KINUMPIRMA ng De La Salle University (DLSU) standouts na sina Jamie Malonzo, Tyrus Hill, at Andrei Caracut ang kanilang pagtahak sa mundo ng propesyonal na liga matapos ang pagsali sa Philippine Basketball Assocation (PBA) draft 2021 sa darating na Marso 24.
Hindi man nakamit ng DLSU Green Archers ang puwesto sa final four sa nakaraang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 82 Men’s Basketball Tournament, pinatunayan pa rin ng koponan ang kanilang lakas at husay matapos mapabilang ni Green Archer Malonzo sa Mythical 5 ng nasabing torneo.
Panibagong simula sa PBA
Sa ika-46 na taon ng PBA draft, muling magpapakitang-gilas ang mga baguhang manlalaro mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas upang makakuha ng pagkakataong mapasama sa mga koponang maglalaro sa susunod na edisyon ng torneo.
Nagsisimula ang PBA draft sa pagsasaayos ng draft order ng mga koponan ilang linggo bago ang mismong araw ng pagpili. Nagkaroon naman ng pagbabago sa pagpili ng order ng draft na ibinatay ngayon sa posisyon ng mga koponan pagkatapos ng elimination round ng nakaraang Philippine Cup.
Sa ikatlong sunod na pagkakataon, nakuha ng Terrafirma Dyip ang top pick na magbibigay ng pagkakataong makuha ang isa sa pinakamagagaling na manlalaro ng draft ngayong taon. Maaasahan din sa isasagawang draft ang iba’t ibang klase ng talentong nag-aabang sa mga koponan ng PBA, kabilang na ang DLSU standouts.
Sa likod ng mga tropeo
Ipinamalas nina DLSU Green Archers Malonzo, Hill, at Caracut ang kanilang dedikasyon sa paglalaro para sa Pamantasan sa pamamagitan ng pagsasapuso ng kanilang identidad bilang mga Lasalyano sa bawat laban.
Katatagan at determinasyon ang ipinakita ni Caracut bilang team captain ng Green Archers hanggang sa huling laro ng koponan. Hindi rin malilimutan ng mga manonood ang poster dunk ni Malonzo kay Ateneo Blue Eagle Thirdy Ravena noong nakaraang UAAP Season 82. Samantala, agaw-pansin din ang galing at talento ni Hill sa paglalaro ng basketball bukod pa sa kaniyang taas na 6’5.
Bilang isang one-and-done player ng koponan, binanggit ni Malonzo sa isang panayam ng Rappler ang dahilan ng kaniyang pagbabalik sa Pilipinas. “I always wanted to come back here [in the Philippines]. I never got the chance because I was so busy in basketball in the States,” ani Malonzo.
Binalikan naman ng dating Green Archers team captain na si Andrei Caracut ang kaniyang mga saloobin sa huling laro ng koponan. “Nag-sink in ‘yung lahat ng pinaghirapan ko ‘yung after ng UP game. Naiyak ako doon eh, parang, tapos na. Pero [kahit hindi kami nakapasok sa Final Four], masaya naman ako kasi nabigay ko ‘yung best ko,” pagbabahagi ni Caracut sa isang panayam ng CNN Philippines.
Susunod na yugto para sa Green Archers
Pinanindigan ni Green Archer Malonzo sa kaniyang panayam sa CNN Philippines na hindi niya kakaligtaan ang pamantasang minamahal niya, “I love Animo and I will always be Animo forever.” Labis din ang kaniyang pasasalamat sa buong komunidad ng DLSU sa walang sawang pagsuportang ibinibigay nila sa bawat laro.
Matatandaang nakapagtala si Malonzo ng average na 15.8 puntos at 9.8 rebounds noong nakaraang season upang selyuhan ang kaniyang puwesto sa Mythical 5. Sa kabilang banda, buong-loob namang tatahakin ni Green Archer Hill ang mundo ng PBA matapos isiwalat ang desisyon dulot ng pagkakansela ng UAAP Season 83.
Malalaman sa darating na Marso 24 ang mga manlalarong may potensiyal na makamit ang kanilang pangarap na maging isang propesyonal na manlalaro ng basketball. Tiyak na kaabang-abang ang PBA draft para sa mga manlalaro mula sa DLSU sapagkat baon nila ang puso at lakas na taglay ng isang Green Archer na dadalhin nila patungo sa PBA