Laban para sa mga karapatan, laban para sa bayan: Kahalagahan ng UP-DND Accord, tinalakay ng CEGP


KINONDENA ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) sa isang talakayan ang pagwawakas ng administrasyong Duterte sa kasunduang University of the Philippines-Department of National Defense (UP-DND) Accord, Pebrero 9. 

Layunin ng nasabing kasunduan na mapanatili ang demokrasya at akademikong kalayaan sa unibersidad sa pamamagitan ng pagpigil sa pagpasok ng state forces, tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), sa loob nito. Nakapaloob sa kasunduang ito na nararapat munang magbigay-abiso ang militar at kapulisan bago sila magsagawa ng anomang operasyon sa loob ng kampus.

Gayunpaman, matatandaang pinagsawalang-bisa ni DND Secretary Delfin Lorenzana ang nasabing kasunduan noong Enero 18 dahil nagkakaroon umano ng recruitment ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) sa loob ng nasabing institusyon. Kusang winakasan ni Lorenzana ang kasunduan at wala umano siyang natanggap na utos mula sa Pangulo.

Kaugnay nito, naglabas ang AFP ng listahan ng mga paaralang nagsasagawa umano ng recruitment ng NPA. Ilan sa mga pamantasang naisama sa listahan ang De La Salle University, Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, Far Eastern University, at Polytechnic University of the Philippines.

Ibinunyag din ng AFP ang ilang pangalan ng mga indibidwal mula sa UP alumni na bahagi umano ng NPA.  Ilan dito ang nasawi pa umano sa pakikipag-engkwentro ngunit isinaad ng CEGP na walang katotohanan ang pahayag na ito sapagkat nakuhanan pa ng panayam ng iba’t ibang news program ang ilan sa mga indibidwal na nasa listahan.

Ipinahayag din ng CEGP na batid ng administrasyon na kaunti lamang ang makakikilos at makalalabas upang lumaban at sumamang makibaka dahil sa banta ng COVID-19. Wika nila, “Ginagamit ng rehimeng ito ang pandemya at krisis natin na nararanasan sa pang-ekonomiya kaya’t buo at malakas ang loob nila na magkaroon ng mga ganitong human rights violation sa atin.”

Bunsod nito, nananawagan ang CEGP kasama ang iba’t ibang progresibong grupo para sa pagtatanggol sa nasabing unibersidad at sa karapatan ng mga mamamayan. “Duterte, AFP, PNP, keep out of our schools,” giit nila. 

Paglilinaw ng organisasyon, hindi lamang ang akademikong kalaayan ang naaapektuhan sa pagsasawalang-bisa ng UP-DND Accord. Manipestasyon umano ito ng lantarang pag-atake sa makasaysayang papel ng naunang henerasyon ng kabataang nakibaka para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa CEGP, isinaad nilang sa pagpapasawalang-bisa ng nasabing kasunduan, dahan-dahang ipinatutupad ng militar ang paghaharing diktador at inilalagay ang batas sa kanilang mga kamay. Lalo ring tinatanggalan ng kalayaan ang mga mamamayan sa pagpapahayag nila ng kanilang mga saloobin. Sa pagsasawalang-bisa ng UP-DNP Accord, hindi na kailanman magiging ligtas mula sa intimidasyon at pang-aabuso ng kapulisan ang mga mamamayang nakikiisa at nakikibahagi sa mga isinasagawang aktibidad sa loob ng nasabing unibersidad.

“Kamatayan ito ng mga lugar o institusyon na nagtataguyod ng progresibong kaisipan at alternatibong solusyon sa mga kriminal na kapalpakan at kapabayaan ng pamahalaan na tugunan ang mga demokratikong panawagan ng mamamayan,” pagdidiin ng CEGP.

Bunsod nito, inaanyayahan ng CEGP ang masa na pag-isahin ang lakas ng bawat isa, tulad ng mga naging hakbang na isinagawa noong Pebrero 1971 sa pag-aalsang tinawag na Diliman Commune. Panghihikayat ng CEGP, dalhin ang mga panawagan at pagkilos mula online tungo sa pamantasan at lansangan dahil sa pamamagitan nito, mas natutupad at lumalakas umano ang puwersa nito.

Pagbabahagi ng CEGP sa APP, malaki rin ang gampanin ng kabataan sa isyung ito kaya hinimok nila ang lahat ng pangmag-aaral na publikasyon na ipagpatuloy ang paglalathala ng mga artikulo at pahayag ukol sa mga isyung nararanasan ng sambayanan at ng mga kapwa estudyante.

“. . . Tutulan ang isa na namang nag-aastang diktador na nagdudulot ng paghihirap sa ating mga Pilipino sa kasalukuyan,” pagtatapos ng CEGP.