PINAIGTING ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang layunin nitong maitaguyod ang prinsipyong Lasalyano na pagiging inklusibo at mapagmalasakit sa pamamagitan ng pagtatatag ng Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-being (LCW). Inaasahang magiging opisyal na tanggapan ang nasabing yunit sa susunod na taon, AY 2021-2022.
Ipinaliwanag ni Fritzie Ian De Vera, Vice President for Lasallian Mission, na maaari pa lamang maging ganap na tanggapan ang LCW sa susunod na akademikong taon pagkatapos ng transisyon nito na magsisimula sa ikalawang termino ng AY 2020-2021. Paglilinaw niya, “Hopefully by next academic year, it will be a center already [which] will be supported by a structure. Ngayon kasi, wala pa siya.”
Kaagapay sa tagumpay
Inilahad ni De Vera sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na manggagaling muna sa iba’t ibang yunit ng Pamantasan ang bubuo at magbabantay sa mga programa at polisiyang itataguyod ng LCW bunsod ng moratorium na dulot ng pandemya. “Hindi pa tayo makapagform ng plantilla. . . kasi naka-freeze hire tayo,” paliwanag niya.
Sa kabilang banda, pangungunahan ni Estesa Xaris Que Legaspi, chair ng departamento ng Counselling and Educational Psychology, ang operasyon at transisyon upang mapagtibay ang proseso at serbisyo ng nasabing yunit. Sinubukan ding kunin ng APP ang kaniyang pahayag upang mas mapalawig pa ang impormasyon ukol sa kaniyang mga plano ngunit wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan.
Batay naman sa ibinahaging burador ni De Vera sa APP, katuwang ng LCW ang Office of the Vice President for Lasallian Mission, Psychology Department, at Counseling and Educational Psychology Department (CEPD). Bahagi rin ang Office of Counseling and Career Services (OCCS) na tutugon sa pangangailangan ng mga estudyante, Health Services Office (HSO) na para naman sa mga guro at iba pang miyembro ng Pamantasan, at ang Student Discipline Formation Office na tutulong sa pagpapatupad ng mga polisiya ukol sa gender-based sexual harassment.
Makikipag-ugnayan din ang yunit sa mga panlabas na katuwang gaya ng New Ways Ministry, Psychological Association of the Philippines, at Society of Industrial and Organizational Psychologists.
Pagsulyap sa tungkuling gagampanan
Ibinahagi ni De Vera na tugon sa pambansang batas na Safe Spaces Act at Mental Health Act ang pangunahing layunin ng yunit. Pangangasiwaan nito ang pagbubuo at pagpapatupad ng mga polisiyang kaugnay ng mga nabanggit na batas, at aatasan din itong maglunsad ng mga programang makapagpapataas ng kamalayan ng mga Lasalyano ukol sa safe spaces at mental health.
Bilang halimbawa, binanggit ni De Vera na magiging katuwang nila ang Lasallian Pastoral Office sa paglulunsad ng gender sensitivity training sa ikalawang termino. Dagdag pa niya, sisiguraduhin din nilang maibabahagi sa pamayanang Lasalyano ang mga programa at proseso ng yunit sa pamamagitan ng pag-aanunsyo sa mga plataporma ng social media at Help Desk Announcements.
Bukod pa rito, magsisilbi ring kalihim ng komite sa Decorum and Investigation (CODI) ang LCW at magiging tanggapan din ng mga isusumiteng kaso ukol sa sexual harrassment, ayon sa ibinahaging burador ng OVPLM sa APP. Dahil dito, naniniwala si De Vera na mas matututukan at matutugunan ang mga isyung may kinalaman sa dalawang nabanggit na batas.
Binalikan din ni De Vera ang inilunsad ng CEPD, OCCS, at Psychology department na telepsychology (TLC) upang gabayan at payuhan ang mga estudyante, propesor, at kawani ng DLSU. Ayon sa kaniya, “[Mula rito,] narealize [naming] nangangailangan talaga ng. . . tulong sa counselling [ang karamihan sa faculty and staff] especially ngayon. . . kakaiba rin ‘yung stress na naidudulot nito.” Dahil dito, ipinahayag ni De Vera na magiging bahagi rin ito ng LCW.
Pagpapahalaga sa kaligtasan at kalusugan
Sa kabuuan, inilahad ni De Vera na malawak ang saklaw ng LCW dahil sakop nito ang mga isyu ukol sa inklusyon, dibersidad, pagkatao, kasarian, relihiyon, at politikal na paniniwala. Pagdidiin niya, “We recognize na our students and our faculty come from diverse backgrounds. . . So the center tries to capture or be more comprehensive sa sakop nito.”
Kaakibat ng tagumpay sa pagsasabisa nito ang pagtitiyak na nakikinabang ang buong pamayanang Lasalyano sa mga serbisyong handog ng LCW. Wika ni De Vera, “Ninanais ng [DLSU] na maging inclusive. . . dahil may [iba-iba] tayong background [at] diverse ‘yung pinanggalingan natin [and] we have specific needs.”