TINALAKAY sa webinar na Principles in Equitable Roll Out of a COVID-19 Vaccination Program in the Philippines ang mahahalagang impormasyong kinakailangang alamin ng mamamayan hinggil sa pamamahagi ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19). Pinangunahan ito ng Philippine College of Physicians at Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID), Enero 25.
Binigyang-linaw sa usaping ito ang mga karaniwang katanungan ng mamamayan ukol sa pagpapabakuna laban sa COVID-19. Kabilang sa tinalakay ang pag-aalinlangan ng taumbayan dulot ng pangamba at ang mga karapatan ng mamamayan ukol sa pagpapabakuna.
Responsibilidad ng pamahalaan at komunidad
Nagsimula ang talakayan sa pangunguna ni Dr. Angeles Tan-Alora, tagapayo at dating pangulo ng PSMID, na nagpaliwanag ukol sa mga isyung etikal hinggil sa pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19. Aniya, kinakailangang bigyang-priyoridad ang mga nakatatanda at mga high-risk frontliner. “We have to choose a vaccine and we must use it efficiently,” ani Tan-Alora.
Iginiit din ni Tan-Alora na hindi maaaring piliting magpabakuna ang isang mamamayan. Paliwanag niya, kinakailangan umanong respetuhin ang kanilang desisyon at ibigay ang mga hinihinging impormasyon, katulad ng proseso nito, mga posibleng epekto ng bakuna, at mga organisasyong may kinalaman dito.
Nanawagan naman si Tan-Alora sa gobyerno na maglunsad ng grupo ng mga eksperto upang mamahagi ng nasabing bakuna. Giit niya, “You get the experts to help you. Let them make a policy for the procurement, allocation, and administration of the vaccine.” Bukod dito, nararapat umanong manatiling tapat at kumpleto ang impormasyong ipinamamahagi sa mamamayan. Tinapos ni Tan-Alora ang unang bahagi ng talakayan sa paghikayat sa mamamayang maging responsable sa pagkalap ng impormasyon. “Be informed. Please listen to reliable sources. . . Learn to discern,” wika niya.
Kawalan ng pagkakapantay-pantay ngayong pandemya
Tinalakay naman ni Dr. Nina T. Castillo-Carandang, Health Social Scientist at propesor mula sa University of the Philippines-Manila, ang mga isyu hinggil sa kawalan ng pagkakapantay-pantay sa programa ng pagbabakuna laban sa COVID-19 ngayong panahon ng pandemya.
Sinimulan niya ito sa pagtalakay sa sinabi ni Rohwerder na, “COVID-19 and responses to it have triggered a global crisis that extends beyond health impacts. . . pre-existing inequalities are being exacerbated and deepened.” Ayon kay Castillo-Carandang, tumutukoy ang isyung ito sa kahirapan, mga polisiya sa lipunan, pagkakapantay-pantay sa kasarian, proteksyon, pagpapalakas, at pananagutan.
Nang mapalalim ang diskusyon, ibinahagi ni Castillo-Carandang na nakaaahon ang mamamayang maykaya mula sa epekto ng pandemya sa loob lamang ng siyam o sampung buwan. Samantala, nakararanas naman ng “inequality virus” o paglaganap ng ‘di pagkakapantay-pantay sa iba’t ibang aspekto ng buhay ang mga nasa laylayan. Aniya, “. . . for those who are rich nothing seems to have changed, so the inequality virus not only COVID-19 epidemic or the SARS-CoV-2 virus.”
Bukod dito, binigyang diin din ni Castillo-Carandang ang tumataas na kaso ng online sexual exploitation at ang kawalan ng proteksyon ng 55% ng populasyon ng buong mundo mula sa maaaring maging epekto ng pandemya. Bilang pagtatapos, nanawagan si Castillo-Carandang na kailangang magkaroon ng pagbabago sa sistema upang masigurong walang maiiwan lalo na ang marginalisadong sektor ng lipunan dahil karapatan umano ang pagkakaroon ng maayos na kalusugan.
Priyoridad sa pamamahagi ng bakuna
Ipinaliwanag ni Dr. Napoleon Arevalo, direktor ng Disease Prevention and Control Bureau ng DOH, ang layunin ng pagbabakuna at ang listahan ng mga unang makatatanggap ng bakuna kontra COVID-19. Alinsunod umano sa mga alituntunin ng World Health Organization ang ginawang prioritization list ng DOH.
Hinati sa tatlong hanay ang nasabing listahan—Priority Eligible Group A, B, at C. Ayon kay Arevalo, nabibilang ang mga frontline healthcare worker, indigent senior citizens, natitirang senior citizens (SC), natitirang indigent population (IP), at uniformed personnel, katulad ng PNP at AFP, sa Priority Eligible Group A. Giit ni Arevalo, itong pangkat umano ang dapat unang makatanggap ng bakuna dahil sila ang madaling mahawa at makahawa ng COVID-19.
Kabilang naman sa Priority Eligible Group B ang mga guro at school worker, iba pang manggagawa sa gobyerno, mga essential worker sa labas ng sektor pangkalusugan, sektor pang-edukasyon, sektor sa kagalingang panlipunan, mga socio-demographic group, at mga itinuturing na ‘higher risk than SCs and IPs,’ tulad ng Person with Disability at Person Deprived of Liberty, Overseas Filipino workers, at ang natitirang workforce. Lahat naman ng natitirang Pilipino na hindi kabilang sa Priority Eligible Group A at B ang nabibilang sa Priority Group C.
Inilunsad ang priority list upang bawasan ang mortality at morbidity rate dahil sa COVID-19 at upang itaguyod ang critical essential services sa bansa. Gayunpaman, nakadepende umano ang pamamahagi ng bakuna sa darating na suplay sa bansa. Hangarin ng DOH na bakunahan ang 70 milyong Pilipino kahit hindi sabay-sabay dahil ayon kay Arevalo, “no one should be left behind.”