Pagsilang sa mga bagong hari: Bren Esports, hinirang na kampeon sa Mobile Legends: Bang Bang M2 World Championship!


IWINAGAYWAY ng Bren Esports ang bandila ng Pilipinas sa internasyonal na entablado matapos lupigin ang lakas at determinasyon ng Burmese Ghouls (BG), 4-3, sa kanilang best-of-7 championship series sa Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) M2 World Championship, Enero 24, sa Shangri-La Hotel sa Singapore.

Pinangunahan ni KarlTzy ang matagumpay na paghihiganti ng Bren kontra BG na top-seeded team sa playoffs at mismong nagpadapa sa kanila noong unang matchup. Sumupalpal ng kabuuang 45 kill at 57 assist ang child prodigy ng Bren, dahilan upang hiranging final’s Most Valuable Player (MVP) sa naturang laban. Kapit-bisig namang inalalayan ng tambalang FlapTzy at Ribo ang kakampi matapos magsalaksak ng pinagsamang 52 kill at 96 na assist.

Bago pa man magsimula ang sagupaan, nagpamalas na ng matinding bakbakan ang Bren at BG sa drafting phase upang mabinyagan ang lumalagablab na best-of-seven championship series. Binigyang-halaga ng Myanmar-based team ang mabibigat na damage at tank heroes sa Game 1. Pumanig naman ang Bren sa meta heroes upang maibida ang kanilang delayed tactics na magpapagana sa abilidad ng kanilang alas na si Karltzy.

Naging dominante ang Burmese team sa unang anim na minuto ng laro tangan ang kartadang 7-4 at 3000 gintong kalamangan. Nakabwelo naman ang puwersa ng Bren sa pangunguna ni “El Kapitan” Pheww gamit ang scaling champ na si Mathilda habang nasa makipot na bahagi ito ng lord pit. Bunsod nito, tuluyang sinelyuhan ng Bren ang unang yugto matapos makaahon sa pagkabaon, 19-15.

Bitbit ang alab mula sa katatapos na yugto, sinimulan muli ng Bren ang kanilang pamamayagpag sa pamamagitan ng paglimita sa champion pool ng Burmese Ghoul core na si ACE. Patuloy namang dinagit ng Bren ang bentahe gamit ang kanilang best picks nang mapasakamay muli ni KarlTzy ang makasaysayang kampeon nito na si Lancelot.

Bumuhos ang tila makulimlim na kapalaran sa panig ng BG matapos makalasap ng apat na sunod-sunod na pagpaslang mula sa kanilang panig sa panimulang minuto ng tapatan. Hindi naman pinayagan ng Bren ang pag-asang maibaliktad ang kaganapan para sa BG at tuluyang kinandado ang ikalawang serye matapos simutin ni KarlTzy ang plato ng kampo ng Ghouls.

Kakaibang estratehiya naman ang pinaigting ng Bren sa ikatlong kabanata ng grand finals. Bunsod ng panibagong taktika, pumuwesto ang kanilang assassin pick na si Benedetta sa solo-mid at ang Kagura main na si Ribo sa baba, na nagpalito sa map control ng mga katunggali. Sa kabila nito, nahablot ng BG ang turtle advantage na nagbunsod sa pagkamit ng 2000 gintong kalamangan kontra sa Bren. Pinalasap ng pangkat ang pighati ng pagresbak kontra Bren sa dikitang iskor na 11-8, pabor sa BG.

Nagpatuloy ang momentum ng BG matapos basagin ang mga tore ng Bren na nagbunsod sa pagkawala ng kalamangan ng koponan ng Pilipinas. Makalipas ang midgame, pinaralisa ng BG ang galawan ng katunggali karga ng mga crowd-control na tirada ng Jawhead main MayBe kontra sa backliners ng Bren. Nagbigay-daan ito sa pangwakas na opensa ng tambalang Claude at Yi Sun Shin, 22-18, pabor sa Ghouls.

Pinatunayan naman ng Bren na hindi nagpapatinag ang kampo ng mga Pilipino nang balasahin nila ang kanilang champion pool sa pagbubukas ng ikaanim na yugto. Binigyang-buhay nila ang tila matamlay na departamento ng mage champions at ibinandera si Brody para kay KarlTzy para sa dikitang labanan. Sa kabila ng malakas na sustain ng champion composition ng BG, nakayanang butasin ng Bren ang gitnang tore ng BG sa pangunguna ng Alice-Lunox connection nina Ribo at Phew na nagpatabla sa iskor, 3-all.

Pinasinayaan ng Bren ang decisive match kontra BG sa pamamagitan ng pagtibag sa kwerdas habang isinumite nito ang panibagong rotasyon gamit ang Luo Yi–Harith tandem. Hindi naman pinaburan ng Bren ang muling pagbabadya ng delubyo ng katunggali kaya itinuon nito ang laro sa pagpitas kay ACE na kasalukuyang nagtatamasa ng kalamangan pagdating sa resources.

Humagupit naman ang koneksyong Lapu-Lapu at Minsithar na nagpahirap sa opensa ng Bren upang sapilitang ilayo ang pulutong ng katunggali mula sa pag-iskor. Gayunpaman, kinargahan ng Bren ang atake nila hanggang sa umabot ang bakbakan sa ika-11 minuto na nagbigay-daan upang balangkasin ng koponan ang lord objective. Bunsod nito, nabuhayan ang magkatambal na FlapTzy at KarlTzy na sinabayan naman ng ligalig ni Ribo upang mailapit ang korona sa panig ng Piliinas.

Nagamit ng Bren ang diversion skills ni Luo-Yi upang makontrol ang depensa ng naghihikahos na BG. Gayunpaman, hindi na nakapaghintay ang KDA machine ng Pinas KarlTzy nang gamitin nito ang blazing duet kasabay ng zaman force ni Ribo upang mapuntirya at mapabagsak ang Lunox at Lapu-Lapu na nakaabang sa itaas ng mapa. Dito na rin nagsimula ang pag-alsa ng Bren papasok ng kampo at tuluyan nang tinapos ni Ribo ang panghuling salpukan.

Bigong mabaon sa kumunoy ang talaan ng Bren matapos nitong malagpasan ang greedy rotation ng BG sa Game 6 ng kompetisyon. Kapansin-pansin ito nang piliin ng BG ang execute battle spell upang tuldukan ang rambulan sa kabila ng mahinang epekto nito sa late game. Bunsod nito, nahablot ng Bren ang naipundar na bentahe ng katunggali na nagsilbing tulay sa pagtatag ng ikapitong pagtutuos na kanila ring napagtagumpayan.

Nagpapasalamat naman ang MVP na si KarlTzy sa suportang kaniyang natatanggap mula sa mga tagahanga sa iba’t ibang parte ng mundo. “Thank you sa pagsuporta doon [sa M2 World Championship] kahit na ‘yung iba ay nangbabash,” ani ng dekalibreng manlalaro sa kaniyang panayam matapos ang sagupaan.

#BrenLangMalakas—katulad ng katagang pinasikat ng mga tagahanga, pinatunayan ng Bren Esports sa harap ng milyon-milyong tagasuporta ng MLBB sa buong mundo na sila ang bagong hari nito. Itinanghal ang Bren bilang kauna-unahang koponan mula sa Pilipinas na sumungkit sa titulo ng M2 World Championship. Kaakibat nito, naiuwi ng koponan ang hangaring tropeo at $300,000 na premyo, bilang katas ng kanilang pagpupumiglas para sa grand finals ng prestihiyosong torneo.