Umuusbong na pos-E-bilidad: Pagsulong ng Esports patungong UAAP, abot-kamay na nga ba?


Likha ni Hans Christian Gutierrez

MABABATID sa pagsusumikap ng bawat manlalaro ang pagyabong ng industriyang Esports tuwing tumatapak sila sa mga entabladong sumusubok sa kanilang natatanging abilidad at talino. Kasabay ng paglipas ng panahon, hindi napipigilan ang paglago ng bilang ng mga propesyonal na nakikipagsapalaran upang makilala ang kanilang pangalan sa larangang ito.

Sumisigla, umaalpas, at bumibilis—ito ang mga katagang sumeselyo sa panahon ng makabagong pamamaraan ng bakbakang binibigyang-buhay ng teknolohiya. Itinuturing man dati bilang libangan ang paglalaro ng online games, tinitingnan na ito sa ngayon bilang puhunan sa kinabukasan at inaasam na katanyagan ng mga manlalaro.

Dulot ng paglagong ito, nakapaglunsad ng samu’t saring lokal at internasyonal na torneo ang Esports organizers tulad ng Garena, Electronic Sports League, at Major League Gaming na nilalahukan ng iba’t ibang koponang bihasa sa mga larong League of Legends, Counter-Strike: Global Offensive, DOTA 2, Hearthstone, Call of Duty, Overwatch, at iba pa. 

Pagdaong ng mga natatanging tauhan

Pumreno man ang kalagayan ng mga pisikal na aktibidad, umaatikabong aksyon naman ang nasilayan sa entablado ng Esports upang basagin ang katahimikan sa mundo ng palakasan. Nanguna ang organisasyong Esports AcadArena (EAA) sa pagtatag ng mga kompetisyon at taktikang naging pundasyon ng mga estudyanteng atleta sa pagsulong ng kani-kanilang kaalaman sa paglalaro. 

Gayunpaman, hindi lamang online gaming at mga torneo ang serbisyong hatid ng EAA para sa mga manlalarong Pilipino mula sa iba’t ibang pamantasan. Layunin din ng organisasyong makapagbigay ng scholarship at libreng educational at experiential session para sa mga estudyanteng nangangarap na mahasa ang kanilang talento. 

Kamakailan, idinaos ng EAA ang University Alliance Cup Fall 2020, isang collegiate Esports tournament, na dinaluhan ng pambatong koponan ng Pamantasang De La Salle (DLSU) na Viridis Arcus. Kalahok din dito ang ibang koponang karaniwan nitong nakatutunggali tulad ng Loyola Gaming Esports ng Ateneo de Manila University, Oblation Esports ng University of the Philippines, at Teletigers Esports ng University of Santo Tomas. 

Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), inilahad ng Viridus Arcus Valorant team captain na si William Reyes ang proseso ng imbitasyong kanilang natanggap mula sa EAA. “The org was first made when Esports AcadArena reached out to us. Since DLSU already had a history in the collegiate Esports scene, we were invited to join the league,” pagbabahagi niya. 

Kargado ng umaapaw na lakas at determinasyon, taas-noong pinaluhod ng Viridis Arcus ang lahat ng koponang nakasagupa nila nang hirangin bilang kampeon sa University Alliance Cup Fall 2020. Bunsod nito, ipinadala ng EAA ang Viridis Arcus sa Player Versus Player Esports Campus Championship na ginanap nitong Disyembre, upang iwagayway ang bandera ng Pilipinas sa internasyonal na kompetisyon. 

Mithiin ng mga alas ng Esports

Handang magdoble-kayod ang Viridis Arcus upang mas makilala at magkaroon ng marka sa mga tanyag na torneo tulad ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Sa pag-usbong ng kaliwa’t kanang mga oportunidad mula sa lumalagong industriya ng Esports, bukas umano ang pintuan ng independenteng organisasyon sa mga imbitasyong natatanggap nito mula sa iba’t ibang torneong pampalakasan.

“I think it would be a great opportunity for us to be able to join an Esports league hosted by the UAAP if ever it would come to that,” ani Adrian Tolentino, tumatayong pinuno ng Viridis Arcus, sa kaniyang panayam sa APP. Hangarin ng koponan na mapabilang sa mga prestihiyosong liga na makapagbibigay sa kanila ng pagkakataong magpakitang-gilas sa harap ng libo-libong tagahanga nito.

Bukod sa kahilingang makatapak sa entablado ng UAAP, makatutulong umano para sa mga manlalarong Lasalyano ang pagkakaroon ng sapat na suporta mula sa DLSU. Kaugnay nito, kasalukuyan pa ring umaasa si Tolentino sa panahong magiging bukas na ang lahat ng mga patimpalak at pamantasan para sa tumitibay na industriya ng Esports.

“Most, if not all Esports orgs in the country, start off with a passionate set of individuals who put time and effort into growing their own orgs with minimal help from their respective school admins. . . [despite that] what we do is legitimate and not just for fun,” pagbibigay-diin ni Tolentino hinggil sa mailap na pagtanggap sa kanila ng mga tagapangasiwa ng departamentong pampalakasan sa loob ng mga unibersidad.

Pagkasa sa bagong kabanata

Bagamat kulang ang natatanggap na pribilehiyo, malaki pa rin ang naiaambag ng mga  pangkolehiyong samahan sa pagdadala ng pangalan ng kani-kanilang pamantasan sa mga bigating paligsahan. Bunga ng kanilang dedikasyon sa pagkamit ng mga pangarap, umaangat ang husay at tatag ng mga dekalibreng estudyanteng manlalaro mula sa dumadagsang pribilehiyong kanilang natatamasa sa EAA tulad ng academic sholarships, ekslusibong esports classes, at buwanang online tournaments  kasama ang mga tanyag na Esports team sa bansa.

Naniniwala si Arianne Lim, co-founder at direktor ng EAA, na maisasakatuparan ang pagsibol ng likas na talento ng mga manlalaro sa pamamagitan ng kanilang mga programa. “Kahit naman sa campus lang ‘yung league [na sinasalihan] mo, later on, kung maganda ‘yung production [ng mga programa ng EAA], you will have the same treatment as pro player eh,” pagbabahagi ni Lim sa podcast ng EAA ukol sa epekto ng kanilang mga inisyatiba sa mga estudyanteng manlalarong nais makahantong sa mga pro-league competition.

Kapansin-pansin naman ang pag-usbong ng Esports sa bansang naniniwala at humahanga sa abilidad ng mga manlalarong Pilipino. Naisakatuparan ito nang yanigin ng koponang Team Sibol ang Southeast Asian Games 2019 matapos masilat ang gintong medalya sa Esports. Sa parehong taon, nakamit ng mga estudyanteng manlalaro ang kauna-unahang international stint ng Pilipinas sa larong Valorant.

Sa kabila ng mga napasinayaang titulo, tila matamlay at makulimlim pa sa ngayon ang panahon para sa pinapangarap na pagbuwelo ng Esports sa UAAP. Gayunpaman, patuloy pa ring umuusbong ang mga programang hatid ng EAA para sa mga manlalaro. “There’s a lot of opportunity to do international [Esports tournaments] when the quarantine is over,” wika ng direktor ng EAA sa kaniyang pangakong tutuparin ang kahilingan ng mga estudyanteng manlalaro na makatapak sa mga prestihiyosong kompetisyon.

Inaasahang magiging malaking hakbang para sa yumayabong na industriya ng Esports ang pagsuyod sa posibilidad na mapasama sa UAAP ang mga bagong kinagigiliwang laro ng kabataang Pilipino. Kasabay ng pag-agos ng samu’t saring parangal na napasakamay ng mga manlalarong Pilipino, hindi na mapipigilan ang paglakas ng alingasngas ng Esports na kayang makapukaw ng atensyon ng mga tagahanga ng UAAP.