Harapan 2021: Santugon at Tapat, nagpalitan ng argumento ukol sa isyung pangkampus at panlipunan


Likhang-sining nina Marco Pangilinan at Athena Cardenas

NAGTAGISAN ang ilang piling kandidato ng Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) at Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat) sa Harapan 2021: Make-up Elections Debate na pinangunahan ng De La Salle University Commission on Elections, Enero 22.

Naisakatuparan ang naturang debate sa tulong ng La Salle Debate Society at sangay ng Judiciary ng University Student Government (USG) na nagsilbing mga adjudicator at hurado, katuwang ang Archer’s Network na nangasiwa sa livestream nito.

Wagi ang partido ng Tapat sa dalawang bahagi ng debate habang kinilala namang overall best speaker si Giorgina Escoto, tumatakbong kinatawan ng Legislative Assembly (LA) ng BLAZE2022 mula Santugon.

Pagprotekta sa kalayaan sa pagpapahayag

Sinimulan ang unang debate sa pagtalakay sa isyu ng pag-uuri sa mga pamantasan bilang mga communist rebel recruitment hub. Kaugnay nito, ipinahayag nina Cate Malig (Tapat) at Earlrich Ibon (Santugon), na parehong tumatakbo bilang USG Vice President for External Affairs, ang kanilang mga plataporma at aksyon para maprotektahan ang kalayaan ng mga Lasalyano sa pagpapahayag.

Pagdidiin ni Ibon, “Mariin kong kinokondena ang pagre-red-tag o [ang] kahit anong interbensyon sa Pamantasan, sa kahit anong pamantasan, lalo na sa mga kabataang gustong magpahayag ng kanilang sariling mga saloobin ukol sa mga maling gawain ng gobyerno.” Nais din niyang palawigin ang kamalayan ng mga Lasalyano ukol sa mga isyu tulad ng red-tagging.

Ibinahagi rin ni Ibon na plano niyang makipagtulungan sa LA sa pagsusulat ng open letter tungo sa Commission of Human Rights upang maayos ang nasabing isyu. Bukod pa rito, plano rin niyang makipag-ugnayan sa ibang pamantasan, non-governmental organizations, at local government units para paigtingin pa ang pagtugon dito. Inilatag din niya ang kaniyang proyekto ukol sa edukasyon at rehistrasyon sa pagboto.   

Isinaad naman ni Malig na kailangan ng USG na lalong magsikap para sa pagpapalawig ng kamalayan sa red-tagging, pagsulong ng karapatang pantao, at paghingi ng pananagutan sa gobyerno. Ipinabatid din niyang plano nilang maghatid ng tulong panlegal sa mga na-red-tag sa pamamagitan ng pagbuo ng task force na magtatanggol ng mga karapatan ng mga estudyante. 

Nabanggit din ni Malig na makikipagtulungan siya sa College of Law Student Council upang maprotektahan ang mga estudyante sa pinakamabisang paraan. Nais din niyang magtatag ng grupo sa loob ng USG na magsasaliksik, magsusulong, at tutulong sa paggawa ng mga patakarang alinsunod sa mga paniniwala ng USG.

Pagpapanatili ng malinis na pulitika

Inilahad naman ng mga hurado sa ikalawang bahagi ng debate ang kanilang tanong ukol sa pagpapanatili ng malinis na pulitika ng dalawang partido. Tiniyak ni JM Gutierrez, tumatakbong USG President mula Santugon, na handa siyang sumunod sa mga batas at patakaran ng COMELEC. Dagdag pa niya, hindi siya lumabag kailanman sa mga alituntunin ng Pamantasan sa kabuuang tagal niya rito.

Siniguro rin ni Maegan Ragudo, kandidato ng Tapat sa posisyong USG President, na malinis siya sa kaniyang pulitika dahil tungkulin niyang pagtibayin ang karapatan ng mga estudyante. Pagbibigay-diin pa niya, “Clean politics should always be upheld and at the same time, we should always always protect the rights of the students.”

Sunod namang itinanong ng mga hurado ang opinyon ng mga partido ukol sa resolusyong nagpapahintulot sa mga itinalagang opisyal ng USG na makilahok sa aktibidad ng mga partido. Naniniwala si Escoto na nararapat na suriin ang mga aksyon ng mga inihalal na opisyal dahil maaari itong mapagkamalan bilang paglabag sa sinumpaang tungkulin. Gayunpaman, isinaad niyang dapat lamang na bawasan ang mga probisyon para sa mga itinalagang opisyal ng USG. 

Para naman kay Aeneas Hernandez na tumatakbong EXCEL2022 LA representative ng Tapat, “It is our duty to afford our officers the right to engage freely in democratic processes especially in electoral affairs.” Sa kabila nito, ipinaalala niyang hindi dapat gamitin ang resources ng USG para sa benepisyo ng anomang partido at kailangang tiyaking wala pa ring kinikilingan ang mga proseso sa naturang organisasyon.

Tugon sa isyu sa LA

Tinalakay rin ng isang hurado ang insidenteng paglalabas ng isang kinatawan ng LA ng impormasyon ukol sa resolusyong recall na bigong maipasa, na naging diskusyon sa isang grupo sa Facebook. Ipinaalala ni Ragudo na pormal at propesyonal dapat ang mga proseso sa loob ng LA. Pahayag pa niya, “At the end of the day, when we are fighting for students’ rights, it is always important that we set aside our political biases [and] our political propaganda.”

Inilahad naman ni Escoto na nararapat ang naturang aksyon upang maipabatid sa kapwa Lasalyano ang resolusyong kaniyang isinulong ngunit bigong maipasa. Pagpapatuloy niya, “It is my duty to inform the students about the things I’m lobbying for proper student representation.”

Itinanong din kay Escoto at Ragudo kung katangian o gawain ba ng isang huwarang opisyal ng USG ang nabanggit na aksyon ng parehong partido.  Tiniyak ni Escoto na ginagawa ng mga lider mula sa minority at majority floor ang kanilang responsibilidad na maging kinatawan ng student body sa LA. “Both the actions of the floors represent what the USG could be kasi we are built on the principle of participative democracy,” tugon niya. 

Pinanindigan naman ni Ragudo na tama ang aksyong ginawa ng majority floor dahil inilatag lamang nila ang mga problema sa panukalang probisyon. Aniya, “We already have a judiciary department to mediate impeachment based on gross negligence.” Binanggit din niyang karapatan ni Escoto na maipaliwanag ang nangyari bilang isang kinatawan. Sa kabila nito, mariing sinabi ni Ragudo na nararapat na idirekta sa kanila ang mga hinaing upang mapadali ang pag-aksyon dito at maiwasan ang hate speech. 

Pakikiisa ng mga Lasalyano

Kinuwestiyon naman ng isang hurado ang posibleng kaugnayan ng impluwensiyang sakop ng mga partidong politikal at ang kanilang paraan ng pagkilos sa hindi paglahok ng ibang Lasalyano sa eleksyon. Naniniwala si Ragudo na maaaring nakaaapekto ito sa pagsasawalang-bahala ng mga botante sa usapan ng eleksyon. Saad niya, “Responsibility ng political parties to cultivate a safe voting environment na free from voter harassment.” Dagdag pa niya, kailangang masolusyonan ang voter harassment tulad na lamang ng pagharang sa mga botante sa face-to-face na eleksyon.

Sa kabilang banda, naniniwala naman si Escoto na hindi hihina ang pagnanais nilang bumoto dahil nagsisilbing simbolo ang kanilang mga komento sa USG bilang kanilang pakikilahok. Binigyang-diin niyang magiging matatag ang pamayanang Lasalyano sa paghahayag ng opinyon sa mga isyung pampolitika sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga estudyanteng magbahagi ng kanilang pananaw sa iba’t ibang isyu. 

Ipinaalala naman ni Gutierrez na para sa mga estudyante ang mga resolusyon at platapormang isinasagawa ng USG. Paghihimok pa niya, “With your vote, these can make a difference in your experience as a Lasallian.”

Binigyang-pansin din ni Hernandez na kailangang maipakita sa mga Lasalyano ang kapakinabangan at benepisyong kanilang makukuha mula sa mga proseso ng USG upang mahikayat silang makilahok sa mga ito. Inihayag niyang hindi na sapat ang hakbang na nagpapaalala lamang sa mga Lasalyano ng kahalagahan ng kanilang pagboto. Aniya, “We show them why this matters. . . USG should do more rather just to encourage participation.”