IPINANUKALA ng De La Salle University (DLSU) Intellectual Property Office (DIPO) at DLSU Innovation and Technology Office (DITO) ang pagrepaso sa mga polisiya ng Intellectual Property (IP) at pagbuo ng polisiya ng Knowledge and Technology Transfer (KTT) sa isinagawang online consultative meeting, Enero 15. Sinimulan ng DIPO at DITO ang pagbuo ng mga burador na may kinalaman sa mga nasabing polisiya upang gawing mas moderno ang sistema ng pananaliksik sa Pamantasan.
Sa nasabing pagpupulong, ibinahagi ni Atty. Christopher Cruz, Director ng DIPO at Manager ng DITO, na hangarin nilang mapadali ang pagprotekta at pangangasiwa sa IP ng Pamantasan at pangunahan ang mga aktibidad nito sa KTT. Inaasahan niyang maipasa ang kanilang mga inihaing pagbabago sa Chancellor’s Council at sa President’s Council sa susunod na termino ng kasalukuyang akademikong taon.
Pagbabagong inaasahan sa mga polisiya ng IP
Binanggit ni Cruz sa consultative meeting na mahalaga ang pagrebisa sa mga polisiya ng IP sapagkat patuloy na dumarami ang intangible assets and properties sa panahon ng industriyang teknolohikal. Bunsod nito, ginawang mas makabago ng DIPO ang mga probisyon ng nasabing polisiya sapagkat matatandaang noong Hulyo 7, 2010 pa nang huli itong nirepaso.
Inilahad ni Intellectual Property Officer Pamela Tadeo sa naganap na konsultasyon na nais nilang mapalawak ang saklaw ng mga polisiya ng IP para sa lahat ng mga mananaliksik. Ilan sa mga pagbabagong isinusulong ang pagpalit ng salitang ‘creator’ at ‘works’ sa mga termino gaya ng ‘author’ at ‘inventor’ upang maging mas inklusibo ang polisiya para sa iba’t ibang klase ng manlilikha at kani-kanilang produkto at serbisyo.
Hangad din ng DIPO na magdagdag ng miyembro sa University Committee on Intellectual Property (UCIP) na nakatuon sa mga isyung may kinalaman sa pangangasiwa ng IP. Ayon kay Tadeo, kasama rito ang kinatawan mula sa Association of Faculty and Educators of DLSU, Inc. at DLSU University Student Government sapagkat sila ang mga pangunahing stakeholder ng Pamantasan pagdating sa intellectual property.
Bibigyang-linaw rin sa mga inihaing rebisyon ang ownership ng patent rights, copyright, at trademark. Tinalakay ni Tadeo na magkakaroon ng mas komprehensibong pamantayan para sa pagtukoy sa pagmamay-ari ng isang IP. Dagdag pa niya, inaangkop ang mga patakaran ukol dito upang mailapat ito sa mas maraming uri ng intellectual property.
Nilalayon ding linawin sa mga gagawing rebisyon ang magiging tungkulin ng DIPO at paigtingin ang mandato nito sa mga aktibidad sa IP at KTT ng Pamantasan. Ililipat din sa kanila ang pagrerehistro at pangangasiwa ng mga trademark, na mga tungkuling mula sa Office for Strategic Communications.
Isinusulong din ang pagkakaroon ng Guidelines on Intellectual Property in Online Education Materials sapagkat mas lumalaki ang kahalagahan ng mga online na materyal dahil sa kasalukuyang pagsasagawa ng mga klase sa online na pamamaraan. “This. . . seeks to provide guidance sufficient to empower the members of the DLSU community to make ethical and legal choices about IP issues in online learning,” pagpapaliwanag pa ni Cruz.
Pagbuo ng polisiyang KTT
Bahagi rin ng pagbabagong ipinapanukala ng DIPO at DITO ang paggawa ng polisiyang KTT. Nakita ng DITO ang pangangailangang magkaroon ng naturang polisiya nang makipag-ugnayan ang Animo Labs Technology Business Incubator sa ilang grupo ng mananaliksik na interesado sa komersyalisasyon ng pananaliksik noong 2017. Ayon sa kaniya, nakaranas sila ng mga hamon dahil sa kawalan ng polisiyang makagagabay sa komersyalisasyon, partikular na sa pananaliksik na pinopondohan ng gobyerno.
Ipinaliwanag din ni DITO Project Director Peter Tenido ang University KTT bilang isang proseso ng pagsasalin ng mga pananaliksik tungo sa pagiging produkto at serbisyong mapakikinabangan ng lipunan. “Third mission activities are more related to socio-economic impact to its community,” paglalahad pa niya.
Isinusulong din ang pagbuo ng KTT Committee (KTTC) at DLSU Innovation Group (DIG). Magiging mandato ng KTTC ang pagbibigay ng mga rekomendasyon at patnubay ukol sa mga new venture ng Pamantasan. Magsisilbi naman ang DIG bilang isang plataporma upang matalakay ng iba’t ibang miyembro ng Pamantasan ang KTT, komersyalisasyon, at inobasyon sa loob nito.
Tiniyak naman ni Cruz na magiging suplemento para sa mga polisiya ng IP ang polisiya ng KTT. Binanggit niyang makatutulong ito sa mga polisiya ng IP sapagkat iaatas sa DITO ang pagbibigay ng suportang operasyonal para sa DIPO. Mangunguna rin ang DITO sa mga negosasyon ukol sa paglilisensya sa loob at labas ng Pamantasan dahil sa kanilang mandato at kadalubhasaan dito. “DITO may negotiate on behalf of DIPO but in the end, the decision is up to DIPO,” paglilinaw ni Cruz.
Kinahaharap na hamon
Samantala, ipinahayag ni Cruz ang mga suliranin sa pagpapatupad ng mga polisiya ng IP, tulad ng mentalidad na “publish or perish,” kakulangan ng kamalayan tungkol sa IP, at kawalan ng mga taong nangunguna rito.
Ibinahagi rin ng mga kinatawan mula sa ibang departamento ang kanilang palagay sa kasalukuyang burador. Inilahad ni Federico Gonzalez, Executive Director ng Animo Labs Technology, na nakapailalim sa Animo Labs ang ilan sa mga IP incubatee at startup ng Pamantasan. Ayon sa kaniya, may polisiyang nagsasaad na mananatili ang pagmamay-ari ng mga ito sa mga taong gumawa nito.
Itinaas naman ni Culture and Arts Office Director Glorife Samodio ang isyu ng pagmamay-ari ng IP rights para sa ginagawang awtput ng kanilang mga miyembro. “There is a need for guidelines on what other people can do regarding their IP,” dagdag pa niya.
Layunin at kahalagahan ng pagbabago
Sa kabilang banda, hangad ng DITO at DIPO na umayon ang Pamantasan sa mga batas ng bansa patungkol sa KTT at IP. Sinigurado ni Tenido na isinasaalang-alang nila ang Intellectual Property Code of the Philippines, Philippine Technology Transfer Act of 2009, Innovative Startup Act of 2019, at Philippine Innovation Act of 2019 sa paggawa ng mga probisyong nakapaloob sa mga pagbabagong ipinapanukala nila.
Tiniyak din ng DIPO at DITO na masasalamin ng mga polisiya ukol sa IP at KTT ang mga hangarin ng Pamantasan na gamitin ang pananaliksik nito bilang kasangkapan para sa business model, community impact, at economic value. “DLSU aims to not just be a teaching university. It has embraced being a research university and now position ourselves to be a tech-transfer, or a university that would be a part of the social and economic development,” pagdidiin ni Cruz.
Dagdag pa ni Cruz, makatutulong ang IP management at technology transfer sa pagbibigay ng kontribusyon ng Pamantasan sa kaunlarang sosyal at pang-ekonomiya ng bansa. Sa pamamagitan ng mga isinusulong na pagbabago, nilalayon nitong magamit ang mga pananaliksik ng Pamantasan upang makatulong sa bansa.