Tungo sa tagumpay ng kinabukasan: Literasiyang pampinansyal para sa kaunlaran, ibinida sa GFC 2021


ITINAMPOK ang pagpapaunlad ng karunungan at kakayahang pampinansyal sa Global Finance Convention (GFC) 2021: Generating Financial Capabilities na pinangunahan ng Management of Financial Institutions Association ng Pamantasang De La Salle (DLSU), Enero 23.

Nagsilbing mga tagapagsalita sina Edward K. Lee, Chairman at Founder ng Col Securities (HK) Limited, Mariel Vincent Rapisura, President at CEO ng SEDPI, at Shannen Rose Dela Cruz, CEO ng BETK0 Corporation, na nagbahagi ng kani-kanilang napapanahong kaalaman hinggil sa usaping pampinansyal. 

Kalagayan ng stock market sa panahon ng pandemya 

Bilang eksperto sa pananalapi, iminulat ni Lee ang mga tagapakinig hinggil sa katangian ng mga baguhang nag-aasam na magkaroon ng pera, at tinalakay ang kasalukuyang kalagayan ng stock market.

Iginiit ni Lee na hindi magkamayaw ang mga Pilipino sa pagbubukas ng account upang mamuhunan sa stocks. Ngunit, pahayag niya, maraming pumapasok sa mundo ng stock market nang walang sapat na kaalaman at walang pagsasaalang-alang sa posibilidad ng pagkalugi.

Ayon kay Lee, marami ang naglalakas-loob na sumugal sa komplikadong sistema ng stock market dulot ng pandemya. “They are gambling in the stock market,” wika ni Lee sa kaniyang paglilinaw na hindi mainam ang pagtaya ng salapi sa stock ng walang sapat na pag-aaral at karanasan. 

Nagbigay rin ng payo si Lee sa mga nagnanais na bumili ng stock ukol sa kahalagahan ng pagkilatis at pagiging mapanuri sa pamumuhunan.“If you want to keep trading, learn the rules of the game,” paalala ni Lee na tamang kombinasyon ng karanasan at diskarte ang kailangan sa walang kasiguraduhang mundo ng stock market. 

Sa pagtatapos ni Lee, binigyang-diin niyang hakbang tungo sa tagumpay ang pagkakaroon ng malawak at tamang pag-unawa sa kalakaran sa stock market, “When you understand how to do this properly, the world is in your fingertips.”

Pagpaplano para sa kinabukasan

Bilang propesor ng microfinance and social entrepreneurship, ibinahagi ni Rapisura ang kaniyang kaalaman pagdating sa pangangasiwa at pagkontrol sa kalagayang pampinansyal. Sa kaniyang financial life stages framework, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng gabay sa pamamahala ng pera. Aniya, “Personal finance is a life skill that everyone of us should know. Lahat naman [ata] may kaakibat na pera. Most of the activities that we do, meron ‘yan price tag.” Dagdag niya, lubos ding nakatutulong ang financial life stages sa pagiging responsable pagdating sa paggamit ng pera.

Umikot din ang talakayan ni Rapisura sa paglalahad ng tatlong payo para sa mga kabataan hinggil sa usapin sa pera: una, tanggapin ang sarili; ikalawa, gumawa ng plano; at ikatlo, patuloy na matuto. Binigyang-diin niyang dapat kilalanin muna ang sarili upang mahanap ang kasiyahan at kapayapaan dahil naniniwala siyang “hindi pala pera ang magdudulot ng kasiyahan.” Dagdag pa niya, mahalaga ring pagnilayan ang tanong na ‘ano ang nagpapasaya sa iyo?’ upang magkaroon ng motibasyong umpisahan ang pangmatagalang pag-iimpok ng pera.

Bilang karagdagan, hinikayat ni Rapisura ang mga tagapakinig na magsimula sa pagbabadyet habang kinokontrol ang paggastos upang hindi agad maubos at masayang ang pera. Pagbubukas ng sariling account sa bangko at pag-aaplay para sa SSS, Pag-IBIG, at PhilHealth ang ilan sa kaniyang mga payo na maaaring simulan ng mga tagapakinig upang matupad ang kani-kanilang mga pangarap. “Ang pagyaman, napag-aaralan at napagtutulungan!” pagtatapos niya.

Pagnenegosyo sa panahong new normal

Inilahad naman ni Dela Cruz mula sa sektor ng pagnenegosyo ang mga paraan upang gawing “best normal” ang new normal. Ibinahagi niyang sa edad na 18, nakapagtapos siya ng kursong BS in Computer Science major in Software Technology sa DLSU. Gayunpaman, mas pinili niyang magtayo ng negosyo sa halip na ipagpatuloy ang karera sa kaniyang tinapos na programa. 

Pinagtuunan ng pansin ni Dela Cruz ang kasalukuyang estado ng ekonomiya ng bansa. “The economy is not going down rather it is shifting,” paglilinaw niya kasabay ang diskusyon tungkol sa consumer trends sa oras ng krisis. Saad niya, sa tulong ng pag-aanalisa ng consumer trends, nagagawa ng isang indibidwal na lumikha ng ideyang papatok sa panlasa ng masa na maaaring magdulot ng positibong resulta. 

Sumentro rin ang pagbabahagi ni Dela Cruz sa kahalagahan ng ideya at puhunan sa pagsisimula ng negosyo o start-up. Paglalahad niya, hindi siya nagpapigil sa paghahangad na maging negosyante sa kabila ng samu’t saring pagkabigo at unos na kaniyang naranasan matapos ang pagsasara ng ilang negosyong kaniyang sinimulan. 

Sa kaniyang palagay, nararapat na isaalang-alang ang puhunan ngunit mas importanteng tiyakin ang kalidad ng mga ideya. Makailang ulit din niyang nabanggit ang K-Drama series na Start-Up bilang isang magandang representasyon ng kalakaran at kompetisyon sa larangan ng pagnenegosyo. 

Pinaalalahanan din ni Dela Cruz ang mga negosyanteng naghahangad ng tagumpay na huwag kalimutang ngumiti, magkaroon ng sariling pagkakakilanlang nababagay sa sarili at kompanya, maging organisado, at magkaroon ng sapat na tiwala sa sarili. 

Sa huli, iniwan niya ang mga katagang “There’s no secret to success, there’s a system to success!” ni Les Brown upang tuldukan ang kaniyang nakaaantig na pagtahak sa mundo ng pagnenegosyo.