INIHANDOG ng Health Services Office (HSO) ang serbisyong telemedicine at teleconsultation na nagsimula noong Disyembre 15 para sa mga Lasalyano na nais magpakonsulta online bunsod ng mga limitasyon sa personal na konsultasyon dulot ng pandemya.
Sa kabilang banda, inalam naman ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaalaman at saloobin ng mga estudyante ukol sa mga naturang serbisyo pati na ang kanilang pangangailangang pangkalusugan ngayong pandemya.
Paraan ng pagpapakonsulta
Batay sa anunsyong inilabas ng HSO sa Help Desk Announcement, mayroong dalawang paraan upang magamit ang mga serbisyong telemedicine at teleconsultation: una, maaari nang humingi ng payong medikal mula sa mga doktor ng Pamantasan sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang trunkline na 8524461, local 222 at 221, mula ika-8 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon. Ikalawa, maaaring gamitin ang aplikasyong Intellicare para sa telemedicine na inaalok sa mga faculty at staff ng Pamantasang De La Salle (DLSU) na kabilang sa Health Maintenance Organization (HMO).
Kalakip ng anunsyo, hinimok rin ng clinic ang pamayanang Lasalyano na paigtingin ang pagpapabuti sa kalusugan sa pamamagitan ng pag-alaga sa sarili, pagkain nang wasto, pag-ehersisyo, at pagkakaroon ng sapat na pahinga. Sa kabila nito, iilan lamang ang nakakaalam sa mga nabanggit na programa batay sa panayam na isinagawa ng APP sa mga estudyante.
Kaalaman ng Lasalyano sa programa
Ayon kay Cherry Magdaong, ID 118 ng kursong BS Industrial Engineering (BS-IE), limitado ang kaniyang kaalaman sa programang telemedicine. Ibinahagi niyang bagamat pamilyar siya sa programang ito dahil sa mga anunsyong nababasa niya sa Canvas, hindi pa niya nasubukang magpakonsulta rito.
Pareho rin ang naging tugon ni Anne Sabado, ID 118 ng kursong BS Biology major in Molecular Biology and Biotechnology, na nagsabing hindi pa rin niya nasubukang tumawag sa opisina ng clinic para sa medikal na konsultasyon. Sa pagkakaalam niya, ang mga Intellicare card holder lamang ang maaaring tumawag at magpakonsulta rito.
Sa pagkakaalam naman ni Allaiza Francisco, ID 118 ng kursong BS Interdisciplinary Business Studies, kahit sinong miyembro ng pamayanang Lasalyano ang maaaring tumawag sa HSO upang magpakonsulta o humingi ng payong medikal mula sa isang doktor.
Ibinahagi naman ni Jose Pascua, ID 119 ng parehong kurso, ang kaniyang pagkakaintindi sa teleconsultation. Aniya, nabibigyan ng paunang konsultasyon ang pasyente mula sa pagtawag nito sa doktor dahil sa limitadong biswal na pagsusuri.
Sa kabuuan, masasabing magkakaiba pa ang interpretasyon ng mga Lasalyano na nakapanayam dahil nakabatay lamang ito sa kanilang inisyal na pagkakaunawa at wala pa silang sapat na kaalaman ukol sa programa.
Halaga ng serbisyong medikal
Ipinahayag naman ni Pascua sa APP na napapanahon ang serbisyong telemedicine at teleconsultation sapagkat kinakailangang maghanap ng HSO ng ibang paraan upang makatulong, partikular na sa mga nangangailangan pagdating sa usaping mental health. Inilahad niyang kailangang ipakilala ng HSO ang kanilang mga serbisyo sa pamamagitan ng social media. Aniya, “Sa pamamagitan ng pag-iingay sa social media. . . maipaparating nila ang kanilang mga mensahe kaya mas maraming titingala sa kanila para manghingi ng tulong.”
Ibinahagi rin ni Agatha Montes, ID 118 ng kursong BS-IE, na makatutulong ang libreng online na konsultasyon dahil maraming estudyante ang nagkakasakit sa kasagsagan ng pagsasagawa ng mga online na klase. Binigyang-pansin niyang mayroon ding mga estudyanteng may karamdaman ngunit hindi makapagpakonsulta dahil hindi sila makalabas o wala silang kakayahang magpatingin. “Dahil sa heavy demands from the students, napapabayaan ang kalusugan at naisasakripisyo ang tulog at pahinga,” saad pa niya.
Buo naman ang kumpiyansa ni Kim Junsay, ID 118 ng kursong BS-IE, sa serbisyo ng HSO. Saad niya, “Kahit alam kong makukuha ang mga kaalaman na ito sa Google, iba pa rin kung ang mga eksperto ang magbigay kaalaman ukol sa paksang ito.”
Suhestiyon para sa programang pangkalusugan
Tinukoy ni Maridelle Alcantara, ID 120 ng kursong AB Literature Major in Creative Writing, na limitado ang mga serbisyong kayang gawin ng HSO ngayong pandemya. Binanggit din niyang dapat pagtuunan ng pansin ng clinic ang kondisyon ng mga mag-aaral partikular na ang mental health. Dagdag pa niya, maaaring iparating ng clinic “kung ano ang pwedeng remedya sa migraine, pagkalabo ng mata, at sakit ng likod dahil itong tatlo ang parating nadadamay habang nakatutok sa laptop o gadyet na pang online.”
Inirekomenda naman ni Francisco na magsagawa ng isang sarbey ang clinic hinggil sa medikal na pangangailangan ng mga Lasalyano. Paliwanag niya, “Mabuti sigurong mangalap ng impormasyon mula sa mga Lasalyano hinggil sa medikal na pangangailangan nito upang maiparating ng HSO ang kanilang serbisyo.”
Iminungkahi rin ni Montes na magandang tugunan ng clinic ang mga alalahanin sa kalusugan ng mga mag-aaral pagdating sa COVID-19. Maaaring nakararanas umano ang mga mag-aaral ng sintomas nito subalit wala silang kakayahang magpakonsulta sa doktor dahil sa sitwasyon.
Katulad ni Montes, naniniwala si Sabado na magandang magkaroon ng proyekto ang HSO ukol sa COVID-19. Dagdag niya, maaaring maglunsad ng isang programa upang ipaalam sa mga mag-aaral ang mga detalye sa pagpapa-test at pag-a-avail ng bakuna kontra COVID-19.
Para naman kay Janil Manguerra, ID 120 ng kursong BS Legal Management, maaaring pangunahan ng HSO ang paglulunsad ng health awareness month. Aniya, maaari nitong mapalalim ang kaalaman ng mga Lasalyano tungkol sa iba’t ibang sakit at matalakay na rin ang mga paraan ng pag-iwas dito. Sa ilalim ng aktibidad na ito, maaaring magkaroon ng mga webinar na tumatalakay sa iba’t ibang paksa tulad ng wastong pangangalaga sa kalusugan at mga paraan upang magkaroon ng aktibong pamumuhay sa kabila ng pagsabak sa online na mga klase.
Samantala, sa isang panayam ukol sa paglulunsad ng Lasallian Center, napag-alaman naman ng APP mula kay Fritzie Ian de Vera, Vice President for Lasallian Mission, na magkaibang grupo ang magiging pokus ng HSO at Office of Counseling and Career Services (OCCS). Aniya, OCCS pa rin ang pangunahing opisinang tutugon sa pangangailangan sa mental health ng mga estudyante samantalang tutuon naman ang HSO sa mental health ng faculty at staff.
Sinubukan din ng APP na makapanayam ang HSO at kunin ang kanilang pahayag upang mas mabigyang-linaw ang mga detalye ng mga programang kanilang isinasagawa para sa mga Lasalyano, ngunit wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan ukol dito.