Tuwing sumisikat ang araw, normal ang takbo ng kaniyang buhay—ngiti rito, tawa roon, at kaunting pakikipagkuwentuhan. Tila walang malugaran ang mga aninong mayroong itinatagong lihim sa sinag ng araw. Sa kaniyang pag-uwi, dahan-dahang huhubarin ang mga damit na naging panangga sa mga lihim na nakatago sa anino. Uunahing hubarin ang pantaas na t-shirt, sunod ang pantalon, hanggang matira na lamang ang panloob na damit.
Sabay sa kaniyang marahang pagsilip sa salamin ang biglaan namang pag-atake ng mga lihim ng kaniyang anino. Lumitaw mula rito ang isang halimaw; binalot siya nito, sabay bulong na hindi kaaya-aya ang bawat kurba, bawat linya, at ang kabuuan ng kaniyang katawan. Unti-unti na nga siyang nalason ng halimaw, sapagkat noong tiningnan niya ang kaniyang sarili sa salamin, wala siyang ibang makita kundi ang isang karumal-dumal na imahen.
Hindi man alam ng karamihan ngunit may isang disorder na nakaaapekto sa pagtingin ng tao sa kanilang katawan—tinatawag itong Body Dysmorphia Disorder (BDD). Katulad ng iba pang mental disorders, kadalasang hindi ito makikita ng payak na paningin. Subalit, may kabuluhan ang mga kurbang humuhubog sa kanilang istorya.
Pagharap sa halimaw
“Ineng tumataba ka yata,” — mga salitang patuloy pa ring naririnig sa mga pampamilyang salo-salo. Nakasanayan nang ganito ang pagbati, subalit maraming hindi nakakaalam ng tunay na epekto nito. Hindi man clinically diagnosed si Abby*, isang mag-aaral mula sa Pamantasang De La Salle (DLSU), aminado siyang nakararanas siya ng mga sintomas ng BDD. Bagamat naniniwalang mahalaga ang pagiging diagnosed upang mas makatulong sa kaniyang kalagayan, sa panayam sa kaniya ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), nabanggit niya ang rason sa hindi niya paghingi ng tulong mula sa propesyonal. Aniya, “Gustuhin ko mang magpacheck-up, hindi naman accessible ang mental health facilities dito sa Pilipinas. Kakaunti na nga, medyo malaki pa ang bayad. . . So hindi ko talaga afford na gumastos pa ng extra para sa pagpapacheck-up.”
Ibinahagi ni Abby* na nagmula ang kaniyang kondisyon sa mga komentong natanggap niya mula sa kaniyang pamilya, pati na sa kaniyang mga kamag-aral. Biro man ito sa kanila, subalit iba ang naging epekto nito sa kaniya. Natuto na lamang siyang makisama hanggang sa makasanayan na niya ang mga ito. Pagsasaad niya, “Sobrang hirap nung pati sarili ko, kaaway ko na rin. Hindi ko na maipagtanggol ‘yung sarili ko kasi pakiramdam ko nakikita ko na rin ‘yung nakikita nila.”
Sa kabila ng lahat, hindi masukat ang determinasyon ni Abby* na labanan ang kaniyang sitwasyon, kaya naman ang nais niyang iparating sa katulad niyang may nilalabanang BDD: “Piliin nating kampihan ang mga sarili natin at maniwala na hindi kailanman magiging sukatan ng pagkatao at halaga ng isang indibidwal ang mga kapintasang ibinabato ng iba.”
Pagsugpo sa halimaw
Upang higit na maunawaan ang mental disorder na BDD, hiningi ng APP ang panig ni Dra. Girlie Monterona, isang psychiatrist. Ayon sa kaniya, “It’s a psychiatric condition under the Obsessive Compulsive and Related Disorders. It is characterized by a preoccupation with an imagined defect in appearance, that causes significant impairment in functioning.”
Bagamat walang direktang paliwanag sa sanhi ng BDD, isinalaysay ni Dra. Monterona ang mga karaniwang sintomas na maaring maramdaman ng indibidwal at maaaring magpahiwatig na mayroon siya nito. Una na rito ang madalas na pagkabahala sa pisikal na kaanyuan, at ang pag-iisip na may depekto ang kaniyang katawan, na nakaaapekto sa kaniyang pang-araw-araw na pamumuhay; kasama rin dito ang mga biglaang paggawa ng desisyon at padalos-dalos na gawain.
Sa paghahanap ng solusyon para rito, kadalasang lumalapit muna sa mga dermatologist at mga surgeon ang isang taong may BDD, bago sumangguni sa mga psychiatrist, sa pag-aakalang ito ang akmang tugon. Ninanais umano nilang ibahin ang kanilang panlabas na anyo upang maging komportable sa kanilang sariling katawan. Subalit, iminungkahi ni Dra. Monterona na kombinasyon ng pharmacotherapy at cognitive behavioral therapy ang kinakailangan upang makatulong sa taong mayroong BDD.
“It’s not a common psychiatric disorder for the public to develop a stigma on,” ani Dra. Monterona. Katulad ng hubad na katawan, hindi umano ito basta makikita ng kahit na sino, ngunit para sa indibidwal na nakararanas nito, tila nagsisilbing rehas ang hulma ng kanilang katawan.
Nakaaapekto sa mga taong may BDD ang bawat salitang pumapatungkol sa kanilang katawan at ang mga tinging tila hinuhusgahan ang kanilang panlabas na anyo. Kaugnay nito, nag-iwan din ng paalala’t payo si Dra. Monterona upang maging sensitibo ang bawat indibidwal sa kanilang pakikitungo sa bawat isa. “People should be educated about this disorder to understand the condition better,” sambit niya.
Muling pagsulyap, pagharap, at pagsugpo
Sa muling pagsikat ng araw, magpapatuloy muli ang paglaban tungo sa sariling kapayapaan. Hindi ito magiging madali, ngunit tulad ng ibinahagi ni Dra. Monterona, “The patient with BDD needs a support system from family and friends, psychoeducation is very important so as not to stigmatize the disorder.”
Hindi madaling labanan ang sariling pag-aalinlangan sa pisikal na kaanyuan; kalungkutan ang bumabalot sa isipan bunga ng pangangatawang taglay. Itinatago ang hinagpis sa ilalim ng mapagkunwaring ngiti, buhat-buhat ang aninong tila ayaw nang makitang muli.
Sa labang palaging pinagsisikapan na mapagtagumpayan ng taong may BDD, darating din ang araw na magsisilbing bakas ng pagmamahal sa sarili ang bawat linya at kurba; darating din ang pagkakataong titingnan ang sarili sa salamin at makikita’t madarama ang ngiti at buong-pusong pagtanggap sa sariling kaanyuan.
*hindi niya tunay na pangalan