INAPRUBAHAN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang mga resolusyon ukol sa muling pagrerepaso ng mga pamantayan sa ipinagbabawal na pagpapakita ng political partisanship ng mga opisyal ng University Student Government (USG), at pagpapanukala ng mga inihaing rekomendasyon sa polisiya ng online learning sa Pamantasang De La Salle (DLSU) na ipapasa sa Academics Council (AC), Enero 22.
Rebisyon sa alituntunin hinggil sa political partisanship
Ibinahagi ni Allen Aboy, CATCH2T23, na nagkaroon ng pagbabago sa resolusyon sa ikalawang pagkakataon ukol sa mga patnubay para sa political partisanship ng mga opisyal ng USG. Ayon sa kaniya, binanggit ng Judiciary Department ng USG (USG-JD) na labag sa konstitusyon ng USG ang Sek. 3 ng resolusyon na nagbibigay-karapatan sa mga opisyal ng USG na maghain ng Leave of Absence (LOA) nang walang karampatang parusa.
Batay sa komento ng USG-JD, malinaw na nakasaad sa Art. 21, Sek. 5 ng konstitusyon na hindi maaaring maghain ng LOA ang isang opisyal ng USG maliban na lamang kung tatakbo siya sa darating na general elections. Bunsod nito, awtomatikong nawalan ng bisa ang Sek. 3 ng resolusyon.
Nilinaw naman ni Chief Legislator Brendan Miranda na hindi lumabag sa konstitusyon ang mga kinatawan ng LA na naghain ng LOA upang makasama sa isinagawang Miting de Avance (MDA). Pagpapaliwanag niya, walang nangyaring judicial hearing ukol sa nasabing probisyon kaya hindi ito maituturing na paglabag sa konstitusyon.
Inilahad din ni Aboy ang pagtanggal sa Sek. 2.2 na sumasaklaw sa pag-endoso ng nahalal na mga opisyal sa mga nangangampanyang kandidato, dahil sa mga katanungan ukol sa paglabag sa karapatan ng mga nahalal sa malayang pananalita. Matatandaang kinuwestiyon din ito ni Maegan Ragudo, FAST2018, sa sesyon ng LA noong Enero 13 dahil isinasawalang-bahala nito ang karapatan ng mga opisyal ng USG na lumahok sa eleksyon.
Ibinahagi rin ni Aboy na tinanggal nila sa resolusyon ang pariralang “All Elected USG officers” at pinalitan ito ng “All USG officers.” Bunsod nito, saklaw na rin ng nasabing resolusyon hindi lamang ang nahalal na mga opisyal ng USG kundi pati na rin ang mga itinalagang opisyal.
Sa botong 5-0-0, ipinasa ng LA ang mga pagbabago sa nasabing resolusyon.
Rekomendasyon sa patakaran ng online learning
Samantala, inilatag din ni Aboy at ng mga kasama niyang may-akda ang resolusyon ukol sa mga iminumungkahi nilang polisiya sa online learning. Katuwang ng LA ang Office of Student Affairs (OSA) sa pagsusulong nito at nakatakdang ihain ang resolusyon sa susunod na pagpupulong ng AC.
Inilahad ni Shannon Ho, CATCH2T22, na napag-alaman nila sa isinagawang pagsisiyasat na maraming mag-aaral ang nahihirapan sa dami ng gawaing pang-akademiya at dahil sa kakulangan ng oras para tapusin ito. Bunsod nito, iminungkahi rin nina Ho ang pagkakaroon ng mga miyembro ng faculty ng konkretong talaorasan ng mga gawain upang tiyaking hindi lalagpas sa pito’t kalahating oras kada linggo ang bigat ng workload ng mga estudyante.
Nilinaw rin ni Ho na magkakaroon ng mga alituntunin ukol sa haba ng panahon para sa pagpapasa ng mga rekisitong pang-akademiya at pagbibigay ng isang linggong puwang sa pagitan ng mga ito. “Students would be given enough time to catch up with their lessons. . . [and] have enough time to do their other requirements as well,” pagpapaliwanag ni Ho tungkol sa nasabing probisyon.
Ibinahagi rin ni Ho ang rekomendasyon nilang bawasan ang mga pangkatang gawain dahil batay sa kanilang sarbey, maraming mag-aaral ang nahihirapang makipag-ugnayan sa kanilang grupo. Iminungkahi rin niyang iwasang iatas ng mga propesor sa mga estudyante ang pagtuturo ng mga araling teknikal dahil maaaring magkamali sila sa paglalahad ng impormasyon sa klase at posibleng makaligtaan itong itama ng guro.
Binigyang-pansin naman ni Aboy ang pagpapadali at pagpapalawig ng akses para sa online learning ng Pamantasan sa pamamagitan ng pag-alis ng attendance bilang parte ng grado at pagpapalawig ng mga aprubadong pagliban sa klase. Ayon sa kaniya, isinasaalang-alang nila ang mga suliraning nagmumula sa online na klase gaya ng problemang teknikal, pagkawala ng kuryente o koneksyon sa internet, pati ang mga sakuna gaya ng bagyo.
Ipinanukala rin nina Aboy ang paglimita sa bahagdan ng grado para sa partisipasyon sa klase nang hindi hihigit sa 10% at pagkakaroon ng iisang sistema para dito sa pagitan ng klase at kanilang propesor. Tinutukan din nila ang pagpapahaba ng oras sa pag-akses ng mga online na pagsusulit at pagbibigay-permiso sa mga mag-aaral na muling balikan ang mga katanungan ng eksaminasyon, salungat sa sistema ngayong opsyonal lamang ito.
Panukala para sa kapakanan ng mga Lasalyano
Isinulong din kasama ng nasabing resolusyon ang pagtutok sa mental health at kabuuang kalagayan ng mga mag-aaral. Inilahad ni Ho na inirerekomenda nila ang pagbalik ng university break tuwing katapusan ng linggo ngayong panahon ng online learning upang mabigyan ng panahon ang mga Lasalyano para sa pagpapahinga at paggawa ng mga extra-curricular na aktibidad.
Binigyang-pansin ni Ho na kaunting oras lamang ang nailalaan ng maraming Lasalyano para alagaan ang kanilang sarili. Batay sa nakalap nilang datos, 159 na respondente ang mayroong apat na oras pababa lamang kada linggo para makapagpahinga at 823 naman ang mayroong lima hanggang walong oras kada linggo. Inilahad ni Aboy na malinaw na lagpas sa itinakdang pito’t kalahating oras para sa gawaing pang-akademiya ang ginugugol ng mga mag-aaral.
Ibinahagi naman ni Dr. Christine Joy Ballada, Dean ng Student Affairs, na napapanahon ang ginawang sarbey ng LA dahil gumagawa rin ng paraan ang OSA upang mapabuti pa ang kanilang serbisyo, partikular na ang Lasallian Success Habits in a Networked Environment at Center for Student Success. Nilalayon ng mga programang ito na tulungan ang mga mag-aaral sa online learning at harapin ang mga pagsubok na kaakibat nito.
Inilahad din ni Ballada na bukod sa mga mag-aaral, makatutulong din ang inihaing resolusyon sa mga gurong lubha ring nahihirapan sa kasalukuyang pamamaraan ng pagtuturo. “The recommendations. . . will be able to improve. . . not just your learning but also improve teaching,” pagsasaad niya.
Inaprubahan ang nasabing resolusyon sa botong 5-0-0, at inaasahan ni Aboy at ng komite ng Student Rights and Welfare na makasama ang AC sa isang pagpupulong sa Enero 27.