MATINIK, madiskarte, palaban—ilan lamang ito sa mga katangiang dapat taglayin ng isang manlalaro ng chess, at naisabuhay ito ng karakter ni Beth Harmon sa sikat na palabas na The Queen’s Gambit na pumukaw sa interes ng karamihan nitong nakaraang taon. Marami ang naaliw sa palabas sapagkat naipakita nito ang tumpak na pagganap at paraan ng paglalaro ng isang manlalaro ng chess.
Kasabay ng pagsikat ng palabas ang pagpukaw sa nakalimutang pagmamahal at pagkilala sa larong chess. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kina De La Salle University (DLSU) Head Coach Susan Neri at dating DLSU Woodpusher Richmond Young, ibinahagi nila ang naging impluwensya ng palabas sa komunidad ng chess sa buong bansa. Inalam din ng APP ang kanilang panig hinggil sa naging papel nito sa kasagsagan ng pandemya, mga pagbabagong umusbong sa isport kaakibat ng natatamong kasikatan, at ang kinabukasan ng laro sa bansa.
Impluwensya ng The Queen’s Gambit
Sinundan ng palabas na The Queen’s Gambit ang kuwento ng buhay ni Beth Harmon na tinaguriang henyo sa mundo ng chess. Sa kabila ng pakikipagtagisan sa matitinik na kalaban sa chess at sa paglaban sa sariling mga bisyo, ipinakita ng palabas ang mga paraang isinagawa ng henyo upang malampasan ang mga balakid na ito.
Sa pamamagitan ng puso, talino, at tiyaga ni Harmon, naging tanyag ang palabas at nabighani nito ang mga manonood. Bukod sa pagsikat ng The Queen’s Gambit, pinatindi rin nito ang interes ng mga tao sa larong chess at ipinamalas ang lakas ng kababaihan sa pakikipagsabayan sa isports.
Kaakibat ng pagsikat ng palabas, madaling naakit ang karamihan ng mga manonood tungo sa kagustuhang matuto ng paglalaro ng chess dahil na rin sa pagkakaroon ng oras ngayong may ipinatutupad na community quarantine. “Kaming Chess players, mas nagkaroon kami ng oras para mag-independent study. . . [at sa] pagtuturo namin, kahit nasa ibang bansa, puwede na kahit hindi ka mangibang bansa,” pagbabahagi ni Coach Neri.
Kasabay rin ng pag-usbong ng The Queen’s Gambit ang paglunsad sa pinakaunang liga ng chess sa Pilipinas o tinatawag na Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) nitong nakaraang Hulyo. Nangibabaw ang pagiging Lasalyano ni Coach Neri sa kaniyang pagsasakatuparan ng pagkabuo ng kauna-unahang all-female professional chess team na lalaban sa PCAP. Kinalulugod niya ring maging bahagi ng koponan bilang head coach nito.
Aniya, “Dito namin naipapakita ang katapatan at kaisa namin sa misyon natin bilang mga Lasalyano sa ating bayan; suportahan ang lakas ng kababaihan at bigyan ng direksyon ang kabataan.” Nagsilbing inspirasyon din ang palabas sa naging pangalan ng kanilang koponang tinawag na Palawan Queens’ Gambit. Binigyang-diin din ni coach Neri ang kapalaran sa chess ng mga kababaihang manlalaro ng DLSU chess team. Naniniwala siyang hindi natatapos sa kolehiyo ang kanilang karera sa chess at maaari pa ring ipagpatuloy ang paglalaro nito habang tinatahak ang ibang propesyon.
Lumalaking pamayanan ng chess sa bansa
Ikinatuwa naman ni Coach Neri ang pagbibigay-kulay ng palabas sa isport na pinakamamahal niya. Aniya, bagamat hindi kasing tanyag ng ibang mga larong pampalakasan, nabigyang-buhay muli ang chess dahil sa palabas na lalong nagpataas ng interes ng mga babaeng chess player sa muling paglalaro.
Ayon naman kay Young, naging mas madali para sa karamihan ang makapaglaro ng chess sa pamamagitan ng mga birtuwal na plataporma. “I feel the pandemic has made chess more famous because you can play at home,” pagsasaad ni Young.
Paglawak ng mundo ng chess
Nakikita ni Young na isang pagkakataon ang lubos na pagsikat ng chess upang lalong payabungin ang nasabing isport. Para sa kaniya, iginiit nito sa mga tao na hindi dapat matahin at maliitin ang laro.
“I think that because of the growth of chess, . . . we can take advantage of the popularity to introduce the game to other people [as] people are no longer really biased and see it like a normal board game,” wika niya. Mungkahi pa ni Young, maaaring magkaroon ng Esports tournaments sa chess para sa pamayanang Lasalyano upang mapaigting pa ang pagtangkilik sa isport.
Para naman kay Coach Neri, kinakailangan ng sapat na suporta para sa isport at sa mga manlalaro nito. “[Kailangang] magkaroon ng matatag na mga organisasyon na may magandang values at hangarin para sa sport at [sa] kapakanan ng mga manlalaro,” saad ng coach.
Hinihikayat naman nina Coach Neri at Young ang pamayanang Lasalyano na tangkilikin pa ang chess sapagkat tiyak na kapupulutan ito ng mga aral, gaya ng pagkakaroon ng disiplina at pagharap sa responsibilidad. Maaari ding magamit ng mga manlalaro ang mga aral na ito sa kanilang buhay sa labas ng torneo. “Hindi natin matiyak lahat ng pwedeng makaharap natin sa laro [ngunit] may kakayahan tayong maghanda, magplano, magnilay, at magdesisyon,” dagdag pa ng coach.
Masasabing hango sa totoong buhay ang paglalaro ng chess. Hawak ng mga manlalaro ang kanilang mga desisyong kailangang paglaanan ng matalas na paningin at malakas na kalooban. Sa panahong walang kasiguraduhan ang kinabukasan, ipinaaalala ni Young na huwag basta-bastang sumuko. Aniya, ipagpatuloy lang ang paglaban sa araw-araw katulad sa chess. “. . . We should fight to the end. . . It’s not over until it’s over,” pagtatapos ng atleta.