Pagtatalaga kay Acis sa COA, pinangasiwaan sa LA Session


HINIRANG bilang Vice Chairperson for Administration ng Commission on Audit (COA) si Kaycee Acis, kasalukuyang officer-in-charge for Administration ng COA, sa sesyon ng Legislative Assembly (LA), Enero 29. 

Ipinagpaliban naman ang ikalawang resolusyon ukol sa pagsasakatuparan ng mga rekisito ng COA para sa clearance ng University Student Government (USG). Giit ni Michele Gelvoleo, mula Laguna Campus Student Government (LCSG), kinakailangan pa nilang isangguni ang nasabing resolusyon bago enmiyendahin.

Pagsisiyasat sa plataporma

Nakatanggap ng pag-endoso si Acis mula kay USG President Lance dela Cruz kasama ang executive committee. Kaugnay nito, inihayag niya ang kaniyang mga plano para sa COA sa kaniyang panunungkulan.

Katulad ng mga inilatag na plataporma ng mga itinalagang  Chairperson at  Vice Chairperson for Audit ng COA na sina Aimee Joyce Gepte at Rafael Laya noong Enero 15, nakapokus din si Acis sa kagustuhang maipakilala ang COA sa pamayanang Lasalyano dahil hindi ito gaanong kilala noong mga nagdaang administrasyon. Aniya, “We [want] to increase our presence sa social media [because] everything is. . . online so we. . . have to be more exposed.”

Layunin din ni Acis na makapagsagawa ng mga aktibidad ukol sa pag-aawdit at makipag-ugnayan sa ibang organisasyon para rito. Bukod pa rito, nais din niyang ibahagi ang proseso ng pag-awdit at paalalahanan ang mga opisyal ng USG sa mga kinakailangang dokumento.  

Pinuri naman ni chief legislator Brendan Miranda si Acis sa pagkakaroon ng konkretong plataporma. Aniya, “We hope that COA gets to be known more to the student body since your office is very important in ensuring transparency and accountability in the USG.”

Ulat mula sa tatlong komite ng LA

Kinumusta rin ni Miranda ang mga chairperson ng tatlong komite ng LA ukol sa mga kaganapan sa kani-kanilang komite. 

Pagbabahagi ni Allen Aboy, chairperson ng komite ng Student Rights and Welfare, magpapadala sila sa Student Media Groups (SMG) ng kopya ng kanilang online class proposal. Naglalaman ito ng mga rekomendasyon sa patakaran ng online learning, na inaprubahan noong nakaraang sesyon, Enero 22, at ilalahad sa Academics Council sa Pebrero 10.

Ipinahayag naman ni Gelvoleo, chairperson ng komite ng Rules and Policies, na isasangguni nila ang pagsasakatuparan ng mga rekisito ng COA para sa clearance ng USG upang masigurong malinaw ito para sa lahat. Ayon naman kay Ethan Rupisan, chairperson ng komite ng National Affairs, parati silang nakaantabay sa mga pambansang isyu. 

Sa pagtatapos ng sesyon, inanunsyo naman ni Miranda na nais niyang humingi ng tulong sa SMG para sa panghihikayat sa mga estudyante na bumoto upang masigurong magagamit ng lahat ang kanilang karapatang bumoto.