Tatlong magkaibang liderato, pinag-isang bisyon: Pagkilatis sa mga patakarang inihandog ng tatlong komite ng LA


Likhang-sining ni Elisa Lim

IPINASULYAP ng mga nanungkulang chairperson ng tatlong komite ng Legislative Assembly (LA) ang mga platapormang naipatupad kasabay ng pagtatapos ng kanilang termino. Kabilang ang mga komiteng Student Rights and Welfare (STRAW), Rules and Policies (RnP), at National Affairs (NatAff) sa mga nagsusulong ng mga inisyatibang may kinalaman sa mga pangyayari sa loob at labas ng Pamantasan.

Matatandaang nagkaroon ng panibagong pagtatakda sa mga komite ngayong unang termino ng kasalukuyang akademikong taon bunsod ng sabay-sabay na pagbibitiw ng mga kinatawan ng LA sa kani-kanilang posisyon. Bunga naman ng naturang pagbabago ang maikling termino ng panunungkulan ng tatlong chairperson na itinalaga.

Pinangungunahan na rin ng LA ang pagtitiyak sa maayos na turnover sa mga susunod na maihahalal. Isinaalang-alang dito ang magkakasabay na pagsumite ng Leave of Absence (LoA) ng mga kinatawan dahil sa darating na General Elections (GE).

Katapatan sa platapormang inihain

Ipinasilip ng mga chairperson ng tatlong komite na sina Brendan Miranda, STRAW, Michele Gelvoleo, RnP, at Ethan Rupisan, NatAff, sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kanilang mga naipanukala sa kabila ng mas maikling termino. Tiniyak din nila ang pagpapatuloy sa hangarin ng nakaraang panunungkulan at pagsisikap sa pagtataguyod ng mga platapormang kanilang inilatag noong naitalaga.

Ibinahagi ni Miranda sa APP ang mga polisiyang inihain ng komiteng STRAW, gaya ng DLSU Safe Spaces Policy and Program at DLSU Mental Health Policy na naipasa katuwang ang Office of the President. Matatandaang ito rin ang mga binanggit niyang itataguyod na polisiya nang hirangin siyang bagong chairperson ng komite.

Isa pa sa inaprubahan ng LA ang isinulong ni Miranda na manwal para sa paghahain ng grievance. Ayon kay Miranda, agad na pinagtuunan ng kanilang komite ang pagpasa rito bunsod ng mga suliraning patuloy na kinahaharap ng mga Lasalyano sa online learning. “This is actually an important resolution. . . to ensure the strict enforcement of policies that govern the rights and welfare of students,” pagtitiyak niya.

Tinutukan naman ng RnP ang pagpapaigting ng kaalamang pangkonstitusyon na itinaas ni Gelvoleo bilang plataporma. Kumonsulta ang komite sa mga kinatawan ng LA at mga sangay ng University Student Government (USG) upang maipaalam ang mga rebisyong ipinataw sa konstitusyon.

Gayumpaman, binanggit ni Gelvoleo na hindi naasikaso ng komite ang manwal ng LA bunsod ng kakulangan sa oras. Bigo rin si Rupisan sa pagpapatibay ng plataporma niyang pagsasagawa ng mga awareness campaign ukol sa mga minorya sa Pilipinas sa parehong dahilan. 

Halaga ng mga pagbabagong itinaguyod

Inaprubahan din ng Academics Council ngayong termino ang Standardized Guidelines on Deadlines for Graded Outputs na layong makapagbigay sa mga Lasalyano ng sapat na oras para sa kanilang paggawa ng rekisito ng mga minor at major na asignatura. Nakabatay ang panukalang ito sa sarbey na inilabas ng komite bago ang pagsisimula ng online na klase noong Hulyo. Ayon kay Miranda, binubuo pa ang mga pamantayan sa pagtukoy ng uri ng gawain bago ito ganap na maimplementa.

Ipinaalam niya rin ang nabuong proyekto ng STRAW kasama ang Dean of Student Affairs na Operation E-ducation: Reimagining Online Learning. Nilalayon nitong makuha ang pahayag ng mga Lasalyano ukol sa kanilang karanasan sa online na klase, upang makatulong sa paggawa ng mga hakbang na makapagpapabuti sa sistema ng online na edukasyon sa Pamantasan.

Ipinahayag din ni Miranda ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga estudyanteng atleta, sa pamamagitan ng inisyatiba ng STRAW na layong palawigin ang akses nila sa scholarship, allowances, at training.

Samantala, ibinahagi naman ni Gelvoleo na tinuloy ng RnP ang inisyal nitong plano mula sa nakaraang chairperson. Kasama rito ang pagtitiyak na naisagawa ng mga tagapagtaguyod ang mga pagbabago para sa Partisanship Resolution.

Sentro rin ng RnP ang mapagtibay ang kamalayan ng mga Lasalyano sa konstitusyon at pamamalakad ng USG. Kaugnay nito, patuloy ang komite sa paglalathala ng mga publicity material na nagbibigay ng impormasyon ukol sa paparating na plebisitong konstitusyonal.

Paghahanda sa bagong panunungkulan

Kabilang sa plano ng STRAW na ipasa sa susunod na manunungkulan ang makakalap na datos mula sa panibagong sarbey ukol sa online learning. Sa pamamagitan nito, nilalayon ni Miranda na makabuo pa ng mga polisiya ukol sa pagpapabuti ng sistema ng online na edukasyon sa Pamantasan.

Pokus naman ng RnP ang pagkakaroon ng maayos na transisyon para sa maihahalal na opisyales. Kabilang sa paghahanda nila ang paglalagay sa LA Vault ng mga naipasa at mga nakabinbing resolusyon ng LA. Inaasahan ni Gelvoleo na magsisilbi itong sapat na sanggunian ng mga susunod na manunungkulan para sa mga polisiyang natalakay na ng lupon.

Pagpapanatili naman sa malayang pananalita ang ipagpapatuloy ng komiteng NatAff hanggang sa pagtatapos ng termino. Ayon kay Rupisan, patuloy nilang babantayan ang mga pangyayari sa bansa.

Isinapinal din ng LA ang mga pagbabago sa plebisito ng konstitusyon. “I encourage everyone to read our proposed amendments to make sure that. . . we are able to further strengthen checks and balances in the USG,” paghihikayat ni Miranda sa mga estudyante na siyasatin ang plebisito dahil nakasalalay sa boto ng mga Lasalyano ang pagpasa rito.

Ibinigay rin ni Gelvoleo ang kaniyang mensahe para sa mga botante. “Piliin ang mga kanditato na. . . nararapat para maging kanilang mga representatives sa mga susunod na termino,” paghahangad niyang makapaglilingkod ang mga maihahalal  bilang tagapag-ugnay ng USG sa mga Lasalyano.

Hangad ng tatlong liderato ang wastong pagpili ng mga Lasalyano ng mga bagong tagapaglingkod. Pagpapaalala pa ni Rupisan sa mga Lasalyano, “Lumaban sa kung ano ang tama at huwag matakot sa pagbubunyag ng mga mali na nangyayari sa ating lipunan.”