Talakayang tungo sa pagiging mahusay na lider, itinampok sa Leadership Symposium: Coalition


BINIGYANG-DIIN ang kahalagahan ng pakikiramay at pakikisama, epektibong komunikasyon, at  malikhaing pag-iisip tungo sa pagiging isang epektibong pinuno sa isinagawang Leadership Symposium: Coalition na pinangunahan ng DLSU-Business Management Society (BMS), Enero 16.   

Nagsama-sama ang mga student-leader mula sa loob at labas ng Pamantasan upang mapakinggan ang pagbabahagi ng mga matagumpay na pinuno sa larangan ng negosyo ukol sa pagtataguyod ng isang mainam na liderato.

Paghubog sa kakayahang umunawa at makisama

Nagsimula ang kumperensiya sa pagtalakay ni Yvanna Wong, isang career coach ng Metamorphosis Group, sa paksang pakikiramay at pakikisama sa sarili at sa kapwa gamit ang mental models at heuristics. 

Unang tinalakay ni Wong ang pagpapahalaga sa sarili at sa pagsuri ng nararamdaman bago isagawa ang isang aksyon. Aniya, “Let sleeping dogs lie. Sometimes when you try to fix a problem, it actually makes the problem worse. So I advise you to slow down. Pause, breathe, and repeat.” Hinikayat ni Wong ang mga tagapakinig na bigyan ng sapat na oras ang sarili upang makapag-isip at maiwasan ang pagmamadali sa pagsasagawa ng isang aksyon.

Sa pamamagitan ng Parkinson’s Law, ipinaliwanag ni Wong na hindi dapat tinatakasan ang mga problema. Batay sa mga halimbawang kaniyang binanggit, binigyang-diin niyang mas humahaba ang proseso ng kinakailangang tapusin kung mahabang oras ang inilalaan sa isang gawain. Sambit niya, “Practice Parkinson’s Law. Just give yourself the right amount of time and make sure it is not too long. . . Sometimes, done is better than perfect.” 

Bukod dito, ibinahagi ng tagapagsalita ang mga natutunan niyang epektibong paraan ng pakikisama sa kapwa. Naniniwala si Wong na mas napabubuti ang pang-unawa at mas napatitibay ang relasyon sa ibang tao sa tulong ng aktibong pakikinig, pagtatanong, pagtanggap sa mga suliranin, pagsasaalang-alang sa Dunning-Kruger Effect, at pagkakaroon ng emotional bank account.

Pagtataguyod ng mainam na komunikasyon at inobasyon

Tampok naman sa pagbabahagi ni  KC Castillo, communications lead ng Grab Philippines, ang kahalagahan ng pagtataguyod ng epektibong komunikasyon bilang isang lider. Aniya, mahalagang pundasyon sa pagiging isang lider ang pag-alam sa kaniyang posisyon sa grupo dahil makatutulong ito upang matiyak ang anyo ng wikang gagamitin sa pakikipag-usap sa partikular na grupo ng taong makasasalamuha.

Bukod pa rito, ipinaliwanag din niyang bahagi ng pagiging isang epektibong lider ang pagsigurong nagagamit nang husto ang lahat ng daluyan ng komunikasyon upang lubos na maabot ang lahat ng kasapi ng organisasyon. Susi rin para sa kaniya ang pagtataguyod ng mga prosesong susundin ng mga miyembro ng organisasyon at ang madalas na pakikipagkita at pangungumusta sa kasamahan upang tumibay pa ang ugnayan ng lider at mga kasapi.

“I just wanna say that a good leader prioritizes the success of his subordinates and not his own. Na parang at the end of the day, if you’re a leader, you don’t care about your success. You don’t care about other people highlighting and championing you. It’s through the success of your direct people that you find success on your own,” wika ni Castillo.

Inilahad naman ni Kiara Tan, isang business development specialist mula sa Unilab Inc., na makatutulong ang paggamit ng design thinking sa paglutas ng isang problema. Sinimulan ni Tan ang diskusyon ukol sa delineative intelligence sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa Lasallian Personal Effectiveness Program o LPEP. Pagpapaalala niya, hindi maiiwasan ang pagdating ng mga pagsubok sa buhay, kaya mainam na gamitin ang nasabing proseso. 

Ayon kay Tan, mayroong limang hakbang ang design thinking: (1) empathize: alamin ang problema; (2) define: ilarawan ang problema; (3) ideate: mag-isip ng mga posibleng solusyon; (4) prototype: pumili ng pinakamainam at praktikal na solusyon; at (5) test: isakatuparan ang napiling solusyon. Magagawa ang mga ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kamalayan sa sitwasyon at solusyon sa problema, at kapag ibinubukod ang mga solusyong epektibo sa mga hindi gaanong epektibo.

Ayon kay Tan, madalas na ginagamit ng mga malikhaing manggagawa ang design thinking, ngunit binanggit niyang nagagamit din ito sa negosyo at personal na buhay. Iginiit  niyang mas mainam na pag-isipan ang mga epektibong solusyon sa problema bilang isang grupo dahil hindi nakikita ng iisang tao ang iba’t ibang anggulo ng suliranin. Dahil dito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng empatiya, paggalugad, at pakikipagtulungan dahil susi umano ang mga ito upang magtagumpay ang isang pangkat. 

Sa pagtatapos ng kumperensiya, hinimok ni Tan ang mga takapakinig na unti-unting ilakip ang pagiging malikhain at inobatibo sa pang-araw-araw na buhay. “Design thinking, yes, it’s adapted in the business world. But for you to better appreciate delineative intelligence or design thinking, you have to gradually integrate it into your life right now as college students. Because right now, yes you’re studying, you’re maybe making you’re thesis, you’re doing org work, and I think somehow you will be able to integrate the design thinking framework into your lives right now,” wika niya.