Ekonomiya ngayong pandemya: Mga ahensyang binigyang-priyoridad, isiniwalat sa 2021 National Budget


Dibuho ni John Erick Alemany

Sumadsad ang ekonomiya ng bansa sa makalipas na sampung buwan dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Maraming Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng iba’t ibang kompanya at establisyemento sa bansa. Marami namang kompanya ang nanatiling bukas ngunit kinailangan nitong magbawas ng empleyado dahil sa mababang kita na nakukuha ng mga ito. 

Bilang tugon sa lumalalang epektong dulot ng COVID-19, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Php4.5 trilyong pondo para sa taong 2021 na gagamitin sa mahahalagang programa na inaasahang makatutulong sa pagbangon ng pambansang ekonomiya. 

Nanguna ang sektor ng edukasyon sa may pinakamalaking alokasyon ng nasabing pondo, na sinundan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Interior and Local Government (DILG). Nasa ikaapat naman ang Department of Health (DOH) sa listahan ng may pinakamalaking pondo.

Sa tulong ng pondong ito, inaasahang aangat ang ekonomiya ng bansa nang 6.5 hanggang 7.5% ngayong taon matapos umabot sa 8.5% ang ibinaba nito noong nakaraang taon. Mula sa iba’t ibang programang nakalatag ngayong taon, layunin ng pamahalaang makapagbigay ng kaunting ginhawa sa maraming Pilipino na nawalan ng hanapbuhay.

Pagkakahati ng kabuuang pondo

Ibinahagi ni Presidential Communications Operations Office for Good Governance, GOCCs, and Finance Undersecretary George Apacible sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na positibo ang pananaw ng Pangulo sa kaniyang pinirmahang pambansang pondo para sa taong 2021. 

“Naniniwala ang pangulo at kaming mga Cabinet Secretaries na ito ay makakatulong sa bansa para matugunan ang pandemyang COVID-19 at makabangon mula sa mga epekto nito,” ani Apacible.

Sa pinirmahang pondo, nanguna sa 2021 National Budget ang sektor ng edukasyon, partikular ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education, at State University Colleges na makatatanggap ng Php751.7 bilyong pondo. Nakapaloob dito ang pagtaas ng alokasyon sa allowance ng mga guro para sa kanilang karagdagang pangangailangan, na magiging Php5,000 mula sa dating Php3,500 kada taon. 

Subalit, ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Secretary General Raymond Basilio sa kaniyang panayam sa Rappler, nakukulangan ang ACT sa karagdagang allowance na inilaan para sa mga guro. Giit niya, hindi umano sapat ang allowance na ibinibigay sa kanila dahil sa patuloy na nararanasang pandemya at magulong implementasyon ng kagawaran para sa pagsasagawa ng distance learning.  

Malaki naman ang itinaas ng pondo para sa DPWH na makatatanggap ng Php695.7 bilyon mula sa adjusted na Php431 bilyon noong nakaraang taon. Kasama sa mga pangunahing proyekto na mabibigyan ng malaking pondo ang pagpapatuloy ng North-South Commuter Railway System na makatatanggap ng Php21 bilyon, Phase 1 ng Metro Manila Subway Project na makatatanggap ng Php11 bilyon, at subsidiya para sa Metro Rail Transit-3 na makatatanggap ng Php7 bilyon. 

Sa ikatlong posisyon, mabibigyan ng Php249 na bilyon ang DILG na sinundan ng mga sumusunod: DOH na makatatanggap ng Php210 bilyon at Department of National Defense (DND) na makatatanggap ng Php205.8 bilyon. “Importante ding bigyan natin ng pansin ang pangangailangan ng ating military at kapulisan na malaki ang naiambag sa panahon ng pandemya,” paliwanag ni Apacible sa pondong inilaan para sa DND.   

Umabot lamang sa Php176 na bilyon ang inilaan sa Department of Social Welfare and Development na malayo sa adjusted Php366 na bilyong nakuha nito 2020. Kabilang dito ang pondong nakalaan para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program at pension para sa mga indigent senior citizen.

Pagsilip sa pondo ng pangkalusugang sektor

Sa kabila ng pandemya, mas malaking pondo ang inilaan sa DPWH kaysa sa DOH. Kasama na ang pondo ng mga ahensyang nasa unang hanay kontra COVID-19, tulad ng DOH at PhilHealth, sa inilaang humigit-kumulang na Php287 bilyon para sa pangkalusugang sektor.

Sa panayam ng APP kay Senador Sonny Angara, chair ng Finance Committee ng Senado, ibinahagi niyang nakapaloob sa pondo ng pangkalusugang sektor ang gagamiting panggastos sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19. Dagdag niya, mahigit Php80 bilyon ang maaaring gamitin ng gobyerno sa pagbili ng mga bakuna. 

Malaking porsyento nito ang magmumula sa unprogrammed appropriations ng 2021 General Appropriations Act (GAA) na nasa Php70 bilyon, habang Php2.5 bilyon ang nakapaloob sa pondo ng DOH. Sinabi rin ni Angara na kasama rito ang Php10 bilyon standby funds mula sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Pagpapatuloy ni Angara, hindi pa nakasaad sa 2021 GAA ang pondong inilaan para sa pagsugpo ng bagong strain ng COVID-19. Gayunpaman, maaari umanong gamitin ang pondo ng DOH at iba pang ahensya upang matugunan ang anomang epektong maaaring idulot nito sa bansa. Hindi naman problema ang karagdagang pondo dahil maaaring magsagawa ng pagbabago ang Kongreso ukol dito.

“Kung sakali mang magkulang ang budget, maaari namang humingi ng awtorisasyon sa kongreso ang ehekutibo para sa dagdag pondo sa pamamagitan ng isang supplemental budget, kung ito ay kinakailangan,” ani Angara.

Aminado si Angara na maaaring hindi sapat ang pondong inilaan ng gobyerno para sa pangkalusugang sektor ng bansa dahil patuloy pa ring lumalaganap ang COVID-19. Dagdag pa niya, hindi pa nasisimulan ang pagbabakuna sa bansa at ang bakunang gawa ng Pfizer-BioNTech mula America pa lamang ang naaaprubahan ng Food and Drug Administration. 

Inaasahang makatutulong sa pagpapababa ng mga bilang ng bagong kaso ang pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19. “[Gayunpaman], siniguro ng Kongreso na paglaanan ito ng kaukulang pondo upang mapaghandaan ang pagdating ng mga bakuna sa mga susunod araw,” paniniguro ni Angara.

Utang sa kalagitnaan ng pandemya

Bagamat umabot sa Php4.5 trilyon ang pondo para sa taong ito, hindi umano ito sapat sa kabuuang pangangailangan ng bansa. Dahil dito, hindi maiiwasang mangutang upang madagdagan ang pondo bilang tugon sa mga suliraning kinahaharap ng bansa. 

Iginiit ni Angara na normal lamang ang pangungutang ng isang bansa sa panahon ng pandemya. Aniya, “Malaki ang kakailanganin nating pondo para mabakunahan ang malaking porsyento ng ating populasyon kaya hindi maiiwasan na muling mangutang ang gobyerno para may maipambili ng bakuna at iba pang gastusin na may kinalaman dito.” 

Matatandaang iniulat ng Bureau of Treasury na lumobo sa mahigit Php10 trilyon ang naging utang ng Pilipinas noong 2020. “Pero sa pamamagitan ng Bayanihan 1 and 2, at ng mga probisyon sa ilalim ng 2021 GAA, malaking hakbang na ito upang maresolba ang ilang mga suliranin,” giit ni Angara.

Patuloy na mararamdaman hanggang ngayong taon ang epektong dala ng pandemya. Gayunpaman, umaasa ang pamahalaang magiging sapat ang inilaang pondo para sa muling pagbangon ng pambansang ekonomiya. Paniniguro ni Apacible, “Tinitiyak namin na ang bawat sentimo ng budget ay gagamitin nang maayos para sa recovery, resilience, at sustainability.” Sa kabila nito, nananatiling isang malaking hamon sa administrasyon ang pagsasakatuparan ng mga hangaring ito.