang tinahak ang daan tungo sa kanilang pagkatuto. Bagkus, sa tulong ng kanilang mga naging karanasan at ng mga taong kanilang nakahalubilo, iminulat nila ang kanilang mga mata. Dahil dito, natanaw nila ang mga problemang kinahaharap ng kababaihan at napagtantong may opresyong kinakailangang wakasan.
Nabubuo ang hamog sa oras na dumaan ang mainit at basang hangin sa isang malamig na lugar. Gaya nito, hindi kailanman magiging maaliwalas ang daang tatahakin ng kababaihan hangga’t may nararanasan silang malamig na pakikitungong mistula nang nakaugat sa patriyarkal na kultura ng mga Pilipino; hangga’t may mga naniniwalang hindi sila nararapat bilang kapantay ng kalalakihan. Kaya naman, dalhin natin sa hapagkainan ang usapan. Magsimula tayo ng diskusyong hihimok sa ating mga kakilala, at palakihin natin nang tama ang kalalakihan—nang nakakintal sa kanilang isipan na walang anomang seksuwalidad ang nakahihigit sa iba kaya’t ganap na kapantay rin nila ang kababaihan.