Kauna-unahang Automated Make-Up Elections, isasakatuparan na


Likhang-sining ni John Mauricio

KASADO NA ang Automated Make-up Elections pati na rin ang University Student Government (USG) Constitutional Plebiscite sa pangunguna ng De La Salle University Commission on Elections (DLSU COMELEC) katuwang ang User Experience Society (UES), La Salle Computer Society (LSCS), at Legislative Assembly (LA). 

Pangangasiwa sa unang automated elections

Ibinahagi ni COMELEC Chairperson John Christian Ababan sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na bumuo sila ng isang self-hosted website katuwang ang UES at LSCS para sa gagamiting plataporma sa eleksyon. Aniya, pinili nilang magself-host upang mapadali ang pagresolba sakaling magkaproblema ang naturang website. 

Hangad naman ng COMELEC na ipaskil ng Information Technology Services (ITS) Office sa site ng Pamantasan ang gagamiting website para sa eleksyon. Paliwanag ni Ababan, makatutulong ito sa seguridad dahil maaaring magsagawa ng security checkups ang ITS at matitiyak din ng mga estudyante na tama ang site na kanilang pupuntahan.

Binanggit din ni Ababan na LSCS ang mamamahala ng naitatag nilang website habang ang mga COMELEC commissioner ang magsusuri ng mga nilalaman nito. Si Ababan naman mismo ang magtatalaga ng pagtatapos ng botohan at pagsisimula ng pagbibilang ng mga balota.

Nais din ng komisyong magbukas ng klase sa AnimoSpace para sa voters’ education. Ani Ababan, magpapaskil sila rito ng mga anunsyo at patnubay sa proseso ng eleksyon.

Suliranin sa online na halalan

May ilang hamong dala ang pagiging online ng eleksyon ngayong taon, ayon kay Ababan. Una na rito ang maaaring hacking at interference mula sa third parties. Bilang tugon dito, inilahad ni Ababan na isasara ang botohan tuwing ika-10 ng gabi at tatandaan ng COMELEC ang voter turnout nang ganitong oras para ikompara sa voter turnout sa susunod na araw, ika-9 ng umaga. 

Pangamba naman ng chairperson ang oversaturation ng mga materyal sa social media lalo na sa AnimoSpace. Paliwanag niya sa APP, ”Oversaturated na sa online ang mga estudyante, especially canvas, notifs gano’n―baka assignment na naman. Hamon para sa’min paano ma-entice ang mga estudyante para busisiin at tingnan [ang publicity materials].”

Bukod sa mga nabanggit, inilahad din ni Ababan na maaaring nagtitipid ang ibang estudyante sa mobile data kaya naman plano nilang ilagay rin sa mga komento o sa caption ang nilalaman ng mga post.

Tinukoy rin ni Ababan na magiging hamon din sa kanila ang pagbabantay sa mga kandidato at kani-kanilang partido dahil sa laki ng sakop ng social media. Aniya, pinaalalahanan na nila ang lahat ng bahagi ng COMELEC pati ang mga boluntaryo nito na maging mapagmasid sa iba’t ibang plataporma ng social media ng bawat kandidato at partido para sa anomang katiwalian. 

Pagpapanatili ng maayos at patas na eleksyon

Ibinahagi ni Ababan na hindi na gagamit ng papel na balota ngayong GE 2021 dahil sa website na lamang tutungo ang mga estudyante upang makaboto. Sa paggamit ng website, maiiwasan na rin ang pangangampanya sa lugar ng botohan. 

Nilinaw din ng chairperson na kusang bibilangin ng sistema ang lahat ng botong matatanggap nito kaya minimal na lamang ang interaksyon sa mga balota. Aniya, mapapabilis na rin ang pagpapabatid ng resulta ng botohan sa tulong ng automated system.

Marami mang pagbabago, tinitiyak pa rin ng COMELEC ang kaayusan at pagiging patas sa eleksyon gaya ng pagpapanatili ng confidentiality ng mga boto. Dagdag pa ni Ababan, COMELEC chairperson at mga commissioner lamang ang may akses sa website at malalaman lamang nila ang mga boto pagdating ng canvassing. 

Binigyang-diin din niyang huwag ilahad sa iba ang password na ibibigay sa kaniya-kaniyang email dahil ito ang gagamitin sa pag-log-in para makaboto. Bukod dito, ipinaalala niya sa mga kandidato at partido na major offense ang anomang uri ng voter harassment at masususpinde sila sa pangangampanya sakaling mangyari ito. 

Hindi lingid sa kaalaman ng pamayanang Lasalyano na isyu na ang voter turnout noong mga nakaraang taon. Umaasa naman si Ababan ngayong taon na makuha ang interes ng mga botante dahil online na ang eleksyon sa halip na pisikal. Kaugnay nito, hinihikayat niya ang mga Lasalyano na gamitin ang kanilang karapatang bumoto. Wika niya, “Kung gusto nilang ma-represent sila ng eleksyon, importante na makapag-cast sila ng vote ngayong eleksyon.”